Sunday, January 29, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mga akawnt ng progresibong organisasyon na tinanggal ng Facebook, nakabalik na

Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jan 28, 2023): Mga akawnt ng progresibong organisasyon na tinanggal ng Facebook, nakabalik na (Accounts of progressive organizations deleted by Facebook are back)
 




January 28, 2023

Matapos igiit ng mga progresibo at demokratikong organisasyong kabilang ang Bagong Alansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakabayan, ibinalik na ng Facebook ang tinanggal nitong mga page ng naturang mga grupo. Inianunsyo kahapon ng Bayan ang pagbabalik sa kanilang mga Facebook page.

Walang paliwanag na sinensor ng Facebook ang tatlong page at marami pang indibidwal na akawnt noong katapusan ng Disyembre. Pinaniniwalaang may kaugnayan ito sa pag-post ng mga ito ng mga pahayag at parangal para sa lider-rebolusyonaryo na si Prop. Jose Maria Sison na pumanaw noong Disyembre 16, 2022.

Nauna nang kinundena ng Bayan ang panggigipit ng Facebook na binansagan nitong “automated censorship” at “pamumulis sa internet kasabwat ang mga troll ng estado at mga awtoritaryang rehimen.”

Inakusahan ng Facebook ang mga grupo ng paglabag sa mga pamantayan nitong “delikadong mga indibidwal at organisasyon.” Ang mga pamantayan at patakarang ito ay itinatakda ng Facebook katuwang ang Atlantic Council, isang maka-Kanang organisasyon na pinatatakbo sa kalakhan ng mga dati at aktibong myembro ng Central Intelligence Agency ng US.

Nagpasalamat ang Bayan sa lahat ng nakiisa at tumulong sa kanilang ipanawagan ang pagbabalik ng kanilang mga platapormang online. Anila, “mahalaga ang pushback (o pagkontra) na ito laban sa online na pagsesensor.”

Ayon pa sa grupo, magpapatuloy sila sa paggamit ng kanilang presensya online para magsalita para sa mga inaapi at pinagsasamatalahan at para sa kilusan ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa kasagsagan ng kampanya ng mga grupo na ibalik ang kanilang mga akawnt, nakaisa nila ang Commission on Human Rights. Gayundin, kabi-kabila ang pagkundena ng mga indibidwal at organisasyon sa pagsensor na ito ng Facebook.

Humigit-kumulang 130,000 ang kabuuang bilang ng pinagsamang followers ng Bayan, KMU at Anakbayan sa Facebook.

Sa kabila nito, maraming akawnt pa sa Facebook ng mga progresibong organisasyon ang hindi na ibinalik at patuloy na sinesensor ng Facebook.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-akawnt-ng-progresibong-organisasyon-na-tinanggal-ng-facebook-nakabalik-na/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.