Posted to Kalinaw News (Oct 10, 2020): Team ISUDA 5ID nagsanib pwersa laban sa insurhensiya at CoVid19
Ang Agri-based Technology Extension Project ay isang konsepto na maghahatid ng mas mahusay na pamamaraan upang mapalago ang agrikultura sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya. Layunin din nito na maipaabot sa mga liblib na lugar na apektado ng insurhensiya ang naturang proyekto upang maipagkaloob sa mga residente ang libreng pangkabuhayan sa ilalim naman ng Community Support Program.
Ayon kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations ng Kagawaran ng Agrikultura ng Rehiyon 2, bagamat hindi nagkukulang sa tustus ng pagkain ang Rehiyon Dos, batid nilang mayroon pa ring mga pamilya ang nagkukulang ng pagkukunan ng makakain dahil sa kahirapan na dulot na rin ng insurhensiya. “Adhikain ng Kagawaran ng Agrikultura na mai-ahon ang bawat komunidad sa kahirapan na siyang susi sa katiwasayan ng bansa, kung kaya lubos ang aming pasasalamat sa pamunuan ng 5th Infantry Division at ng ISU na kami ay makasama sa inyong bayanihan. Katuwang ang aming ahensya sa pagtugon sa problema sa insurhensiya sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng buong suporta bilang isa sa mga miyembro ng Task Force ELCAC.”
Nilagdaan din ang kasunduan sa paglulunsad ng Health Guard System para sa paglaban kontra CoVid 19. Ito ay sistema upang mapadali ang contact tracing para mapigilan naman ang pagkalat ng naturang sakit. Ang nasabing sistema ay mas mabisa kaysa sa ginagawang manual recording sa kasalukuyan. Kakailanganin lamang ang mobile number at address ng isang indibdiwal na kung saan malilimitahan nito ang galaw ng bawat isa. Base sa kasunduan, ang ISU ang magbibigay ng software, data storage, at technical assistance sa pag o-operate sa naturang sistema. Habang ang 5ID naman ang magbibigay ng ilan pang mga kagamitan.
Sa ilalim naman ng Education and Skills Training na pangungunahan ng ISU, madagdagan pa ang kaalaman at kahusayan ng bawat miyembro ng 5ID sa pagganap ng kani-kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng mga pagsasanay at pagtuturo.
Sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng Isabela State University, na kaisa ang kanilang unibersidad sa pagkontrol ng pagkalat ng CoVid 19. Bukod dito, nakahanda rin sila sa pagsuporta sa hanay ng kasundaluhan laban naman sa insurhensiya. Aniya, pagpapakita ng kanilang suporta ang paglagda sa naturang kasunduan. “Ang laban sa insurhensiya ay hindi lamang laban ng Philippine Army at Armed Forces of the Philippines kundi laban ng bawat Pilipino. Ang pagbigay solusyon sa ugat nito ay tungkulin ng lahat. Kaya ang pagtitipon ng mga ahensiya tulad ng 5th Infantry Division, Isabela State University at Department of Agriculture sa paghatid ng mga programang nabangit ay halimbawa ng pagbigay solusyon sa mga problema ng ating bayan.”
Sa naging pahayag naman ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, ang naturang aktibidad ay ilan lamang sa mga nauna ng hakbang ng gobyerno upang magkaroon ng pag-unlad sa bawat komunidad. “Ang pagtutulungan ng iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan, akademya at pati na rin ang mga pribadong sector ng lipunan maging ang mga non-government organizations ay nagsisilbing mahusay na plataporma upang mai-ahon ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa mga komunidad. Katugunan na rin ito sa problema ng ating mga kababayang magsasaka upang mas lumago pa ang kanilang pangkabuhayan at maging sapat ang kanilang naihahain sa kanilang hapag-kainin,”
Dagdag pa rito, sinabi rin ni BGen Mina na ito rin ay isa lamang sa mga paraan upang mawaksan ang terorismo, pang-aapi at panlilinlang ng mga teroristang New People’s Army. “When the road begins, insurgency ends. Kaya natin ipinaparating ang serbisyo at mga programang pangkabuhayan sa kanayunan. Dahil kung mayroong kaunlaran ang isang lugar, mawawala ang mga teroristang grupo na nagpapahirap sa mga residente. Hangad natin ang patuloy na pag-unlad sa bawat lugar upang umangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/team-isuda-5id-nagsanib-pwersa-laban-sa-insurhensiya-at-covid19/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.