Monday, March 23, 2020

CPP/NPA-ST: Sa harap ng pekeng Unilateral Ceasefire ng GRP, MGC – NPA ST, lalabanan ang patuloy na atake ng AFP-PNP

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 22, 2020): Sa harap ng pekeng Unilateral Ceasefire ng GRP, MGC – NPA ST, lalabanan ang patuloy na atake ng AFP-PNP

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
MARCH 22, 2020

Patuloy ang pananalasa ng focused military operations (FMO) sa rehiyon at buong bansa simula Enero at kahit matapos ng deklarasyon ni Duterte na unilateral ceasefire mula Marso 19 hanggang Abril 15. Walang intensyon si Duterte na tupdin ito at lalong walang saysay ang inilabas na SOMO at SOPO ng AFP at PNP. Nagpapatuloy ang operasyong militar at pulis sa mga sumusunod na probinsya sa Timog Katagalugan:

Quezon. Gabi ng Marso 19, pumasok ang 4 na trak at isang hummer-type jeep sa bayan ng Unisan. Kinabukasan, Marso 20, gumamit ang AFP-PNP ng mga drone at surveillance plane sa kanayunan ng Unisan. Tinatayang aabot sa 200-300 na pinagsanib na pwersa ng 85th IBPA at PNP ang ginagamit sa Unisan at mga karatig nitong bayan na Atimonan at Padre Burgos. Nagkaroon ng food blockade sa ilang barangay ng Unisan, Atimonan at Padre Burgos. Pinagbabawalan din ang mga magsasaka at mag-uuling na pumunta sa kanilang mga kaingin at ulingan. Samantala patuloy pa rin ang operasyong militar sa Brgy. San Vicente Kanluran, Catanauan matapos ang labanan noong Marso 15.

Mindoro. Simula pa Marso 16, tuluy-tuloy ang FMO ng pinagsanib na 4th Infantry Battalion at Regional Police Safety Battalion sa mga bayan ng San Jose, Magsaysay at Rizal ng Occidental Mindoro at mga bayan ng Bulalacao at Bongabong ng Oriental Mindoro. Aabot sa 120 elemento ng pinagsanib na AFP-PNP ang patuloy na nagrerekurida sa San Jose at Magsaysay, Occidental Mindoro. Samantala, nireyd ng 30 pulis ang isang bahay sa Brgy. Lanaban, Rizal, Occidental Mindoro noong Marso 19, alas-sais ng umaga. Pinagbabawalan rin ng AFP-PNP ang mga magsasaka at katutubong Mangyan na pumuntang bayan upang bumili ng pagkain.

Palawan. Simula Marso 19, halos isang batalyong pinagsanib na pwersa ng 18th SFC, 4th Marine Battalion Landing Team, 1st Provincial Mobile Force Company at PNP sa mga Brgy. Iraan at Bunog, ng Rizal at mga Brgy. Maasin, Imulnod at Maiinit ng Brooke’s Point. Naglulunsad naman ang Regional Mobile Force ng operasyong kombat sa mga baryo ng Sofronio Española. Hindi bababa sa dalawa hanggang tatlong kolum ng pasistang AFP-PNP ang naglulunsad ng FMO sa mga naturang baryo.

Sa mga ulat na ito, kasuklam-suklam ang paghihigpit ng AFP-PNP sa mamamayan lalo sa usapin ng pagbili ng pagkain. Higit na magugutom at maghihirap ang mamamayan sa panahon ng lockdown ng rehimen. Pinasasahol pa ng AFP-PNP ang kalagayan ng mamamayan dahil sa mga paglabag sa karapatang tao tulad ng intimidasyon, pananakot at panghaharas, food blockade, hamletting, iligal na panghahalughog at iba pa.

Dahil dito, makatarungan lamang maglunsad ang mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC-NPA ST ng mga taktikal na opensiba para labanan ang mga nag-ooperasyong AFP-PNP at ipagtanggol ang mamamayan. Dapat parusahan ng NPA ang AFP-PNP sa paghihigpit nito sa mamamayan sa tabing ng mga humanitarian missions. Bahagi ito ng RCSPO ng AFP-PNP sa ilalim ng EO70 at NTF-ELCAC. Sinusuportahan ng MGC-NPA ST ang pasya ng NDFP na huwag tugunin ang unilateral ceasefire ng GRP hangga’t walang ipinapakitang sinseridad ang rehimen at patuloy na ipinatutupad ang mapanupil na hakbang laban sa mamamayan sa tabing ng pagharap sa COVID-19. Ginagamit lamang ni Duterte ang krisis sa pampublikong kalusugan at banta ng COVID-19 upang ipataw ang di-deklaradong batas militar sa buong bansa para supilin ang rebolusyonaryong armadong pwersa ng mamamayan bago matapos ang kanyang termino.

Samantala, lalabanan ng NPA at mamamayan ang militaristang total lockdown ng rehimeng Duterte sa buong Luzon. Hindi ito ang marapat na solusyon para lutasin at sugpuin ang paglaganap ng epidemyang COVID-19. Pagtutulung-tulungan ng masa at mga yunit ng NPA ang paglaban sa Covid-19 sa pamamagitan ng kolektibong aksyon ng mamamayan. Pangungunahan ng Partido, hukbong bayan at mga lokal na organo ng demokratikong gubyernong bayan ang pagbubuo ng kumprehensibong plano at programa na nagsusulong ng panlipunang kagalingan at pampublikong kalusugan bilang epektibong solusyon sa pagharap at paglutas sa pandemic na Covid-19. ###

https://cpp.ph/statement/sa-harap-ng-pekeng-unilateral-ceasefire-ng-grp-mgc-npa-st-lalabanan-ang-patuloy-na-atake-ng-afp-pnp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.