Friday, February 26, 2021

Kalinaw News: Teroristang CPP-NPA, idineklarang Persona Non Grata sa Tumauini, Isabela

From Kalinaw News (Feb 26, 2021): Teroristang CPP-NPA, idineklarang Persona Non Grata sa Tumauini, Isabela



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Idineklarang Persona Non Grata ang rebeldeng Communist Party of the Philippines- New People’s Army kasama ang National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa bayan ng Tumauini, Isabela ngayong ika-26 ng Pebrero 2021.

Batay sa naipresentang datos sa isinagawang Security Awareness Briefing ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army, 33 sa 46 na mga barangay ang nagpatibay sa ipinasang resolusyon ng Isabela Provincial Peace and Order Council-Provincial Development Council sa kanilang pagde-deklara ng Persona Non Grata ang mga rebeldeng CPP-NPA.

Ayon kay Barangay Captain Romeo Ugaddan, Presidente ng Liga ng mga Barangay sa nabanggit na bayan, kanilang kinokondena ang mga naitalang karahasan, kalupitan, at pang-aabuso ng mga rebeldeng CPP-NPA-NDF. “Hindi sila tatanggapin dito sa bayan ng Tumauini! Sa dami ng kanilang ginawang mga di-makataong gawain, hindi kami makakapayag na mabiktima rin nila ang aming mga nasasakupan. Alam na namin ang totoong mukha ng CPP-NPA-NDF! Hindi kami magpapalinlang sa kanila. Wala silang lugar sa aming mga barangay sa buong bayan ng Tumauini!”

Nakasaad sa resolusyon na nagkaisa ang mga residente sa bayan ng Tumauini na ideklarang Persona Non Grata ang mga teroristang CPP-NPA-NDF dahil sa kanilang mga ginawang pananambang sa mga tropa ng pamahalaan, pagpatay sa mga inosenteng indibidwal, at pagsira’t paghadlang sa mga proyekto ng pamahalaan para sa mga mamamayan. Nakasaad din ang isinasagawang pangingikil ng mga teroristang CPP-NPA sa mga kompanya pati na rin sa mga maliliit na negosyante. Hindi rin nila umano pinapalagpas ang mga mahihirap na residente sa kanilang ginagawang pangongotong.

Nagpasalamat naman ang alkalde ng bayan ng Tumauini sa pakikiisa ng kanyang mga kapitan sa pagdedeklara ng Persona Non Grata laban sa mga rebeldeng CPP-NPA-NDF sa kanilang munisipalidad. Sinabi ni Mayor Arnold Bautista na layunin ng kanilang lokal na pamahalaan na protektahan ang mga mamamayan laban sa mga teroristang CPP-NPA-NDF. “Pagtulungan nating suportahan ang mga programa ng Pambansang Pamahalaan upang makamit natin ang katiwasayan at kaunlaran. Bawat isa sa atin ay mayroong responsibilidad sa kaayusan at kapayapaan sa ating lugar. Isapuso natin ang bayanihan at pagkakaisa upang maabot natin ang ating mga mithiin.”

Kinilala naman ni Lt Col Lemuel Baduya, Commanding Officer ng 95IB ang inisyatiba ng mga kapitan ng barangay sa kampanya laban sa insurhensiya sa kanilang munisipalidad.“Ang hakbang na ito ay para rin sa kinabukasan ng inyong mga anak at ng mga susunod pa na henerasyon. Pagtulungan nating itaboy ang rebeldeng CPP-NPA sa inyong bayan.”

Samantala, ikinatuwa naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pagdedeklara ng Persona Non Grata laban sa CPP-NPA-NDF sa bayan ng Tumauini. “Mulat na ang sambayanan sa panlilinlang na ginagawa ng mga teroristang CPP-NPA. Ang pagdedeklara ng Persona Non Grata laban sa rebeldeng grupo ay malaking ambag sa panawagan ng pamahalaan na wakasan ang insurhensiya sa bansa at upang magtuloy-tuloy ang hangaring pag-unlad ng ating bayan”.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/teroristang-cpp-npa-idineklarang-persona-non-grata-sa-tumauini-isabela/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.