Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 27, 2021): Mga mersenaryong ahente ng estado ang pumaslang kay Jobert ‘Pulpog’ Bercasio
MA. ROJA BANUASPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JANUARY 27, 2021
Mapanlinlang, walang katotohanan at taliwas sa ebidensya ang paninisi ng RTF-ELCAC sa CPP-NPA-NDFP sa pagpaslang sa brodkaster na si Jobert ‘Pulpog’ Bercasio. Mga mersenaryong ahente ng estado, hindi ang NPA, ang pumaslang sa kanya nitong Setyembre 14, 2020. Sadyang walang ibang inaatupag ang rehimeng US-Duterte kundi magwaldas ng bilyun-bilyong pondo ng bayan para sa paghahabi ng mali-mali at hindi kapani-paniwalang datos.
Isang oras bago siya pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sorsogon City, isiniwalat pa lamang niya sa kanyang programa na mayroong ilang truck mula sa quarry site sa Bulan, Sorsogon na walang dalang wastong dokumento. Mayroong kaugnayan ang naturang quarrying sa isang pulitiko ng prubinsya. Matapos ang apat na buwang imbestigasyon, mismong institusyon ng reaksyunaryong gubyerno ang nagdeklarang kaugnay sa insidente ang kanyang mga nakatunggali sa pulitika.
Walang kasong nakasampa kay Bercasio sa rebolusyonaryong hukumang bayan. Pinagpupugayan pa nga ng NDF-Bikol ang mga kagawad ng midyang tulad ni Bercasio sa mapangahas at matapang na paggamit ng kanilang propesyon upang makapagbigay ng tinig sa masang pamalagiang pinagkakaitan ng daluyan ng pasistang estado.
Tanging pakay ng RTF-ELCAC ang paninirang-puri at pagpipinta sa CPP-NPA-NDF bilang mga mersenaryo, walang habag at marahas. Isinisisi nito sa rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng krimen at suliranin sa lipunang tunay namang pinasimunuan, higit na pinalubha at ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Duterte. Sa desperadong pagturo sa CPP-NPA-NDFP bilang salarin sa pagkakapaslang kay Bercasio, higit na nahahalatang nagkukumahog ang RTF-ELCAC, NTF-ELCAC, AFP-PNP-CAFGU at iba pang galamay ng pasistang diktadurang pagtakpan ang halos 200 kaso ng paglabag sa karapatang tao sa rehiyon. Tahasang pinabayaan ng rehimeng US-Duterte ang mamamayang Pilipino sa harap ng isang pandemya at sunud-sunod na krisis sa ekonomya para lamang pagkagastusan at ilaan ang limpak-limpak na salapi mula sa kabang bayan upang pondohan ang mga task force at iba pang programa upang linlangin ang mamamayang Pilipino.
Higit lamang nagmumukhang hangal ang pasistang estado sa bawat pekeng impormasyong ipalaganap nito. Mulat ang mamamayan kung sino ang tunay na salarin sa kawalang-katarungan at patuloy na sumisidhing kahirapan sa lipunan. Ang kanilang bawat hakbang tungo sa paghahanap ng katarungan at tunay na pagbabago ang higit na nagpapalakas at nagpapalawak sa kanilang suporta sa CPP-NPA-NDFP. Kongkretong patunay nito ang kaliwa’t kanang tagumpay ng mga opensiba ng NPA sa buong bansa pagpasok ng bagong taon.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano, laluna sa mga kagawad ng midya, na ibayong maging mapanuri at kritikal sa mga pahayag at isyung naririnig o nababasa sa iba’t ibang daluyan. Walang kapagurang isiwalat at labanan ang anumang hakbang ng rehimeng US-Duterte na higit pang linlangin ang mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at walang humpay na pakikibaka, tiyak hindi kailanman mapipigilan ng anumang kampanyang saywar at disimpormasyon ng pasistang rehimen ang pangingibabaw ng tunay na naratibo ng mamamhayan.
https://cpp.ph/statements/mga-mersenaryong-ahente-ng-estado-ang-pumaslang-kay-jobert-pulpog-bercasio/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.