Thursday, July 9, 2020

Tagalog News: Mga dating rebelde sa Agusan del Sur, tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno

From the Philippine Information Agency (Jul 9, 2020): Tagalog News: Mga dating rebelde sa Agusan del Sur, tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno (By Jennifer P. Gaitano)



LUNGSOD NG BUTUAN, Hulyo 9 (PIA) -- Bagamat patuloy ang banta ng coronavirus disease2019 (COVID-19) pandemic, hindi pa rin tumitigil ang gobyerno sa pagsugpo ng local communist armed conflict at pagbigay ng naaayon na interventions para sa mga apektadong residente na nasa liblib na lugar sa bayan ng La Paz sa Agusan del Sur.

Kasabay ng inilunsad na three-day Peace-Building Seminar kasama ang mga Indigenous Peoples (IPs) sa Barangay Kasapa II, nagkaisa rin ang mga residente sa isang Peace Rally at Ceremonial Signing ng resolusyon sa pagdeklara ng persona non-grata sa mga teroristang Communist Party of the Philippines - New People’s Army - National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Maliban dito, tumanggap din ang may 59 na former rebels ng cash assistance na nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa. Apat na people’s organizations din ang tumanggap ng tissue culture lacatan plantlets na may kasamang organikong pampataba, at vegetables at corn seeds mula sa Provincial and Municipal Agriculture Offices.

Ayon kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane, Jr., mas malawak na ngayon ang perspektibo ng mga IPs pagdating sa usaping pangkapayapaan at mas nagiging aktibo na rin ito sa paglahok sa mga aktibidad kasama ang lokal na pamahalaan at iba pang sektor.

Nakikiisa na ang IP sector sa kampanya ng gobyerno laban sa rebeldeng CPP-NPA. Ilan-ilan na rin ang sumuko at mas piniling mamuhay ng ligtas at payapa kasama ang pamilya lalu na ngayong may pandemya.

“Makakamtan lamang ang kapayapaan at pag-unlad sa isang komunidad kung ang lahat ng naninirahan dito ay nagkakaisa at tumutulong sa pagpapanatili ng kaayusan ng lahat. Maraming salamat sa inyong suporta sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng mamamayan,” ani ni Cane.

Dagdag pa ng opisyal, magtatayo ng isang barangay health station para sa mga residente ng Barangay Kasapa II upang matugunan agad ang kanilang kalusugan lalu pa at nasa malayong parte ito ng nasabing bayan.

Binigyang-diin naman ni Mayor Michael Lim, na patuloy ang kanilang suporta sa presensya ng militar sa Barangay Kasapa II upang masigurong ligtas ang mamamayan at maayos na nakakapasok dito ang ibat-ibang kinakailangang inprastraktura para sa mga residente.

Samantala, target din ng pamahalaan na makapagtayo ng Secondary School at at Multi-Purpose Building para masiguro ang edukasyon ng mga kabataan rito. (JPG/PIA-Caraga)

https://pia.gov.ph/news/articles/1046899

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.