Posted to Kalinaw News (Apr 3, 2021): Tatlong regular na mga miyembro ng teroristang CPP-NPA, nagbalik-loob sa pamahalaan ngayong panahon ng Semana Santa
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Matapos makapagnilay-nilay ngayong panahon ng Semana Santa, magkasunod na boluntaryong sumuko sa hanay ng 86th at 95th Infantry Battalion at ng kapulisan ang tatlong mga regular na miyembro ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa lalawigan ng Isabela noong ika-2 ng Abril taong kasalukuyan.
Unang sumuko sa hanay ng 86IB si alyas Popoy ng Squad Uno, Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) sa Sitio Jet, Barangay Rizal, San Guillermo, Isabela. Narekrut siya noong Oktubre ng taong 2020 ng isang alyas Andong.
Kasama si alyas Popoy sa mga miyembro ng teroristang CPP-NPA na nakasagupa ng tropa ng 86IB sa nangyaring engkwentro sa San Guillermo noong ika-15 ng Marso taong kasalukuyan na kung saan, nasawi si alyas Yuni -ang pinakamataas na Komander ng teroristang CPP-NPA sa Lambak ng Cagayan . Ayon sa kanya, sinuwerte siyang makatakas mula sa kanyang mga kasamahan na ayaw siyang payagang tumiwalag mula sa kanilang kilusan. Aniya, pagod na siyang nakikipagtaguan sa mga otoridad at ayaw nang maranasan pa ang ilang araw na gutom dahil sa palipat-lipat nilang paghahanap ng matutuluyan. Pagsasalaysay pa ni alyas Popoy, kahit labag sa kanyang kalooban ang makipagsagupaan sa tropa ng pamahalaan, pinilit at tinatakot siya ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA. Kung kaya, labis ang kanyang kagustuhang umalis sa teroristang kilusan at ipinagpapasalamat niya nang siya ay tinanggap ng pamahalaan sa kabila ng kanyang ginawang pag-anib sa teroristang grupo.
Habang sa bayan naman ng San Mariano sa kaparehong lalawigan, sabay na sumuko sa mga otoridad sina alyas Kalahati/Rocket/Rudy, lider ng Squad Dos ng RSDG, KR-CV, narekrut noong taong 2017 ng isang alyas Bang, at alyas Kevin/Ron-Ron/Benjamin, Supply Officer naman ng Squad Tres ng RSDG, KR-CV, napasampa naman siya nina alyas Mandy, Rona, Zaldy at Lopez noong taong 2016.
Anila, sobrang paghihirap ang kanilang naranasan mula nang sila ay sumampa sa teroristang kilusan. Wala umanong naambag na mabuti sa kanilang pamumuhay ang ginawang pag-anib taliwas sa mga binitawang pangako sa kanila.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga nagbalik-loob para sa kanilang seguridad habang inilalakad naman ang kanilang mga makukuhang benepisyo sa ilalim ng Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Samantala, sinabi naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na magandang pagkakataon ang paggunita ng Semana Santa upang pagnilayan ng mga natitira pang miyembro ng rebeldeng CPP-NPA ang kanilang mga maling nagawa. Aniya, patuloy pa rin sa pagbibigay ng pagkakataon ang pamahalaan sa mga nagnanais na magbaba ng kanilang armas at magbalik-loob sa pamahalaan. “Habang ginugunita natin ang Semana Santa, napapanahon na para sa mga natitira pang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na pagnilayan ang mga ginawang pagpapahirap sa kanilang mga biktima. Hinihintay pa rin namin kayo na magbalik-loob sa pamahalaan. Nakahanda ang mga tulong ng gobyerno para sa inyong pagbabagong buhay. Batid namin ang inyong mahirap na sitwasyon kung kaya tama na ang pagpapahirap sa inyong mga sarili. Tayo ay magkaisa sa pagtamo ng ating hinahangad na kaunlaran at katahimikan sa ating lugar.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/tatlong-regular-na-mga-miyembro-ng-teroristang-cpp-npa-nagbalik-loob-sa-pamahalaan-ngayong-panahon-ng-semana-santa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.