From the Philippine Information Agency (Oct 18, 2020): Tagalog News: Project T.I.K.A.S ng Scout Ranger Regiment, nilaanan ng P83M (By Shane F. Velasco)
SAN MIGUEL, Bulacan, Oktubre 18 (PIA) -- Sabay-sabay na itinatayo ang mga bagong istraktura at pinapabuti ang mga dati nang pasilidad ng First Scout Ranger Regiment o FSRR sa loob ng Kampo Simon Tecson sa bayan ng San Miguel.Ito ang Project T.I.K.A.S o ang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad na nilaanan ng Department of National Defense ng 83 milyong piso at isinakatuparan ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay Sgt. John Maxelle M. Lamano, non-commission officer ng public affairs office ng FSRR, isa itong convergence program ng dalawang ahensya upang maisabay sa modernisasyon ng mga armas ng sandatahan ang husay ng kalidad ng mga pasilidad sa mga base militar.
Ang nasabing halaga ay mula sa pambansang badyet ng 2020.
Pinakamalaking ginugulan ang paglalatag ng aspalto o asphalt overlaying sa 3 kilometrong perimeter road sa halagang 30 milyong piso.
Isinaayos ang nasabing kalsada upang maging pantay, makinis at hindi nakakadapa ang pinagdadausan ng mga pagtakbo na bahagi ng training ng mga nais maging Scout Ranger.
May 20 milyong piso naman para sa konstruksyon ng karagdagang Administrative Building kung saan magkakaroon ng tanggapan ang Battalion Liason Office.
Nagsisilbi ang tanggapang ito bilang tagapag-ugnay ng FSRR sa iba pang sangay ng Armed Forces of the Philippines sa iba pang ahensya ng pamahalaan at maging sa mga pansibilyan o pribadong institusyon.
Sa tabi ng administrative building, matatapos na ang konstruksiyon ng mas malaking motorpool, parking bays at auto repair shop sa halagang 10 milyong piso. I
pinaliwanag ni Lamano na minarapat ng FSRR na magkaroon ng sarili at maayos na motorpool upang matiyak na mapangalaan ang mga asset vehicles gaya ng 6x6 trucks, 4x4 Kia military trucks at iba pang opisyal na sasakyan na nakadestino sa Kampo Tecson.
Itinatayo na rin ang bagong barracks para sa mga Enlisted Women Personnel ng FSRR na kayang maglulan ng nasa 30 na nilaanan ng 15 milyong piso.
Ang Kampo Tecson ay ang punong himpilan ng FSRR na nasa barangay Tartaro sa bayan ng San Miguel. Malapit ito sa paanan ng Biak-na-Bato na bahagi ng bulubundukin ng Sierra Madre.
Dito nagaganap ang mga komprehensibong pagsasanay na nais maging Scout Ranger na itinuturing na elite group ng Philippine Army. Lalong Nakilala ang FSRR sa kanilang naging malaking papel sa Liberasyon ng Marawi noong Oktubre 2017. (CLJD/SFV-PIA 3)
https://pia.gov.ph/news/articles/1056143
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.