Wednesday, August 11, 2021

Kalinaw News: 50 dating myembro ng Teroristang Komunista sumuko sa pwersa ng pamahalaan sa Masbate

Posted to Kalinaw News (Aug 11, 2021): 50 dating myembro ng Teroristang Komunista sumuko sa pwersa ng pamahalaan sa Masbate



CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Inabandona ng 50 miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang rebeldeng kilusan upang samahan ang gobyerno sa mas pinaigting na kampanya laban sa insurhensya.

Napagtanto nila na walang namang patutunguhang mabuti ang kanilang ipinaglalabang ideolohiya kaya’t walang pagdadalawang-isip na sila’y sumuko sa pwersa ng pamahalaan.

Ika-10:30 ng umaga Agosto 10 taong kasalukuyan, nang pormal na iprisenta ang nasabing mga surrenderers sa Rendezvous Hotel sa lungsod ng Masbate.

Lima sa kanila ay mga aktibong New People’s Army (NPA), sampung miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at 35 miyembro ng Militiang Bayan (MB).

Isinuko rin ng mga ito ang sampung armas na kinabibilangan ng dalawang kalibre .45, apat na revolvers, dalawang shotgun at dalawang hand grenade.

Sa naturang seremonya, nakatanggap ang ang mga dating rebelde o Former Rebels (FRs) ng food packs. Nagbigay din ang 9th Infantry (SPEAR) Division at Police Regional Office-5 (PRO-5) ng dagdag na tulong pinansyal.

Laking pasasalamat naman ng mga FRs sa pwersa ng pamahalaan lalong lalo na sa 2nd Infantry Battalion (2IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen na siyang tumulong sa kanila upang makauwi ng ligtas sa kani-kanilang mga pamilya.

Ipinangako din nga mga FRs na hindi nila sasayangin ang pagkakataong ito na makapagbagong buhay kasabay ng panawagan sa kanilang mga dating kasamahan na sumuko na rin at huwag sayangin ang kanilang buhay sa loob ng teroristang grupo na pawang karahasan lamang ang inihahasik.

Pinuri rin ni Lt. Col. Awichen ang mga FRs sa kanilang paglalakas-loob na talikuran ang CTG at piliin ang payapa at maunlad na pamumuhay kasama ang kanilang mga pamilya.

“Sila ay i-eenroll natin sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makatanggap ng benepisyo na magagamit nila sa pagsisimula ng panibagong buhay. Sa E-CLIP, mabibigyan sila ng cash, livelihood, educational, medical at housing assistance, maliban pa pa sa firearm remuneration para sa mga nagsuko ng armas,” ani Lt. Col. Awichen.

Maliban sa mga benipisyong ito, binigyang diin ni Col. Aldwine Almase, Commander ng 903rd Infantry Brigade, na walang katumbas ang buhay ng mga 50 FRs na ngayon ay nailayo na sa kapahamakan.

“Kung patuloy silang mabubuhay sa kabundukan at makikipaglaban sa mga pulis at sundalo, hindi imposibleng matulad sila sa napakarami ng mga komunistang terorista na napaslang sa mga engkwentro. Hindi karapat-dapat na ibuwis ng mga ito ang kanilang buhay sa isang teroristang grupo na walang awang pumapatay ng mga inosenteng buhay lalo na ng mga sibilyan at mga walang kamuwang-muwang na kabataan,” ani Col. Almase.

Ayon naman kay PBGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PRO-5, tiyak na mas marami pang mga miyembro at tagasuporta ng CTG ang magbabalik-loob sa pamahalaan lalo na at nakikita ng mga ito na may mabuting bukas na naghihintay sa kanila at sa kanilang pamilya sa labas ng kilusan.

“Hindi po drawing ang mga pangako natin sa kanila na kapag sumuko sila ay tutulungan natin silang mapabuti ang kanilang buhay. Hindi lang po PNP at AFP ang magkatuwang sa programang ito para sa mga FRs kundi lahat ng mga ahensya ng pamahalaan,” dagdag pa ni PBGen. Estomo.

Muli namang pinasalamatan ni MGen. Henry A. Robinson Jr. PA, Commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia at 9ID, ang mga Masbateño sa kanilang walang sawang pagsuporta sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno.

“Alam namin na pagod na rin ang ating mga kapatid na magtago sa mga kabundukan at ayaw na rin naming mayroon pang magbuwis ng buhay sa mga labanan. Kaya sana huwag na ninyong sayangin ang pagkakataon na ito na ibinibigay ng ating gobyerno. Hindi kailanman magiging sagot sa kahirapan at sa pagbabago ang pagpasok sa kilusan, pagdadala ng armas at paglaban sa gobyerno. Ang tunay na pagbabago ay makakamit lamang kung tayo ay magkakaisa,” ani MGen. Robinson.

Dumalo rin sa aktibidad sina Commodore Giovanni Bergantin ng Coast Guard District Bicol; Dir. Vert Chavez ng National Intelligence and Coordinating Agency 5 (NICA-5), PCol. Joriz Cantoria, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office; at mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), lokal na pamahalaan at iba pang tanggapan ng gobyerno.

Magugunitang mula noong buwan ng Hunyo, matapos ang walang awang pamamaslang ng CTG sa mga inosenteng sibilyan sa Masbate, mahigit 500 na ang mga sumuko at patuloy pa ang paglobo ng bilang na ito hanggang ngayon hindi lamang sa nasabing islang probinsya kundi maging sa iba pang lalawigan sa Bicol.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/50-dating-myembro-ng-teroristang-komunista-sumuko-sa-pwersa-ng-pamahalaan-sa-masbate/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.