Posted to Palawan News (Oct 23, 2020): K-A-L-A-Y-A-A-N (By 6th Civil Relations Group)
Ang mga sumusunod ay ang inilahad na istorya ng buhay ng mga dating kasapi ng NPA sa Palawan na nagbalik-loob na sa pamahalaan at lumaya mula sa kamay ng teroristang grupo.WALONG letra, pero napakaraming kahulugan, gaya na lamang ng kalayaang magsalita, magmahal, magpahayag, manamit, mag-aral, manahimik at kung ano-ano pang kalayaang meron sa bansa. Higit ang kalayaang mamuhay ng payapa, kasama ang pamilya.
Tulad ng ilang kabataan na tinanggalan ng kalayaan ng teroristang grupong NPA sa lalawigan ng Palawan, sila ay ninakawan ng kanilang kabataan, maging ang kanilang kalayaan na makapag-aral at magkaroon ng sapat na dunong at masayang pamumuhay ng malaya kasama ang pamilya.
Ang mga sumusunod ay ang inilahad na istorya ng buhay ng mga dating kasapi ng NPA sa Palawan na nagbalik-loob na sa pamahalaan at lumaya mula sa kamay ng teroristang grupo.
Minolestya ako ng NPA: istorya ni @Ka Hanna
Isa lamang dito si Alias Ka Hanna, na labing apat (14) na taong gulang pa lamang ng unang bulagin ng isang samahan ng mga kabataan ngunit sa halip na ipagpatuloy ang pag-aaral ay nauwi sa pagsasanay sa paghawak ng baril at armas at sa huli ay mismong mataas na opisyal sa kilusan ang yumurak sa kanyang puri.
“Hindi ko talaga akalain na makakaranas ako ng pangmo-molestya kay Ka Moske o Domingo Ritas sa tunay na buhay, kasi modelo ko po siya dahil na din sa kanyang posisyon bilang Deputy Secretary. Siya rin po ang organizing at finance officer namin at ang pinakamasklap pa po ay mistulang ipinain ako ng iba pang pinuno gaya ni Glendyl Malabanan o Ka Meldy/Ka Michelle. Dahil alam na pala nila na may sakit o may record na malikot sa babae si Ka Moske ay sila pa mismo ang nagtulak sa akin na tumabi kay Moske,” pahayag ni Ka Hanna na ngayon ay 25 taong gulang na.
Ang kilusan din ang nagdulot ng pagkawatak-watak ng pamilya ni Ka Hanna at ka Allan kaya lumaki silang halos di nasubaybayan ng mga magulang at kapatid.
Sinira ng NPA ang pamilya namin: Ang istorya ng magkapatid na sina Shaine at Richard
Pinaniwala ng NPA ang magkapatid na sina Alias Ka Shaine at Ka Richard na ang pumaslang sa kanilang tatay ay ang mga sundalo lalo pa’t dating rebelde din ang kanilang ama at ate.
“Binulag nila (NPA) ang mura naming isipan, pinag-away-away nila (NPA) kaming magkapatid. Napakasakit at nagtanim kami ng kapatid (Ka Richard) ko ng sama ng loob kay ate noong panahong sumuko sya sa mga sundalo sa Manila, lagi nilang sinasabi sa amin na traydor si ate sa samahan at nagpagamit si ate sa mga sundalo.”
Durog man ang mga puso ng magkapatid na Shaine at Richard ay nagpatuloy pa rin sila sa pakikibaka, hanggang sa dumating ang panahon na sapat na ang dunong upang umunawa ng katotohanan sa ideolohiyang dating pinaniwalaan.
“Sinikap namin ni Richard na makipag-ugnayan kay ate, para malinawan ang lahat at masagot ang marami naming katanungan ukol sa paghihiganti para kay Tatay, kasi nga sa tagal namin sa kilusan, halos wala ng pinag-iba ang suot ng sundalo at NPA, ang tanging alam lang naming, nakasuot ng pang- sundalo na uniform ang pumaslang kay Tatay”, pahayag pa ni Shaine.
