Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 27, 2021): Makikipagtulungan kami sa CHR-Bicol
SAMUEL GUERREROSPOKESPERSON
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND)
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
FEBRUARY 27, 2021
Nagpahay ang Commission on Human Rights (CHR)-Bicol kahapon, Pebrero 26, na iimbestigahan nito ang pagkakadamay umano ng ilang sibilyan sa pananambang ng NPA sa tropa ng 9th SAF sa Putiao, Pilar, Sorsogon noong Pebrero 22. Sa kanyang pahayag, binatikos ni CHR-Bicol Director Arlene Alangco ang nasabing ambus bilang isang “senseless violence.”
Handa ang NPA-Sorsogon na makipagtulungan sa imbestigasyon ng CHR-Bicol sa naturang usapin lalupa’t ang higit na ikabubuti ng masa ang aming hangad. Sa gayon ding batayan, ang rebolusyonaryong kilusan at ang mamamayan ng probinsya ay umaasa at naghihintay sa resulta ng pagsisiyasat ng CHR sa masaker sa Dolos, Bulan noong Mayo ng nakaraang taon at sa iba pang pang-aabuso ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong gobyerno na ibayong lumala sa ilalim ng RTF-ELCAC.
Naghahanap ng masusulingan ang masang Sorsoganon sa gitna ng mga pwersahang “pagpapasurender”, mga ekstrahudisyal na pagpatay at walang pakundangang red-tagging na ginagawa ng mga ahente ng estado sa mga sibilyang walang kalaban-laban. Masusi at totohanang imbestigasyon ang minimum na hinihiling nila sa mga may malasakit sa karapatang tao kabilang ang CHR. Naghihintay silang makita na nasasampahan ng kaso ang mga salarin.
Pero higit sa anumang pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso, ang marapat na makamit nila ay hustisya. Bawat sandaling lumilipas na patuloy na nakalalaya imbes na maparusahan ang mga nang-aabuso sa masa ay dagdag na patunay ng kapabayaan at kainutilan ng mga ahensyang sana ay nagsisikap para magkaroon ng tunay na hustisya at ng reaksyunaryong sistemang hudisyal sa kabuuan.
Pinaninindigan ng NPA-Sorsogon na marapat parusahan ang mga pwersa ng RTF-ELCAC– ang AFP, PNP at mga death squad nila. Kailanman ay hindi masasabing walang saysay na karahasan ang mga lehitimong aksyon ng NPA laban sa kanila. Tungkulin ng Pulang hukbo na gawin ang gayong mga aksyon para bigyan ng hustisya ang inaaping mamamayan.
Anupamang pagsisikap na gagawin ng anumang ahensya o institusyon sa ikatatamo ng katarungan ay ikagagalak namin at ipagpapasalamat ng malawak na masa.
https://cpp.ph/statements/makikipagtulungan-kami-sa-chr-bicol/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.