Tuesday, January 4, 2022

CPP/NDF-Bicol: Tuligsain ang karuwagan at karahasan ng 9th IDPA, panagutin sa utang na dugo sa mamamayang Bikolano!

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Jan 1, 2022): Tuligsain ang karuwagan at karahasan ng 9th IDPA, panagutin sa utang na dugo sa mamamayang Bikolano!



MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL

January 1, 2022

Isang malaking karuwagan ang balingan ng mamamatay-taong 9th IDPA ang walang kalaban-labang mga sibilyan sa tuwing nagsasagawa ito ng operasyon at nabibigong malupig ang mga yunit ng BHB-Bikol. Nitong Disyembre 28, matapos mabunyag sa publiko ang hindi bababa sa dalawang nasugatan at isang patay sa kanilang hanay dahil sa kanilang bigong pag-atake sa yunit ng BHB sa Sityo Campo Nueve, Brgy. Del Carmen, Lagonoy, Camarines Sur, walang habas na nagpaulan ng bala at bomba ang berdugong militar sa naturang komunidad. Dalawang magkasunod na araw nang yinayanig ang mga residente ng walang lubay na pagpapaputok at pambubomba ng kaaway. Sa unang araw pa lamang, hindi bababa sa 10 bomba ang tumama sa perimetro ng sityo. Dulot nito, napilitang lumikas ang nasa 100 residente ng Sityo Campo Nueve.

Habang pilit na itinatago mula sa publiko ang kanilang mapangwasak at duwag na operasyon sa Lagonoy, abala naman ang berdugong 9th IDPA sa pagpapakalat ng balita ng pekeng engkwentro sa Brgy. Salvacion, Ragay, Camarines Sur noong Disyembre 12, 2021. Ibinalita nila na nakasagupa ng pinagkumbinang pwersa ng militar at pulis ang isang grupo ng BHB na nagresulta sa pagkamatay ng isang kasapi nito. Ang totoo, walang labanang naganap sa naturang erya. Nagpaputok lamang ang mga berdugo sa isang masukal na bahagi ng lugar at pagkatapos ay pinaslang ang sibilyang si JB Bon, isang magkokopras na taga-Barangay Baya, Ragay, Camarines Sur, mahigit 40 taong gulang at may dalawang anak.

Nagpapakabihasa ang 9th IDPA sa paglalabas ng mga pekeng balita sang-ayon sa utos ng Commander-in-Chief nitong si Duterte na palabasing mayroong pinatutunguhan ang kanilang kampanyang kontrainsurhensya. Mula 2017 hanggang 2021 mayroong naitalang 49 pekeng engkwentro ang nasabing dibisyon. Nagresulta ito sa 57 sibilyang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagkakapaslang ng walong elemento ng PNP at mga ahente ng AFP-PNP-CAFGU.

Sa pagkukumahog na makamit ang maramihang tagumpay at lubusan nang magupo ang CPP-NPA-NDF bago matapos ang termino ni Duterte, walang dineklarang tigil-putukan ang rehimen. Walang piniling panahon ang patuloy na paglabag sa mga karapatan ng mamamayan kahit katatapos pa lamang ng pananalanta ng bagyong Odette at nasa gitna pa rin ng pagharap sa pandemya.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga kaibigan sa midya na masusing pag-aralan ang mga datos at balitang ibibinigay sa kanila ng 9th IDPA bago ito isapubliko, sa ngalan ng pagbabalita ng katotohanan. Pananagutan ito sa lahat ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang tao na maisiwalat ang mga tunay na kaganapan sa likod ng mga paglabag.

Sa huli, walang anumang kasinungalingan ang hindi mailalabas. Ang baho ng kaaway ay sisingaw at hindi maikukubli sa mga pagpapanggap bilang “tagumpay.” Ang kanilang mga kamay ay mananatiling pigta sa umaapaw na dugo ng hindi mabilang na mamamayang Bikolanong kanilang biniktima. Kakambal nito, mananatili rin ang umuusbong na bilang ng mamamayang sumisidhi ang paglaban na siyang magpapanagot sa mga berdugo at kakamit ng tunay na katarungan.

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/01/01/tuligsain-ang-karuwagan-at-karahasan-ng-9th-idpa-panagutin-sa-utang-na-dugo-sa-mamamayang-bikolano/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.