Thursday, May 7, 2020

CPP/Ang Bayan: Pitong hakbang ng pasismo sa panahon ng pandemya

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2020): Pitong hakbang ng pasismo sa panahon ng pandemya



Una, balewalain ang banta ng sakit na Covid-19 sa kalusugan at kabuhayan ng mamamayan. Sa loob ng mahigit dalawang buwan, hanggang sa unang linggo ng Marso, ipinagkibit-balikat ni Duterte at ng kanyang binuong Inter-Agency Task Force ang kaalamang nakapasok na ang bayrus sa bansa at na kumalat na ito sa mga prubinsya, partikular sa Central Visayas.

Pangalawa, balutin sa takot at gulantangin ang milyun-milyon. Ipinailalim ni Duterte sa lockdown ang buong Metro Manila noong Marso 12, sunod ang Luzon noong Marso 16. Walang pag-aaaral, paghahanda sa lokal na kalagayan o kahit babala sa mamamayan. Sa loob ng 24-oras, binaha ni Duterte ang mga syudad ng libu-libong pulis at sundalo sa tabing ng pagtse-tsek ng temperatura ng mga bumabyahe. Tumigil ang mga pabrika at trabaho, liban sa ginawaran ng katayuang “esensyal” at mga negosyong direktang nagsisilbi sa dayuhan. Nagkandarapa ang lokal na mga upisyal sa halos lahat ng syudad at prubinsya, na nadala sa pananakot na “daan-libo ang mamamatay” sa bayrus at nagdeklara ng kani-kanilang lockdown. Itinayo ang mga tsekpoynt sa buong bansa at pinigilan ang milyun-milyong mamamayan na umuwi, magtrabaho, bumili ng mga pangangailangan, magtungo sa ospital at pumunta sa kung saan nila gusto. Inaresto, ikinulong, pinarusahan at sa ilang pagkakataon ay binaril ang mga sumuway sa utos ng mga pulis at sundalo.

Pangatlo, likhain ang imahe ng “gera” at ilagay ang mga sundalo at pulis sa tuktok at unahan ng tugon ng gubyerno sa pandemya. Tinututukan ni Duterte ng baril ang bayan kahit pa ang kalaban ay “hindi nakikitang kaaway.” Nilunod at nilito niya sa impormasyon ang bayan sa pamamagitan ng araw-araw, marami at magkakatunggaling mga pahayag sa midya para idiin ang pangangailangang “sumunod na lamang” sa mga hakbang ng kanyang rehimen. Tinawag niyang “pasaway” ang mga lumalabas sa kanilang mga bahay dulot ng kagustuhang kumita, makakain o dulot ng matinding pagkabagot. Sila ay brutal na pinarurusahan at ipinahihiya. Iniutos ni Duterte na barilin ang lahat na sumuway sa lockdown matapos lumabas sa komunidad ang grupo ng mga maralita para igiit na bigyan sila ng ayuda. Itinakda ng utos na ito ang tindi at saklaw ng pang-aabuso ng pulis, sundalo at maging ng mga upisyal ng lokal na gubyerno at barangay sa pagbalewala sa mga karapatan ng mamamayan. Ipinataw ang mga 12-oras at 24-oras na mga curfew, 48-oras na total lockdown ng mga barangay at sityo, at iba pang mga arbitraryo at pahirap na ordinansa at resolusyon.

Pang-apat, ibigay sa AFP at mga heneral nito ang kumand sa araw-araw na pagpapatupad ng lockdown. Itinalaga ni Duterte si Delfin Lorenzana bilang hepe ng National Task Force Covid-19 (NTF), si Eduardo Año bilang papangalawang hepe, si Carlito Galvez bilang punong tagapagpatupad at si Rolando Bautista tagapangasiwa sa pamamahagi ng ayuda. Lahat sila’y may karanasan sa kontra-insurhensya pero walang kahit anong bakgrawnd sa mga usaping pangkalusugan ng mamamayan. Ibinigay rin ni Duterte sa Office of the Civil Defense ang pamumuno sa lahat ng mga task force sa antas rehiyon at higit dito, ang pagbili at pamamahagi ng gamit medikal para sa mga manggagawang pangkalusugan at ospital.

Panlima, angkinin ang emergency powers para dagdagan ang awtoridad. Kabilang dito ang pagpapailalim ng bilyun-bilyong pondo sa upisina ng presidente, pag-agaw ng mga pribadong kumpanyang “nagkakait” ng serbisyo o pasilidad, at pagpapatahimik sa kanyang mga kritiko sa ngalan ng pagsugpo sa pagkalat ng “maling impormasyon.”

Pang-anim, gutumin ang mga tao, tipirin at ipitin ang ayuda. Para pagtakpan ang kakulangan sa pondo, ibinunton ni Duterte ang sisi sa mga lokal na upisyal na silang sumalo sa kawalan ng hanapbuhay at kita, transportasyon, sanitasyon at mga serbisyong publiko, paglaganap ng gutom at iba pang sosyo-ekonomikong pinsala na idinulot ng lockdown. Gamitin ang gulo na ibinunsod ng kaguluhan sa proseso ng pamamahagi nito para itulak ang implementasyon ng National ID System.

Pampito, ipatanggap na ang pasismo ang siya nang “bagong normal” o magiging kaayusan kung saan mananatili ang halos lahat ng mga restriksyon sa galaw at karapatan ng mamamayan. Ito’y kaayusang wala namang pinagkaiba talaga sa dating sistema, pero asahan na ang higit na malalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa bayan. Kabilang dito ang mas pinasidhing sarbeylans sa mga pagkikita at pagtitipon sa ngalan pagsubaybay sa posibleng muling pagkalat ng bayrus.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/05/07/pitong-hakbang-ng-pasismo-sa-panahon-ng-pandemya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.