Tuesday, February 1, 2022

CPP/NPA-Quezon: Sino ang Pinoprotektahan ng 59th IB?

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 29, 2022): Sino ang Pinoprotektahan ng 59th IB? (Who is Protected by the 59th IB?)



Cleo del Mundo
Spokesperson
NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

January 29, 2022

Nang buuin at pangalanan na “Protector” ang 59 Infantry Battalion ng Philippine Army, kaagad kang mapapakunot-noo kung nag-iisip ba nang matino ang mga sundalong ito.

Sa pelikulang Pilipino at maging sa tunay-na-buhay man ng mga sindikatong kriminal, ang Protektor sa kanilang lenggwahe ay nakapatungkol sa mga bayarang pulis, sundalong iskalawag at korap na opisyal ng gubyerno na binabayaran para ipagtanggol ang kanilang kabuktutan at kriminalidad.

Noong isang linggo, matapos sampahan ng kasong pagdukot at panggagahasa ang ilang tauhan at opisyal ng 59IBPA, walang kahihiyang ipinakita nila kung sino ang kanilang pinuprotektuhan.

Sa pahayag ng 59IBPA sa kanilang FB page, nagkaletse-letse ang kanilang pagtatakip sa krimen, kaya ibinaling ang kanilang turo sa grupong Gabriela na pawang paninira lamang daw ang mga paratang.

Wala ni katiting, kahit pakitang-tao ang 59IBPA para akuing paiimbestigahan ang mga sangkot nilang opisyal at tauhan. Huli na ay tanggi pa!

Noong December 1, 2021 nagsampa ng kaso sa Department of Justice ang mag-inang magsasaka na taga-Mulanay dahil sa akusasyong dinukot, hinalay at pinaaaming myembro ng NPA ang menor-de-edad na si Belle.

Sa isinagawang pulong balitaan ng grupong Gabriela Southern Tagalog noong January 21, isinalaysay nila ang karanasan ni Belle sa kamay ng mga CAFGU at sundalo ng 59IBPA.

Dinukot si Belle ng 7 armadong tauhan ng 59IBPA sa Barangay Binahaan, Pagbilao noong Hulyo 27, 2020 habang papunta sa tindahan para magpaload. Dinala ang noo’y kinse anyos na si Belle sa kampo ng sundalo sa bayan ng Macalelon at doon siya pinagsamantalahan at pilit na pinaaamin na miyembro ng New People’s Army. Pinipilit rin siyang maging asset ng 59IBPA para maniktik laban sa rebolusyunaryong kilusan kapalit ng buwanang suweldo at pinagbantaan ang buhay at kaligtasan ng kanyang buong pamilya kapag hindi nakipagtulungan.

Katunayan, maging ang kanyang ina ay biktima ng red tagging at arahasan sa kanilang lugar kaya napilitan silang magbakwet noon pang 2019.

Kabilang sa kakaharaping kaso ng mga opisyal at tauhan ng 59IBPA ang kidnapping, Serious Illegal Detention with rape, paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act, Special Protection of Children against Abuse, Anti-Torture Act, Exploitation and Discrimination Act.

Nananawagan kami sa mamamayan ng Quezon at sa lahat ng nagmamahal at nagtataguyod sa karapatang tao lalo na ng kababaihan at bata, na suportahan ang laban ni Belle at matamang bantayan ang gagawing maniobra ng 59IBPA para protektahan ang mga sangkot sa krimen.

Sampal sa makapal na mukha ni Digong Duterte ang pangyayaring ito. Ngayon niya ibuladas na sagot niya ang krimen ng mga opisyal at tauhan ng bayaran nyang 59IBPA at siya ang magpapakulong para sa buktot niyang sundalo. Tutal, si Duterte ang tunay na Protektor ng mga Protektor.#

https://cpp.ph/statements/sino-ang-pinoprotektahan-ng-59th-ib/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.