From Kalinaw News (Mar 14, 2021): Engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at rebeldeng NPA sumiklab; mga residente nakipagtulungan kontra sa mga rebelde
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Sumiklab ang dalawang magkasunod na engkwentro sa pagitan ng hanay ng 17th Infantry Battalion (17IB) at ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Barangay Mallig at Sitio Tawini, Brgy Upper Atok, Flora, Apayao, ngayong araw, ika-14 ng Marso taong kasalukuyan.
Una rito ng nagkasa ng security operations ang mga tropa ng 17IB sa Barangay Mallig, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente ukol sa presensya ng mga teroristang CPP-NPA sa kanilang lugar. Nagsagawa ng aksyon ang nasabing tropa ng pamahalaan na kung saan, kasalukuyan ang kanilang security operations nang paulanan sila ng bala ng nasa 20 na mga miyembro ng teroristang CPP-NPA mula sa West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley. Tumagal nang halos labinlimang minuto ang nangyaring palitan ng putok mula sa hanay ng 17IB at teroristang CPP-NPA. Matapos ang engkwentro, agad umatras ang mga rebeldeng CPP-NPA na sanhi na rin ng kanilang pagkakawatak-watak.
Sa isinagawang clearing operations ng mga otoridad, mayroong mga dugo ang nakita na kung saan pinaniniwalaang marami ang naging sugatan sa panig ng mga teroristang CPP-NPA. Narekober din ang apat na M16 rifles at mga Improvised Explosive Devices (IEDs) o mga pampasabog na gamit ng mga teroristang NPA.
Sa mga narekober na gamit, muling napatunayan ang nagpapatuloy na paglabag ng mga teroristang CPP-NPA sa International Humanitarian Law na mariing nagbabawal sa paggamit ng mga IEDs.
Ilang oras pagkatapos ng engkwentro sa Barangay Mallig, Flora, muling naengkwentro ng tropa ng 17IB ang hindi mabatid na bilang ng mga teroristang CPP-NPA sa bahagi naman ng Barangay Upper Atok na tumagal ng mahigit kumulang ng 30 minuto. Muling nagkawatak-watak ang grupo ng mga CPP-NPA habang patuloy ang pagsuyod ng mga kasundaluhan sa nasabing mga lugar.
Samantala, bago pa man ang nangyaring mga engkwentro, una na ring idineklarang Persona Non Grata ng mga residente sa nasabing barangay ang mga Communist NPA Terrorists (CNTs). Patunay rito ang naging aksyon ng mga residente sa kanilang mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga kasundaluhan patungkol sa mga rebeldeng NPA na gumagalaw sa kanilang lugar.
Ipinagpasalamat naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pagbabahagi ng impormasyon ng mga residente sa kasundaluhan. Aniya, mandato ng kasundaluhan na protektahan ang mga mamamayan at magagawa ito ng epektibo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga residente. Habang kanyang hinikayat ang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na ibaba na ang kanilang armas at magbalik-loob na sa pamahalaan. Aniya, wala ng mapupuntahan pa ang mga teroristang CPP-NPA dahil sa mas pinaigting na pakikipagtulungan at koordinasyon ng mga residente sa kasundaluhan.
“Sa mga sugatang miyembro ng teroristang CPP-NPA dahil sa nangyaring engkwentro, bukas ang mga pagamutan ng pamahalaan upang kayo ay mabigyan ng maayos na atensyong medikal. Makakaasa kayong tutulungan namin kayong magkaroon ng karampatang medisina upang mapabilis ang inyong paggaling at mapabuti ang inyong kalagayan.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.