Wednesday, March 3, 2021

CPP/Cagayan Valley ROC: Patunay ng di-makatwirang taktika sa ilalim ng di-makatarungang digma ng AFP ang panibagong kaso ng paglapastangan nito sa patay

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 28, 2021): Patunay ng di-makatwirang taktika sa ilalim ng di-makatarungang digma ng AFP ang panibagong kaso ng paglapastangan nito sa patay

GUILLERMO ALCALA
SPOKESPERSON
CAGAYAN VALLEY REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (FORTUNATO CAMUS COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

FEBRUARY 28, 2021



Maliban sa panggigipit at pandarahas sa mga di-armadong aktibista at iba pang tagapagtatanggol ng mga demokratikong karapatan, modus-operandi pa ng AFP ang pagbaling nila ng armas sa mga ‘di-armado’ at ‘wala nang buhay’ na katawan ng mga rebolusyonaryo. Dagdag ito sa itinuturing na mga makakatotohanang tagumpay ng militar. Kahit pa mistulang pananagumpay sa pamamagitan ng isang ‘di-makatwirang taktika ng paglapastangan sa karapatang-pantao’ ang nakakamit na pusisyon sa di-makatarungang digma nito.

Gamit ang asset na nagsilbing asong taga-amoy sa pagturo ng kinaroroonan ng libingan ni Ka Barney, nakapag-uwi na naman ng isang dagdag na “tropeyong bangkay” ang 17th Infantry Batallion at 5th Infantry Division. At sa pamamagitan ng solidong kasinungalin sa dahilan ng pagkamatay ng kasama, naglalaway na naman ngayon ang kanilang mga opisyal sa inaasahang mga gantimpala at puntos sa promosyon. Subalit kung sa tunay na larangan ng armadong digmaan, hindi sapat ang paggawad lamang ng isang medalyang bula sa mga opisyal nito. Kundi ang managot sila sa di-mabilang na krimeng ginawa sa ilalim ng internasyunal na makataong batas.

Dikta at pawang binalangkas na kasinungalingan lamang ng AFP ang kunwaring pagsasalita sa midya ng isang ‘dating rebelde’ sa dahilan ng pagkamatay ng kasama. Sa katunayan, isang hindi matatawarang prinsipyo at mahigpit na pinanghahawakan ng New People’s Army ang demokrasya ng mga pwersa. Mula sa boluntaryong pagsapi sa armadong kilusan hanggang sa pagpapasya sa paglabas sa organisasyon ay karapatan ng bawat isa. Nakapaloob ang prinsipyong ito sa demokrasya sa pulitika ng NPA o ang karapatang maglabas ng opinyon, mungkahi o nararamdaman ng bawat pwersa. Isa rin ang prinsipyong ito sa nagpapanatili sa malusog na relasyon sa pagitan ng mga pinuno at mga pinamumunuang mandirigma. Kaiba sa NPA, inspirado ng pera at kapangyarihan ang prinsipyo ng mga kumander ng AFP at PNP. Kagaya ng panloloko at pambubusabos nila MGen. Laurence Mina at Lt. Col Angelo Saguiguit sa sariling mga pwersa sa sapilitang pagpapasunod sa mga ito sa kanilang walang katuturang mga atas. Katulad ng paghuhukay ng isang bangkay mula sa maayos at payapa na pagkakahimlay nito.

Tulad pa ng ginawang pambabastos ng mga ito sa mga labi ni kasamang Justine Bautista, di rin maitatago ng kagaya ni MGen. Mina, Lt. Col Saguiguit at iba pang opisyal-militar ang pagiging mga diyablong uhaw-sa-gantimpala.

Di na nga sila marahil tinatablan ng isang simpleng kosmetiko at makikintab nilang uniporme. Kaya mga labi na lamang ng malaon nang namayapang mga kasama ang ginagamit ng mga militar na pampapogi sa publiko upang pansamantalang kuminang at maikubli ang inaagnas na nilang mga kaluluwa, mula sa kabi-kabilang krimeng nagawa at pagdami ng mamamayang namumuhi sa kanila.

Sa isang banda, nilalantad na nila mismo ang kanilang kawalang-respeto sa mga patay at kamag-anak ng mga namatay. Dagdag ito sa kanilang kabuktutan sa maraming beses na pangreredtag, ekstra-hudisyal na pagpatay, ilegal na pagdakip, tortyur, at iba pang mga krimen nila sa hanay ng mamamayang nagtataguyod ng mga demokratikong karapatan. Sila na ang nagsasapubliko ng kanilang tahasang mga paglabag sa Komprehensibong Kasunduan sa Pagrespeto sa Karapatang-Pantao at Internasyunal na Makataong Batas (CARHRIHL).

Isang pang dahilan ang katotohanang di naman talaga nakakapagkamit ng mga makabuluhang tagumpay sa tunay na larangan ng armadong labanan ang AFP, at maging sa makatotohanang suporta sa kanila ng mamamayan sa Cagayan Valley. Patunay rito ang mahigit 55 na mga pwersa nilang naging kaswalti bilang resulta ng iba’t ibang tipo ng armadong labanan sa pagitan nito at ng NPA sa rehiyon noong nakaraang taon. Kaya nagyayabang na lamang sila sa pamamagitan ng di-makataong mga operasyon laban sa mga di-armadong sibilyan, mga labi ng yumao, bihag-ng-digma, at iba pang wala nang kakayahang lumaban na mga rebolusyonaryo. Pagkatapos ay bobolahin ang publiko at sasabihing mga armadong NPA ang kanilang nakasagupa, o nakapagbigay ng disenteng libing sa mga nahukay na bangkay, o nakapaggamot ng isang bihag na NPA. Pero sa likod ng pag-aastang mayabang at malinis, sa katunayan ay pinagtatakpan lamang nila ang kanilang kaduwagan at kabulukan.

Bagama’t armado at sinuswelduhan ng mamamayan, nagpapakadalubhasa ang AFP sa mga estratehiya at taktika sa pagyurak sa mga karapatan ng taumbayan, kasabwat si Duterte at mga militaristang opisyal ng rehimen bilang mga kumander na katulad na pasista at hayok-sa-kapangyarihan. Dahil hindi ang mga imperyalistang China at US na nanghihimasok sa bansa ang itinuturing ng mga ito bilang kaaway, kundi ang mamamayang Pilipino mismo.###

https://cpp.ph/statements/patunay-ng-di-makatwirang-taktika-sa-ilalim-ng-di-makatarungang-digma-ng-afp-ang-panibagong-kaso-ng-paglapastangan-nito-sa-patay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.