Friday, October 16, 2020

CPP/NDF-KM-DATAKO: Bukas na Liham para sa mga Kabataang gustong Mag-pulis o Sundalo

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 16, 2020): Bukas na Liham para sa mga Kabataang gustong Mag-pulis o Sundalo

KIDAWA DAYAWEN | SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN – DEMOKRATIKO A TIGNAYAN KADAGITI AGTUTUBO ITI KORDILYERA (KM-DATAKO)
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 16, 2020



Sulat ni Kidawa Dayawen, tagapagsalita ng Kabataang Makabayan — Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera (KM-DATAKO)

Mga kapwa ko kabataan,

Sana maayos pa ang inyong pisikal at mental na kalagayan sa gitna ng napakatinding krisis na hinaharap natin ngayon.

Siguro ang iba sa inyo’y pagod dahil kahit ang mga klase mo sa Criminology ay nasa online ngayon. Iilang araw ka na ring nakaharap sa laptop, at sumasakit na ang inyong mga mata at likod. Hindi pa siguro nakatutulong na walang patawad ang inyong school administration sa pagbibigay ng mga requirements para sa klase.

Kung ikaw naman ay nasa inyong school grounds dahil nagte-train ka para maging sundalo o pulis, malamang ay nag-aalala at nami-miss mo na ang iyong mga kaanak. Hindi mo alam kung nakakakain pa sila dahil marami siguro sa mga magulang ninyo ang walang maayos na pagkukunan ng pera. Balita ko lang sa inyo na maraming kompanya ang nagtanggal ng trabaho. Mahina rin naman ang kita sa mga tindahan, palengke o pamamasada. O kung hindi naman, gusto mo sana silang makita pero hindi puwede dahil sa lockdown.

Gusto ko lang sanang tanungin, kababayan, sa gitna ng mga nangyayari, kung hanggang ngayon ba ay naiisip niyo pa ring ipagpatuloy ang pagpupulis o pagsusundalo? O kaya paga-ROTC o pagka-CAFGU?

Alam ko namang mahirap talaga ang buhay, at marami sa inyo (kung hindi man lahat) ang may dahilan na gusto niyong makaraos sa buhay kaya ninyo pinili na magsundalo o magpulis. Totoo naman, mataas talaga ang suweldo ng mga nagpupulis at sundalo dahil dinagdagan ito ng mas malaking halaga ni Duterte. At hindi natin maikakaila na marami talaga ang naakit ng pera. Ikaw ba naman na kitang-kita ang kahirapan na dinanas ng inyong mga magulang sa inyong lugar, sino ba namang anak ang hindi gusto makita na guminhawa ang buhay ng kaniyang pamilya?

Pero gusto kong pagkunutan niyo ito ng noo. Gusto kong pag-isipan niyo itong mabuti. Talaga bang kaya pa ng konsensya mo na mag-sundalo o pulis?

Noong kauupo lang ni Duterte, wala pang isang taon ng kaniyang panunungkulan, hindi ba iniutos na niya sa kapulisan ang pagpatay sa mga maralitang taga-lungsod para sa kaniyang Oplan Tokhang? Pinatay ng mga gusto-niyong-maging ang mga katulad nina Kian Lloyd de los Santos at Karl Arnaiz, mga kabataang may mga pangarap pa sana. Si Kian Lloyd de los Santos ay 17 years old lang noong namatay. Ginusto rin niyang maging pulis, pero hindi ba nakalulungkot sa parte ninyo na mismong kapulisan ang bumaril sa kaniya? Hindi ba nangingilabot ang inyong mga balahibo? O, kahit man malungkot, nalamon na rin kayo ng kulturang pinakakain sa inyo ng mga pasista ninyong guro? Sana hindi naman.

