Saturday, February 5, 2022

CPP/Daily Philippine News & Analysis: Duterte, pinapanagot ng Senado sa pinakamalalaking pandarambong

Daily Philippine News & Analysis posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 4, 2022): Duterte, pinapanagot ng Senado sa pinakamalalaking pandarambong (Duterte, held accountable by the Senate for the biggest plunder)
 





February 04, 2022

May kinalaman si President Rodrigo Duterte sa “isa sa pinakamalalaking pandarambong” sa kaban ng bayan sa nakaraang kasaysayan ng Pilipinas pagkatapos ng diktadurang Marcos. Ito ang upisyal na ulat ng Senado pagkatapos ng ilang buwang imbestigasyon kung saan sangkot ang malalapit na kaibigan at mga hinirang sa gubyerno ni Duterte kaugnay sa multibilyong pisong transaksyon ng suplay laban sa pandemya sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong 2020 at 2021.

Isinapubliko ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang 113-pahinang paunang ulat nitong Pebrero 2, 2022. Dapat managot si Duterte sa kanyang pagtaksil sa tiwala ng bayan, isang batayan para makasuhan ng impeachment ang pangulo, ayon kay Gordon.

Inirekomenda ng kanyang komite ang pagsampa ng mga kasong kriminal tulad ng katiwalian at pandarambong kina Health Secretary Francisco Duque III, sa pinakamalapit na kaibigan ni Duterte na Tsino at dating Presidential Economic Adviser Michael Yang, dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao, at ilang upisyal ng Pharmally.

Sinuportahan ang ulat ng Senate Blue Ribbon Committee nina Senate Pro-Tempore Ralph Recto, Grace Poe, Manny Pacquiao at Pia Cayetano.

Inilista ng ulat ang sumusunod na mga paglabag ni Duterte:

• Paghirang ni Duterte kay Yang, isang dayuhang mamamayan, bilang kanyang “economic adviser” noong 2018. Susi ang naging papel ng negosyante sa pagpapakilala sa maraming suplayer na Tsino na nakipagtransakyon sa gubyerno at sa proseso’y nagpayaman ng malaki sa kanya.
• Pagtanggap sa “undercapitalized corporation” o korporasyon kulang sa kapital (Ᵽ625,000) na Pharmally na pag-aari ng isang Taiwanese na nagtatago sa batas (si Huang Tzu Yen) na napatunayang may kaugnayan kay Yang.
• Nagtangkang siraan ang kredibilidad ng Commission on Audit (COA) na siyang sumita sa maanomalyang transaksyon at mga pagbabanta para hindi ito makapagpatupad ng kanyang gawain.
• Pagtatangkang siraan ang kredibilidad ng Senado sa pamamagitan ng “pag-atake sa publiko, paninirang puri at hindi pagrespeto” bilang kapantay na sangay ng gubyerno.
• Pag-utos na magpalabas ng “iligal” na memorandum na nagbawal sa mga kasapi ng kanyang mga Gabinete at iba pang upisyal na dumalo sa mga pandinig sa Senado.
• Pagtangging habulin ang kanyang mga hinirang sa kabila ng mga panawagan mula sa publiko at sa Senado na obligahing dumalo sa mga pandinig at sa hindi pagpapanagot sa kanila sa “isa sa pinakamalalaking pandarambong sa kaban ng Pilipinas sa nakaraang kasaysayan.”
“Pinagtataksilan ang bayan. Habang milyung-milyon ang walang trabaho, nagiging mas mahirap at lalung nagugutom ang mga tao. Pero ano itong ginagawa ng administrasyon kundi ang pagpapalala sa dati nang malala at kawalan ng pag-asa ang mamamayan. Hinding-hindi ito mapapatawad, sinabi ng ulat ng Senate Blue Ribbon Committee.

Taliwas sa ulat ng Senado na yumayanig ngayon sa pangkating Duterte, inabswelto naman ng Mababang Kapulungan sa multibilyong pisong anomalyang ito sina Duterte, kanyang matalik na kaibigang negosyanteng Tsino at Lao. Hindi katakataka ito dahil dominado ng loyalistang Duterte at oportunistang mga kongresista ang Mababang Kapulungan na pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Velasco.

Gayunman bilang pakunswelo, inirekomenda ng Mababang Kapulungan na kasuhan ng katiwalian ang mga menor na upisyal ng Department of Budget and Management at ng Pharmally.

Ibinunsod ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa ulat ng COA kung saan nakalkal ang umaalingasaw na korapsyon ng Ᵽ11.5 bilyong halaga ng mga kontrata para sa suplay laban sa pandemyang Covid-19 na iginawad sa Pharmally. Karamihan nito ay idinaan sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na noon ay pinamumunuan ni Lao.

Bukod kay Duterte, Duque, Yang at Lao, inirekomenda rin ng Senado na kasuhan ng pandarambong sina Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, na noon ang naging direktor sa PS-DBM, ang mga upisyal ng Pharmally na pinamumunuan ng kanilang presidenteng taga-Singapore at tagapangulong si Huang at mga Pilipinong upisyal na sina Linconn Ong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, at Krizle Grace Mago; Lin Weixiong at Yang, na nakabase sa Davao City at sinasabing siya ang taga-garantor ng Pharmally at pinansyer. #

https://cpp.ph/angbayan/duterte-pinapanagot-ng-senado-sa-pinakamalalaking-pandarambong/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.