Tuesday, February 1, 2022

CPP/NPA-Southern Tagalog: Singilin ang SOLCOM, 2nd ID at 59th IB sa panggagahasa at pagtortyur sa dalagita sa Quezon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 31, 2022): Singilin ang SOLCOM, 2nd ID at 59th IB sa panggagahasa at pagtortyur sa dalagita sa Quezon! (Charge SOLCOM, 2nd ID and 59th IB for raping and torturing a girl in Quezon!)



Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

January 31, 2022

Marapat na hatulan at panagutin ang mga hayop na sundalo ng 59th IBPA at ang mga pinuno ng AFP-PNP na maysala sa pagtortyur at panggagahasa sa isang 17-taong gulang na babae sa Pagbilao, Quezon noong Hulyo 2020. Kasabay nito, dapat ding singilin si Gen. Antonio Parlade na hepe ng SOLCOM sa tinurang panahon, MGen. Arnulfo Burgos na dating kumander ng 2nd ID at Lt. Col. Edward Canlas ng 59th IBPA na pawang may command responsibility sa pangyayari.

Dinukot ng mga elemento ng 59th IBPA ang biktima noong Hulyo 27, 2020. Dinala siya sa bahay ng isang nagpakilalang Leoven Jolita kung saan siya pinahirapan at pilit na pinaaaming kasapi ng NPA Quezon. Mula doo’y dinala siya sa kampo ng 59th IBPA kung saan siya paulit-ulit na ginahasa ng mga CAFGU at muling tinortyur para umaming NPA. Masahol pa, pilit na nirekrut ng mga pasista ang biktima bilang asset laban sa sariling ina at mga kababaryo. Malubhang physical at psychological trauma ang natamo ng dalagita na rumurok sa tangkang pagpapakamatay.

Nakagagalit ang krimeng ito na ibinunga ng marahas at matagalang operasyong militar sa Quezon sa balangkas ng hibang na kontra-rebolusyonaryong gera. Bahagi ito ng maruruming taktika ng rehimeng Duterte laban sa nakikibakang mamamayan. Sadyang tinarget ang biktima upang takutin at i-presyur ang kanyang ina na lider ng nire-redtag na progresibong organisasyon ng mga kababaihan na Gabriela. Malakas din ang loob ng mga sundalo na gawin ang ganitong kahayupan dahil sa inaasahang proteksyon mula sa Anti-Terrorism Law na naging batas ilang linggo lamang bago ang pangyayaring ito.

Sa kabilang panig, nagpupugay ang MGC-NPA-ST sa biktima at kanyang pamilya na matapang na nagsiwalat ng krimen at naghabla sa mga salarin sa kabila ng siguradong pagbabanta sa kanilang buhay. Dapat silang tularan ng napakaraming biktima ng pang-aabuso at kahayupan ng mersenaryong tropa. Ang pagrereklamo at pagsasampa ng kaso sa mga reaksyunaryong korte ay anyo rin ng paglaban sa terorismo ng estado.

Dumadagundong ang sigaw ng bayan para sa hustisya. Nangangako ang MGC na gagawin ang lahat ng makakaya upang panagutin ang mga pasistang napakahaba na ng listahan ng krimen laban sa mamamayan.#

https://cpp.ph/statements/singilin-ang-solcom-2nd-id-at-59th-ib-sa-panggagahasa-at-pagtortyur-sa-dalagita-sa-quezon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.