Posted to Kalinaw News (Oct 29, 2021): Mahigit 100 na mga miyembro ng UGMO tinalikuran ang komunistang grupo sa Baggao, Cagayan
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Sabay-sabay na tinalikuran at inabandona ng 147 na mga miyembro ng Underground Mass Organizations (UGMOs) ang Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Baggao, Cagayan noong ika-27 ng Octubre 2021.
Nagbalik-loob sa hanay ng 77th Infantry Battalion ang 34 na mga miyembro ng Pambansang Kaisahan ng mga Mambubukid (PKM), 18 na mga miyembro ng Kabataang Makabayan (KM), 18 na mga miyembro ng grupong Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), habang nasa 57 na mga miyembro ng Militia ng Bayan (MB), 18 naman ang tumalikod bilang Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL).
Nagmula sa mga barangay ng Asinga Via (12), Bunagan (63), Carupian (34), at Hacienda Intal (38) ang mga nagbalik-loob na mga miyembro ng UGMOs na namulat sa tunay na layunin ng CTG.
Ang naturang apat na mga barangay ay dating baseng masa ng mga CTG. Sa pamamagitan ng inilatag na Community Support Program, napatunayan ng mga nagbalik-loob ang sinserong layunin ng pamahalaan na magtulungan ang bawat mamamayan lalo na sa mga liblib na lugar upang matugunan ang mga suliranin sa kanilang komunidad. Kung kaya, hindi na sila nagdalawang-isip pa na talikuran ang teroristang kilusan at lumapit sa hanay ng kasundaluhan upang makipagtulungan laban sa insurhensiya.
Maliban dito, inilahad din ng grupong Sentrong Alyansa ng Mamamayan Para sa Bayan (SAMBAYANAN)-Baggao Chapter- grupo ng mga Former Rebels (FRS) ang kanilang mga karanasan mula nang magbalik-loob sa pamahalaan. Naging daan ang SAMBAYANAN upang maipamulat sa mga residente sa bayan ng Baggao ang malaking pagkakaiba ng ginagawang hakbang ng gobyerno upang matulungan ang mga mamamayan kumpara sa ginagawang panlilinlang ng teroristang grupo para lamang sa kanilang pansariling interes.
Nagpasalamat si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade sa tulong na inilaan ng grupong SAMBAYANAN upang maipakita ang tunay na anyo at kulay ng CTG. “Mulat na tayo sa kasinungalingan ng CTG hindi lamang laban sa pamahalaan, kundi maging sa mga inosenteng indibidwal. Wag na kayong magpamanipula sa mga teroristang grupo dahil napatunayan ninyong ginagamit lamang kayo sa kanilang mga pansariling interes. Ang inyong pagsuko ay malaking tulong upang masugpo natin ang problema sa insurhensiya. Sama-sama nating tapusin ang limang dekadang nagpahirap sa ating bayan.”
Habang sa mensahe naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, patunay lamang ito na natutugunan ng pamahalaan ang mga suliranin na ginagamit ng teroristang kilusan upang i-organisa ang mga mamamayan laban sa gobyerno. Aniya, dahil mulat na ang mga residente sa mga barangay ng Baggao, makakamit na rin nila ang tunay na kaginhawaan at kaunlaran sa kanilang mga lugar. “Lugod ang pasasalamat namin sa inyong naging desisyon na suportahan ang layunin ng pamahalaan na wakasan ang insurhensiya. Ang laban na ito ay para sa ating lahat, para sa inyo, at sa mga susunod pang henerasyon. Lumalakas ang pwersa ng pamahalaan dahil sa inyong pagbabalik-loob. Kung kaya, natitiyak ko na matatapos natin ito dahil sa inyong tulong at suporta. Sa pagtutulungan ng bawat isa, hindi tayo mabibigo sa ating adhikaing makamit ang tunay at makatotohanang kapayapaan at pag-unlad ng ating bayan.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/mahigit-100-na-mga-miyembro-ng-ugmo-tinalikuran-ang-komunistang-grupo-sa-baggao-cagayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.