Wednesday, January 5, 2022

CPP/NPA-Cagayan Valley ROC: Taas kamao at militanteng pagpugay kay Ka Oris, ang bandila ng armadong paglaban at bandila ng pulang kapangyarihan

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Jan 5, 2022): Taas kamao at militanteng pagpugay kay Ka Oris, ang bandila ng armadong paglaban at bandila ng pulang kapangyarihan



CAGAYAN VALLEY REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (FORTUNATO CAMUS COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY, NPA-CAGAYAN (HENRY ABRAHAM COMMAND)

January 5, 2022

Pagsamahin man ang timbang ng gahiganteng mga bundok ng Siera Madre at Cordillera na kapwa’y tumatanaw sa lambak ng Cagayan, ay malayong mas mabigat pa rin ang kahulugan at kabuluhan ng kamatayan ng lumaban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Ito ay si Ka Oris.

Bilang kumander at tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan, gumanap siyang sagisag ng magiting na armadong paglaban ng mamamayan sa diktadurang US-Marcos hanggang sa kasalukuyang paghahari ng tiranikong rehimeng US-Duterte. Simbolo siya ng pag-unlad at paglakas ng pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, simbolo ng hangarin ng masa na itayo ang bagong estado. Isang dumadagundong na boses ng pag-aalsa na yumugyog at kinatakutan ng mga bulok, abusado, kriminal, korap, at teroristang rehimen.

Mawawasak man ang isang kumakatawan, hindi kailanman mapapawi ang paninindigan at adhikain na tinanggap, yinakap at minahal ng masang anakpawis. Mas masugid pang ipaglalaban ito sa bawat pagpaslang, brutalidad, pagpapahirap, at karahasan ng pasistang estado.

Ang katawan ni Ka Oris ay wala na. Subalit ang kanyang diwa ay malayang dumadapo sa mga eskwela, pabrika, komunidad ng maralita, bukid, bundok, tabing dagat, at sonang gerilya sa buong lambak ng Cagayan. Sa mga pulong, sa pag-aaral ,at sa pagpapatupad ng tungkulin, nakalahok ang pamanang dedikasyon, talino, at karanasan ni Ka Oris.

Habampanahon kasama siya sa mga protesta, kulturang pagtatanghal, barikada, kwentuhan, welga, produksyon, martsa, biruan, pag-oorganisa, maniobra, kainan, at labanan. Kasama siya sa bawat hakbang ng libong liko’t ikot ng mapanganib na landas ng rebolusyon.

Sa bawat kalabit ng gatilyo at bugso ng punglo, sa bawat makakamit ng rebolusyong agraryo, at sa bawat tagumpay ng pakikibakang masa ay hakbang-hakbang na malilikha ang di matitinag na bantayog ni Ka Oris at lahat na bayani ng digmang bayan. Ito ang bantayog ng wasto at tapat na rebolusyonaryong praktika na magbibigay daan sa pagsulong ng kasaysayan.

Hindi malalabag ang batas ng pag-unlad ng kasaysayan. Kahit sa lupang libingan ay tutubo ang sampaguita at papatakan pa rin ng ulan. Mula sa kabundukan at kapatagan na pinaulanan ng bala at bomba, at pinaghasikan ng lagim ng pasistang rehimeng US-Duterte, ay sisibol ang mga bagong kasamang taglay ang ibayong sigla sa paglahok sa armadong pakikibaka. Ang mga tiranyo at berdugo na nagtatangol sa sistemang malakolonyal at malapyudal ang magpapabilis sa pagluwal ng mas marami pang bagong Ka Oris.

Higit pa ngayon ang determinasyon ng Bagong Hukbong Bayan at ang masang inaapi sa lambak ng Cagayan na sumunod sa iginuhit na huwarang landas ni Ka Oris at taas-noong iwagayway ang bandilang pula. Ang kanyang dakilang kamatayan ay magbibigay ng panibagong buhay at sigla sa matapang na martsa patungo sa mas mataas na antas ng digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay. Taglay sa puso’t isip ng bawat kadre at mandirigma ang imortal na apoy ng alaala ni Ka Oris, ang kumikislap na liwanag ng kamulatang Marxismo-Leninismo-Maoismo, at ang lumulupig na liyab ng armadong pakikibaka.

Isasara itong mensahe sa pamamagitan ng pag-alay ng adaptasyon ng ilang bahagi ng tula na nilikha ni Amado V. Hernandez…

Maari nilang patayin
ang isang libong estudyante,

lurayin ang isang libong
mabangong bulaklak
ng kabataan ng lahi,

kitlin ang isang libong
manggagawa
at laksalaksang magbubukid.

Subalit ang bayan
ay hindi nila mapipigil,
bagkus lalong titibay ang pagkakaisa,
magbubuhos ng lakas

na gaya
ng nagngangalit na unos,
ng kumukulong bulkan,
ng nag-aalimpuyong sigwa.

ang kagitingan mo, (Ka Oris)
ay pamana
at patnubay
ng mga naiwan sa landas,
ang iyong dalisay na dugo
ay magpapatingkad

sa luwalhati
ng ngumingiting bukas
“ng isang sosyalistang Pilipinas!”

Mabuhay si Ka Oris,
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/01/05/taas-kamao-at-militanteng-pagpugay-kay-ka-oris-ang-bandila-ng-armadong-paglaban-at-bandila-ng-pulang-kapangyarihan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.