Monday, July 20, 2020

CPP/NPA-Sorsogon: Terorismo ng estado, matapang na haharapin ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Sorsogon

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 20, 2020): Terorismo ng estado, matapang na haharapin ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Sorsogon

SAMUEL GUERRERO
SPOKESPERSON
NPA-SORSOGON
CELSO MINGUEZ COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

JULY 20, 2020



Mula nang pumasok ang buwan ng Hulyo, tuluy-tuloy ang dumog na presensya ng mga pwersa ng AFP at PNP sa napakaraming baryo sa mga bayan ng Irosin, Bulan, Matnog, Juban at Magallanes.

Walang pakundangang pinapasok ng mga reaksyunaryong sundalo at pulis alinmang bahay na makursunadahan at tinatangay ang anumang bagay na mapag-interesan. Libu-libong halaga ng pera, sarisaring mga gadget, pati lapnisan (agar wood) na pinagtiyagaang tipunin ng magsasaka upang pagkakitaan ay ninanakaw ng mga pasistang walang ipinapakita ni katiting na respeto sa karapatang-tao.

Pinagbabantaan ng mga pwersa ng estado ang mga taumbaryo. Ang mga sibilyan daw ang gagantihan nila oras na atakehin ng NPA ang mga tropang militar at pulis. Maging mga upisyal ng mga barangay council ay tinatakot na sila ang mananagot kapag walang napasukong NPA sa loob ng dalawang buwan. Dinadaan ng estado sa paninindak ang desperadong kagustuhan nitong wakasan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan bago matapos ang termino ni Rodrigo Duterte.

Mga tropa ng 22nd IB, 31st IB at 91st CMO Battalion ng Philippine Army; 9th Special Action Battalion, 2nd PMFC at mga municipal unit ng PNP ang naghahasik ng lagim sa probinsya. Ginagawa nila ito kasabay ng walanghiyang pangangalandakan ng mga tagapagsalita ng Malacañang, mga senador at mga konggresista na hindi maaabuso ng mga awtoridad ang bagong Anti-Terrorism Law. Ang bangis na ipinamamalas ngayon ng mga reaksyunaryong armadong pwersa ay senyales ng mas matinding terorismong paiiralin ng estado sa ilalim ng bagong batas.

Dumaraing ang mga taumbaryong ginigipit ng mga pasista. Ngunit saan sila dudulog kung pati mga local government unit ay tila nagbabahag ng buntot o nagtutulug-tulugan sa harap ng lansakang pang-aabuso sa mga karapatan ng kanilang mga nasasakupan? Nakalulungkot at nakababahala ang nakabibinging katahimikan ng mga alkalde, mga sangguniang bayan at maging ng gubyernong probinsyal. Kahit ang mga pulitikong dati-rati ay maingay na nagtutulak ng hungkag na “localized peace talks” ay walang imik sa tahasang pagtarget ng militar at pulisya sa mga sibilyang walang kalaban-laban.

Hindi namin ito maipagwawalambahala. Inatasan na ng Celso Minguez Command ang lahat ng yunit ng NPA sa mga apektadong lugar na sagpangin ang lahat ng pagkakataon para parusahan ang mga tropang militar at pulis na imbwelto sa mga operasyong ito. Alinsunod dito, nakapagsagawa na ang mga yunit ng NPA ng mga opensibong aksyon nitong mga nakaraang araw laban sa mga nag-ooperasyong militar at pulis sa Bulan, Juban at Magallanes. Hindi kukulangin sa isa ang napatay at tatlo ang nasugatan sa hanay ng mga reaksyunaryong tropa. Ikinalulugod ng mamamayan ang mga aksyong ito ng NPA.

Lalong nagiging malinaw ngayon na ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang matatakbuhan ng tao upang maipagtanggol ang kanilang mga karapatan at maitindig ang kanilang dignidad. Malugod naming niyayakap at tinatanggap sa aming hanay ang lumalaking bilang ng mga Sorsoganon na namumulat sa pangangailangang lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan.

Kasama ang kanilang rebolusyonaryong Hukbo, matapang na haharapin ng masang Sorsoganon ang nag-iibayong terorismo ng estado.

https://cpp.ph/statement/terorismo-ng-estado-matapang-na-haharapin-ng-mga-rebolusyonaryong-pwersa-sa-sorsogon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.