Sunday, October 17, 2021

CPP/NDF-KM: Isulong ang digmang bayan para sa ganap na panlipunang paglaya!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 17, 2021): Isulong ang digmang bayan para sa ganap na panlipunang paglaya!

Maria Laya Guerrero
Spokesperson
Kabataang Makabayan (KM)
National Democratic Front of the Philippines

October 17, 2021



Habang papalapit ang Halalan 2022, lalo ring lumulubha ang awayan sa pagitan ng mga miyembro ng naghaharing uri. Sa kabila nito, malinaw sa buong rebolusyonaryong kilusan at lahat ng demokratikong mamamayan na ang ganitong mukha ng pampulitikang krisis ay isang manipestasyon lamang ng higit na pagkalugmok ng sistemang malakolonyal at malapyudal na ating iniiralan.

Sukang suka na ang masa sa pasismo, pagpapahirap, at kurapsyong dinanas nito sa 6 na taon sa ilalim ng rehimeng Duterte. Handa itong kumilos upang siguraduhing magwawakas na ang kapangyarihan ng administrasyong ito. Gayundin, hindi ito papayag na maluklok sa pwesto ang kaparehong kurap, pasista, ang magnanakaw na tulad ng mga Marcos.

Gayunpaman, kasaysayan ang nagtuturo sa masang Pilipino na walang sinumang idolo ang makapag-aahon ng bayan sa krisis. Patuloy na mananaig ang sistemang mapagsamantala at mapang-api hangga’t hindi natutugunan ang mga pangunahing hinaing ng taumbayan.

Habang ang isang bahagi ng bansa ay nakatutok sa personal na girian ng mga pulitikong nag-aasam ng kapangyarihan sa darating na halalan, patuloy ang pag-agas ng pawis, luha, at dugo ng masang magsasaka, manggagawa, maralita, pambansang minorya, at lahat ng grupo at sektor sa lipunang walang ibang hangad kung hindi ang makamit ang kanilang demokratikong karapatan.

Para sa bawat magsasakang patuloy na nagbibilad sa init ng araw sa mga sakahan, patuloy na nagtitiis sa isang baso ng kape at kakarampot na kanin at de lata, patuloy na binabarat sa presyo ng kanilang mga produkto, at patuloy na ninanakawan ng lupa, isa lamang kanilang tanong: “Makaaahon ba sa gutom ang aming mga anak?”

Para sa bawat manggagawang patuloy na nagbabanat ng buto sa mga pagawaang tilda selda, patuloy na pinagkakaitan ng nakabubuhay na sahod, at patuloy na ginigipit ng kontraktwalisasyon, malinaw ang kanilang pangarap: “Magkakaroon ba ng magandang buhay ang aming pamilya?”

Para sa bawat kabataan-estudyanteng patuloy na nagtitiis sa palpak na moda ng pag-aaral, patuloy na isinasadlak sa komersyalisado at maka-imperyalistang balangkas ng edukasyon, patuloy na tinatanggalan ng espasyo para sa malayang pagkatuto, at patuloy na nililinlang na diploma at pag-gradweyt ang susi sa magandang kinabukasan, wala ibang hangarin sa kanilang mga isip: “Makararaos ba kami sa siklo ng pagpapa-alipin sa naghahari’t nasa kapangyarihan?”

Habang isang dumadagundong na “hindi” ang sagot sa lahat ng mga tanong na ito, hindi titigil ang masang Pilipino sa pakikibaka para sa kanilang makauring paglaya!

Malaking hamon ngayon sa lahat ng demokratiko at patriyotikong kabataan at mamamayan na walang pag-aalinlangang basagin ang ilusyon ng tunggalian ng iilang nasa kapangyarihan. Itaas ang pakikibaka sa antas ng panlipunang paglaya at pagsulong! Sumanib sa laksa-laksang pwersa ng magsasaka, pambansang minorya, at manggagawa nagpasyang humawak ng armas sa kanayunan para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan!

Kabataan, mamamayan, isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon!
Wakasan ang siklo ng tiraniya at paghihirap ng sambayanan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://cpp.ph/statements/isulong-ang-digmang-bayan-para-sa-ganap-na-panlipunang-paglaya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.