Ilan na rin bang pangbobomba ang ginawa ng mga militar sa Pilipinas ngayon pa lang administrasyon ni Duterte? Ilang tao na rin ba ang walang awang pinaslang ng mga puwersa ng AFP na walang kalaban-laban? Sa Abra, may mga puwersa ng militar na nagnanakaw ng baka sa masa at pumapasok sa mga sakahan para magnakaw ng pananim. Sa Mountain Province, nag-iiwan sila ng napakaraming kalat kapag nagkakampo tiyaka ninyo tinatakot ang mamamayan. Sa Kalinga at Ifugao, nangha-harass at tinututukan ng baril ng mga militar ang mga mamamayan dahil lang ayaw nilang magpatayo ng dambuhalang dam na makasisira sa kanilang hanapbuhay. Noon din, naglibing ang mga militar ng isang pamilya sa Abra sa isang napakasikip na hukay. Tinortyur muna sila bago nilibing ng buhay. Sa Kordilyera pa lang yan, paano pa sa ibang parte ng Pilipinas? O baka naman sinasabi na lang sa inyo ng mga opisyal na “blackprop” lang daw itong mga sinasabi ko? Sana hindi kayo naniniwala sa kanila.

Noong nakaraan lang, alam niyo bang hiniwalay ng mga pulisya ang isang ina sa kaniyang anak? Namatay na nga ang anak at nilamay na, hindi pa nila pinayagan na makita ng ina. Alam din ba ninyong gusto ng isang hepe ninyo na tanggalin ang monumento ng mga bayani ng Kordilyera?

Alam kong iniisip ninyo, sino ba naman ako para magbahagi ng sulat sa inyo? E hindi ba kaaway ako sa inyong paningin?

Pagkunutan ninyo ito at pag-isipan. Naniniwala pa ba kayo sa sistema ng militar at pulisya? Hindi ba kayo nagagalit sa mga ginagawa nilang kabalastugan? Hindi ba kayo nadidisgustuhan na pumapatay ang mga gusto-ninyong-maging ng mga taong dapat nilang pinagsisilbihan? “To serve and protect.” Ang ganda sanang pakinggan, pero para kanino itong kredo na ito? Sana mapagmuni-munihan ninyong hindi para sa mamamayan iyan. Ang mga pinagsisilbihan at pinoprotektahan ng mga militar at pulis ay ang mga mayayaman at mga nasa poder. Kahit man lang sa usapin ng dangal. Kung gusto ninyong magsilbi sa mamamayan, hindi sa pagiging sundalo o pagpupulis ang sagot diyan.

Gusto ko lang ikuwento sa inyo ang isang kuwento ng ina na naging parte noon ng pagkilos laban sa Cellophil Resources Corporation noong panahon ni Marcos. Ang sabi niya sa kaniyang mga anak, “imbes na mag-CAFGU kayo, mag-miliitar o magpulis, mag-NPA na lang kayo. Ang NPA, hindi nananakit ng mamamayan, hindi nantututok ng baril. Magalang, at alam ng masa na tunay silang nasisilbi sa mamamayan.” Naranasan niya kasing lahat ang mga kalapastanganan ng mga militar sa kanilang komunidad noon. Minsan naman, nambubugbog naman ang mga pulis sa kanilang istasyon. Hindi ito mga gawa-gawang kuwento. Totoo lahat ng ito, at nakukuha namin iyon at ng mga Bagong Hukbong Bayan sa pakikisalamuha sa mamamayan at pakikibaka kasama nila.

Mas mainam sana kung piliin niyong mag-NPA, pero hindi namin kayo pinipilit (dahil wala namang pilitan sa pag-e-NPA). Sa puntong ito, gusto lang namin na sana ay bago pa kayo malamon ng pasista at mersenaryong tradisyon ng mga pulis at militar, sana ay mapag-isipan niyo ito nang malala at huwag ng tumuloy. Kung iniisip ninyo na kaya ninyong baguhin ang sistema sa loob, hinding-hindi iyong mangyayari dahil nakauk-ok na ang tradisyon sa kanilang mga kukote. Hindi nakatutulong ang pagiging pulis at militar sa panahong ito, at mas kamumuhian kayo ng mamamayan kapag nagpatuloy pa kayo.

Tunay na magsilbi ka sa mamamayan,
Kidawa Dayawen

https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-para-sa-mga-kabataang-gustong-mag-pulis-o-sundalo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.