Subalit ‘di naglaon ay nalaman ng magkapatid na ang tunay na pumaslang sa kanilang ama ay mga NPA makaraang naisin ng kanilang ama na bumalik sa kapatagan at makapiling ang pamilya o silang magkakapatid, na malinaw na kinitlan ng kalayaang mamuhay ng mapaya at masayang buhay kapiling ang asawa at mga anak, habang ang kanilang ate na nahuli ng mga sundalo sa Manila ay nabigyan ng pagkakataon na maging isang sundalo din.
Pinag-rally ako sa Manila sa halip na makakuha ng papeles ng lupa: Ang karanasan ni Ka Karding
Binulag naman ng NPA si Alias Ka Karding na isang katutubong magsasaka ng Palawan at napaniwala ukol sa usapin sa maliit nitong lupa na sinasaka sa bayan ng San Vicente na mapagkakalooban umano siya ng mga kaukulang dokumento para sa kanyang lupa kaya sumama siya sa Maynila.
“Pinapunta nila ako ng Maynila at pagdating ko doon ay siyam na araw kaming pinag-rally sa harap ng City hall at DAR sa Quezon City. Dala-dala ko ang mga plakards na binigay nila sakin, sa tent lang kami natutulog, ‘di ko nga alam para saan yung rally na yun, basta sumunod lang daw, para makakuha ako mga papeles sa lupa ko, pero walang nangyari. Hanggang ngayon wala akong papeles sa lupa ko.”
Tinatakot din si Ka Karding na papatayin ng NPA kapag tuluyang kumalas sa kilusan, kaya napilitang humingi ng tulong sa pamahalaan.
Papatayin, gagahasain, totortyurin kapag nahuli kayo ng sundalo ang panakot ko sa mga miyembrong hawak ko: Isang Pagbubunyag ni Ka Allan.
Mahigit isang dekada naman si Ka Allan o Almar Tuting sa tunay na buhay na naging kasapi ng armadong grupo sa lalawigan ng Palawan. Sa katunayan ay naging pinuno pa ito o may hawak na posisyong Provincial Operational Commander ng NPA-Palawan, kaya batak na sa pakikipag digmaan sa mga kasundaluhan at kapulisan.
Aminado din siya na sa hindi mabilang na pakikipag-engkwentro sa mga otoridad ay maaring may napaslang siya, ganun din ang katotohanan na isa si Ka Allan sa nanakot at nagtatanim sa isipan ng mga miyembro nito ng kanilang ideolohiya at propaganda laban sa gobyerno.
“Papatayin kayo ng mga sundalo at pulis. Wala na kayong babalikan o buhay sa kapatagan dahil toturtyurin, babalatan ng buhay at kapag babae ka naman ay gagahasain. Ilan lang po yan sa mga pananakot na itinatanim ko sa mga miyembro upang ‘di iwan ang kilusan. Katunayan po ay mahigit na isang daan (100) ang nahikayat ko na sumapi sa kilusan”. Ito naman ang masaklap na katotohanan sa paglalahad ni ka Allan sa kanyang naging parte sa teroristang NPA.
“Excited na akong makalabas dito sa Happy House. Gustong-gusto ko ng gawin ang maglibot muli sa buong Palawan, pero iba na ngayon, kung dati ako ang pa-traydor na boses para sa pag-aaklas, ngayon titiyakin kong marami akong maisasalbang kabataan, mga murang kaisipan na titiyakin kong hindi mayuyurakan ng maling ideolohiya. “
Ilan lamang ang mga kwento nina Ka Allan, Hannah, Shaine, Richard at Ka Karding ang ninakawan ng kalayaan at karapatan ng NPA sa mahabang panahon at ngayon ay nagbalik-loob na upang maging buhay na patunay sa kadilimang sinapit mula sa NPA, kasabay ng pag-asang maging katuwang ng pamahalaan upang maisalba ang kinabukasan ng bayan sa tunay na kalaban.
Silang lahat ngayon ay may KALAYAAN na mula sa teroristang NPA. Nakapaloob sa E-CLIP ng pamahalaan at NAKIKIISA upang masugpo ang insurhiya sa lalawigan ng Palawan. (Sponsored content)
https://palawan-news.com/k-a-l-a-y-a-a-n/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.