Tuesday, May 3, 2022

CPP/NPA-Sorsogon: Rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon, tumitindig para sa laban ng mga kagawad ng midya para sa kalayaan sa pamamahayag

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 3, 2022): Rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon, tumitindig para sa laban ng mga kagawad ng midya para sa kalayaan sa pamamahayag (Revolutionary movement in Sorsogon, stands up for media members' fight for freedom of the press)



Samuel Guerrero
Spokesperson
NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

May 03, 2022

Sinasaluduhan ng rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon ang lahat ng mamamahayag at kagawad ng midya sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag. Wala silang kapaguran sa pagtupad sa tungkulin nila bilang mga ahente ng pagpapalaganap ng impormasyon at katotohanan. May mga nagbuwis na ng buhay sa probinsya para sa adhikaing ito at nakalulungkot na nananatiling mailap ang hustisya para sa kanila. Hindi malilimutan ng mamamayang Sorsoganon ang kanilang sakripisyo at dedikasyon sa kanilang propesyon.

Kamakailan lamang ay ipokritong idineklara ni Duterte ang Agosto 30 bilang Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag samantalang sa loob ng halos 6 na taon ng kanyang panunungkulan ay nagmistulang krimen ang pagpapahayag ng katotohanan at ang pagiging kritikal sa kanyang rehimen. Umabot na sa 22 ang mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng kanyang rehimen. Ginipit niya ang mga nakatunggaling media outlet tulad ng ABS-CBN, Rappler, Philippine Daily Inquirer, Abante at Radyo Veritas. Hindi na rin mabilang ang mga kagawad ng midya na ni-redtag at hinaras ng rehimen sa pamumuno ng NTF-ELCAC. Kahit ang mga indibidwal na naglalabas lamang ng sama ng loob o pagka-inis sa rehimeng Duterte ay di pinalagpas at walang awang sinampahan ng kaso tulad nila Ronnel Mas, Ronald Quiboyen, Maria Catherine Ceron at Reynaldo Orcullo noong Mayo 2020.

Sa sulsol ng imperyalismong US, pinatindi ang censorship sa mga social media site partikular ang mga pag-aari ng Google (Gmail, Youtube at Blogspot) at Meta (Facebook at Instagram) kung saan laganap ang fake news at mga troll ng rehimeng Duterte at Bongbong Marcos. Target ng naturang censorship ang mga account ng rebolusyonaryong kilusan at mga indibidwal na sa tingin ng mga kumpanya ay sumusuporta sa kilusan sa ipoktritong pagprotekta umano sa mga gumagamit ng kanilang mga serbisyo habang dumarami ang mga troll na nagpapalaganap ng mga pekeng balita.

Sa ganitong kalagayan ng bansa, hindi nakapagtataka na naka-ranggo ang Pilipinas bilang pang-130 sa 180 na bansang pinakamapanganib para sa malayang pamamahayag sa buong mundo ayon sa Reporters Without Borders para sa taong 2021. Pinatutunayan lamang nito ang mala-martial law at matinding pagsupil sa malayang pamamahayag sa bansa.

Matinding red-tagging, harasment, pagmamanman, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, panggigipit sa istasyon ng radyo tulad ng nararanasan ng PADABA Sorsogon, ang nararanasan ng mga kagawad ng midya at mamamahayag sa probinsya. Bagamat tunggalian sa pulitika ang ugat ng panggigipit sa PADABA ay naka-apekto ito sa kanilang tungkulin sa pagpapaabot ng mga impormasyon at balita sa malawak na mamamayan ng Sorsogon.

Nakakalungkot din na may ilang tagamidya sa probinsya na mistulang nagiging kasangkapan ng ilang mga pulitiko upang ipalaganap ang kanilang sariling adyenda sa pulitika, at mga kagawad ng midya na imbis na makinig at unawain ang kalagayan ng mga inaapi ay nagmimistulang tagapagsalita ng mga nang-aapi tulad ng AFP at PNP at nagpapasimuno ng pagpapalaganap ng pekeng impormasyon.

Tinatarget ng pasismo ang mga mamamahayag na tapat sa kanilang propesyon at mga sibilyan na nagsisiwalat ng mga katotohanan at anomalya sa gobyerno. Sa paglaganap ng fake news, at paglitaw ng mga “influencers” na nagpapanggap bilang “tagatuklas ng katotohanan” ay napakakrusyal ng papel ng mga mamamahayag upang maipatagos sa malawak na mamamayan sa bansa at sa buong mundo ang tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino.

Higit kailanman, mas kailangan ng mga aping sektor ng lipunan ng kakamping magsisiwalat ng nararanasan nilang pasismo, tulad ng panghaharas, red-tagging, mga gawa-gawang kaso, ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa kanilang mga karapatan. Nararapat ipabatid sa madla ang pasistang programang E-CLIP na sapilitang nagpapasurender sa kanila labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sa internasyunal na makataong batas.

Nananawagan kami sa mga mamamahayag at kagawad ng midya sa probinsya na tumindig sa panig ng masang Sorsoganon, alamin ang kanilang kalagayan at suportahan ang kanilang laban sa pasismo ng rehimeng US-Duterte.

Asahan ninyo na mananatili ang suporta ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya para sa kagalingan ng mga mamamahayag at kagawad ng midya at sa laban para sa malayang pamamahayag kasabay ng laban ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

https://cpp.ph/statements/rebolusyonaryong-kilusan-sa-sorsogon-tumitindig-para-sa-laban-ng-mga-kagawad-ng-midya-para-sa-kalayaan-sa-pamamahayag/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.