Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 30, 2021): Palakasin ang kilusang manggagawa at manguna sa pakikibaka para sa demokrasya at kalayaan
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINESAPRIL 30, 2021
Ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang partido ng uring proletaryadong Pilipino, ay mahigpit na sumasaludo sa uring manggagawa sa buong daigdig at sa mga manggagawang Pilipino ngayong Mayo Uno. Ginugunita natin ngayon ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa gitna ng matinding krisis ng monopolyong kapitalismo sa buong mundo at papasidhing pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa at masang anakpawis. Pagtibayin natin ang ating determinasyon na isulong ang pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo at isulong ang sosyalistang rebolusyon para pandayin ang bagong lipunan.
Humalaw tayo ng inspirasyon sa dakilang mga tagumpay ng Komuna ng Paris sa ika-150 taon nito, ang unang pagkakataon sa buong daigdig na nagtagumpay ang uring manggagawa sa pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado ng burgesya, nagtatag ng pampulitikang kapangyarihan ng uring manggagawa at demokratikong namahala sa kanilang mga sarili. Ang mga aral ng Komuna sa pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at pagtatayo ng bagong lipunan ay tanglaw sa uring manggagawa ng Pilipinas.
Hinihingi ng kasalukuyang kalagayan na puspusang isulong ng uring manggagawang Pilipino ang pakikibaka ng sambayanan para sa demokrasya at pambansang kalayaan. Dahil sa matinding kahirapan sa kabuhayan at krisis sa pulitika ng naghaharing sistema, lalong nalantad ang bulok na kaibuturan ng sistemang malakolonyal at malapyudal, at nagpatingkad sa pangangailangang isulong ang rebolusyonaryong pagbabago na magwawakas sa kahirapan at pang-aapi sa mamamayan.
Patuloy na nananalanta ang pandemyang Covid-19 at dumarami ang Pilipinong nagkakasakit at napagkakaitan ng angkop na atensyong medikal dahil sa palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa krisis sa pampublikong kalusugan. Winalang-bahala nito ang kapakanan ng mamamayan at pinagdamutan ng badyet ang libreng mass testing at pagpapagamot, sapat na kakayahan sa epektibong contact tracing, pagpapalakas ng mga pampublikong ospital at mga laboratoryo, pananaliksik at iba pang esensyal na pangangailangan sa paglaban sa pandemya. Ang mga manggagawa ang pinakabulnerable sa pandemya, kapwa sa loob ng mga pagawaan at lugar ng trabaho na kulang o walang sapat na kagamitan o sistema para sa ligtas na pagtatrabaho, gayundin sa loob ng nagsisiksikan nilang mga komunidad.
Habang namiminsala ang pandemya at nagtitiis sa wala ang mamamayan ay binubundat naman ni Duterte sa pampublikong pondo ang sariling pamilya at mga alipures. Pinalobo niya ang badyet ng militar at pulis upang bilhin ang katapatan ng mga heneral at matataas na upisyal, at gamitin ang AFP at PNP sa walang-habas na kampanya ng panunupil at pagpapatahimik sa mamamayang humihiyaw sa gitna ng malawakang krisis at kahirapan.
Walang-kaparis na krisis sa ekonomya ang kinasasadlakan ngayon ng bayan. Halos 11 milyon ang walang trabaho at nawalan ng kabuhayan. Lubhang napakababa ng sahod ng mga manggagawa. Makupad at lubhang kulang ang ayudang ipinamamahagi ng estado, laluna sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin. Pinabayaan ng rehimeng Duterte na mamulubi’t magutom ang taumbayan at tumungo sa mahahabang pila para sa tulong at pagkain. Ang krisis sa ekonomya ay kagagawan ng rehimeng US-Duterte na tumatangging magbigay ng dagdag-sahod, palaasa sa pangungutang, sagadsaring ang korapsyon at paglulustay ng pondo sa pulis at militar. Sa gitna ng pandemya, isinagasa nito ang batas na CREATE na pumabor sa kaltas-buwis sa malalaking negosyo, ibayong niluwagan ang liberalisasyon sa pag-aangat ng karneng bab oy na lalong nagsapeligro sa lokal na agrikultura, at inilabas ang EO 130 na magbibigay-daan sa walang-habas na pandarambong ng mga Chinese at iba pang dayong kumpanya sa rekursong mineral ng bansa.
Papabigat ang dagok nitong krisis sa mga manggagawa. Tumitindi ang pagsasamantala at pang-aapi sa kanila sa anyo ng pinababang sahod, kontraktwalisasyon at kawalan ng proteksyon sa mga lugar ng trabaho sa gitna ng pandemya. Sumasahol rin ang atake sa organisadong paggawa, kabilang ang pagdistrungka sa pagkakaisa ng mga manggagawa, pagmamanman sa mga unyon sa loob ng mga economic zone, pagpatay sa kanilang mga lider at pananakot sa kanilang mga kasapi.
Bahagi ang mga ito ng walang-tigil na atake ng mga armadong pwersa ng estado sa demoktratikong mga organisasyon ng mamamayan, sa tabing ng “kontra-insurhensya.” Habang papalapit na ang upisyal na pagtatapos ng termino ni Duterte, dumarami naman ang bilang ng mga pinapatay, inaaresto at nire-redtag o idinadawit sa armadong kilusan. Hawak ang Anti-Terror Law, nais ng rehimen na patahimikin ang sinumang tumututol sa kanyang pasistang paghahari, at ilatag ang mga kundisyon alinman para magpataw ng pasistang diktadura o kaya’y manipulahin ang eleksyong 2022 upang patagalin sa pwesto ang kanyang angkan at dinastiya.
Labis ang pangamba ni Duterte na singilin siya sa kanyang pagtataksil sa bayan, sa mabilis na pagkapawi sa soberanya ng Pilipinas sa harap ng pagyuko niya sa China at pagpayag na kamkamin ang lumalaking bahagi ng karagatang sakop ng eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas. Nilukot at isinaisantabi ni Duterte ang desisyon ng International Arbitral Tribunal na kumilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS). Kapalit ng mga pangakong pautang ng China at ng pakinabang niya sa pakikipagkunsabahan sa mga sindikato sa droga sa China, pumayag si Duterte na samsamin ng China ang yamang karagatan ng Pilipinas sa labis na kapinsalaan ng mga mangingisda at mamamayang Pilipino.
Dapat tumindig ang manggagawang Pilipino sa unahan ng demokratikong mga pakikibaka ng mamamayan, at magsilbing pinakasolidong bag-as ng kilusang masa para wakasan ang tiranikong paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Dapat patuloy na itayo, palawakin at palakasin ang mga unyon at asosasyon ng mga manggagawa at isulong ang militanteng kilusang manggagawa. Kailangang palakasin ng mga manggagawa ang kanilang mga unyon upang matatag na labanan ang paninibasib ng mga pasistang pulis at sundalo sa kanilang hanay, at upang epektibong isulong ang kagyat na kahingian ng mga manggagawa para sa dagdag sahod at kaseguruhan sa trabaho. May kakagyatan ngayon ang hinihinging P100 pangkagipitang dagdag sahod sa harap ng mabilis na pagbulusok ng halaga ng piso at tumataas na presyo ng mga bayarin. Palagablabin ang apoy ng mga pakikibakang manggagawa sa mga pabrika at buo-buong enklabo sa iba’t ibang dako ng bansa.
Kaakibat nito, dapat tuluy-tuloy na pahigpitin ng mga manggagawang Pilipino ang pakikipagkapit-bisig nila sa demokratikong mga sektor kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Dapat suportahan ang demokratikong mga kahilingan at mga pakikibaka ng masang Pilipino. Dapat patuloy nilang suportahan ang hinihingi ng mga manggagawang pangkalusugan na dagdag sweldo, hazard pay at mas malaking subsidyo para sa serbisyong pangkalusugan. Dapat ding palakasin ang pagsuporta sa hinihinging lupa ng mga magsasaka, pagpapababa ng upa sa lupa, pagwawakas sa usura at iba pang porma ng pagsasamantala sa kanayunan. Gayundin, ang panawagan ng mga bata at kabataan na ligtas nang magbukas ang mga eskwelahan, itaas ang sahod ng mga guro at dagdagan ng estado ang subsidyo sa edukasyon. Dapat ring malakas na tutulan ng kilusang manggagawa ang walang-lubay na pangungutang ng gubyerno sa mga dayuhan, ang paglaban sa lubhang malaking badyet sa binubundat na militar at pulis.
Dapat patatagin ang determinasyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang maka-uri at pampulitikang kamulatan na ipaglaban ang pambansa at demokratikong mga adhikain ng sambayanang Pilipino. Isagawa ang malawakang kilusang pangkultura at pang-edukasyon para buhayin ang patriyotismo. Isagawa ang mga pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas at ang nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan mula sa kuko ng imperyalismo at mga galamay nito sa papet na estado. Isagawa ang malawakang pag-aaral sa kalagayan ng lipunang Pilipino at ang pangangailangan para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Ibayong palalimin ang pagkakaugat ng Partido Komunista ng Pilipinas sa hanay ng mga manggagawa. Ipagpatuloy ang malawakang pagrerekrut ng mga manggagawa upang magsilbi silang mga proletaryong kadreng nasa unahan at gulugod ng mga makauring pakikibaka ng mga manggagawa. Dapat puspusang magrekrut ng mga aktibista at kadreng manggagawa para sa Bagong Hukbong Bayan upang magsilbing mga Pulang mandirigma at kumander nito.
Ang pagsusulong ng mga manggagawang Pilipino ng mga pakikibakang demokratiko at anti-imperyalista ay bahagi ng bumubulwak na kilusang anti-imperyalista at demokratiko sa buong mundo. Palatandaan ito ng pagkabulok ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang iniluluwal nitong malalim na krisis sa ekonomya, pasismo, rasismo at iba pang anyo ng pang-aapi at paninibasib sa mga manggagawa at masang anakpawis. Tungkulin ng mga rebolusyonaryong proletaryo na tumindig, magmulat, mamuno at dalhin ang malawakang mga kilusan sa rebolusyonaryong landas ng tunggalian ng mga uri.
Sa buong mundo, napakapaborable ng kalagayan para palakasin ang mga partido komunista at pamunuan ang malawakang mga pakikibaka at dalhin ang pandaigdigang sosyalistang rebolusyon sa bisperas ng panibagong pagdaluyong.
Mabuhay ang mga manggagawa at anakpawis sa buong mundo!
Mabuhay ang masang manggagawang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
https://cpp.ph/statements/palakasin-ang-kilusang-manggagawa-at-manguna-sa-pakikibaka-para-sa-demokrasya-at-kalayaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.