Monday, March 23, 2020

CPP/Ang Bayan: BHB, tumutugon sa Covid-19 kahit walang tigil-putukan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21, 2020): BHB, tumutugon sa Covid-19 kahit walang tigil-putukan

Bago pa man magdeklara ang rehimeng Duterte ng tigil-putukan, naglabas na ng mga direktiba ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa na maglunsad ng kampanyang masa upang hikayatin ang kolektibong aksyon para komprehensibo at malawakang tumugon sa banta ng epidemya ng Covid-19. Ang unilateral na tigil-putukan ng GRP na idineklara ni Duterte noong Marso 18 ay nagsimula noong gabi ng Marso 19 at magtatapos sa Abril 15. Kinwestyon ng PKP at ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines ang tunay na pakay ng deklarasyong tigil-putukan ni Duterte.

Ayon kay Prof. Jose Ma. Sison, senior consultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, hindi napapanahon, kung hindi man di sinsero at huwad ang deklarasyon ni Duterte. Dagdag pa, idineklara ito matapos na ipailalim ng rehimen sa lockdown ang buong Luzon para pagtakpan ang kapalpakan nito sa pagharap sa banta ng pandemyang Covid-19.

May tigil-putukan man o wala, handa ang mga Pulang mandirigma ng BHB na doblehin ang mga pagsisikap para magbigay sa mamamayan ng mga serbisyong sosyal, ekonomiko at medikal. Mahigpit na nakikipagtulungan ang mga ito sa mga lokal na komiteng pangkalusugan sa mga baryo at komunidad.

Makikita pa sa darating na mga araw kung mangingibabaw sa kanyang unang mga utos sa tigil-putukan ni Duterte ang kanyang naunang mga utos na maglunsad ng todong-gera para durugin ang BHB, ayon pa sa PKP. Samantala, inabisuhan nito ang lahat ng yunit ng BHB na maging mapagmatyag sa mga atake ng AFP at agad na iulat ang umiiral na mga operasyong kombat sa kani-kanilang mga saklaw. Maglalabas lamang ng sariling deklarasyon ang PKP ng tigil-putukan kung mayroon na itong sapat na batayan.

Sa pinakahuling mga ulat, naglulunsad ang AFP at PNP ng matitinding operasyong kombat, paniktik, saywar at panunupil sa Abra, Mt. Province, Quezon, Mindoro, Masbate, Sorsogon, Camarines Sur, Capiz, Samar, Negros, Bukidnon, South Cotabato, Zamboanga at iba pang mga prubinsya.

Sa Capiz, iniulat noong Marso 18 ng lokal na kumand ng BHB na dinagdagan ng 19 sundalo at CAFGU ang detatsment ng 61st IB sa Barangay Katipunan, Tapaz. Ayon sa mga sundalo, kaugnay umano ng Covid-19 ang dagdag-pwersa, at mananatili sa lugar hanggang Abril 15.

Sa Sorsogon, pinagigiya at ginagawaang pananggalang ng 31st IB ang mga barangay tanod sa mga komunidad na sakop ng mga “Community Support Program” sa Barcelona at Bulusan. Iniulat ng lokal na yunit ng BHB na sumasabay ang mga sundalo sa pagronda ng mga barangay tanod sa naturang mga lugar.
May iniulat ding mga operasyong kombat ng mga tropa ng 403rd Brigade sa Bukidnon, kabilang ang 8th IB sa Barangay Busdi, Malaybalay City at ng 1st Special Forces Battalion sa kabundukan ng Kitanglad.

Malawakan din ang paglabag sa karapatang-tao. Iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado ang lider-Lumad na si Gloria Tumalon sa Lianga, Surigao del Sur nitong Marso 20 at si Camilo Bucoy sa Zamboanga Sibugay.

Bago ang unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan ng GRP, walang awat ang pamamaslang at pang-aabuso ng AFP at PNP sa kanayunan.

Noong Marso 16, pinatay si Marlon Maldos sa Tagbilaran City, Bohol. Si Maldos ang artistic director ng Bol-Anong Artista nga may Diwang Dagohoy (Bansiwag). Nanguna si Maldos sa mga pagtatanghal na naglalarawan sa kalagayan at pakikibaka ng mga maralitang magsasaka. Bago ang pamamaslang, paulit-ulit siyang dumanas ng red-tagging ng mga elemento ng 47th IB.

Sa Lanao del Sur, inaresto ng mga sundalo at pulis si Teresita Naul, kasapi ng Karapatan sa Northern Mindanao noong Marso 15 sa bayan ng Lala. Sinalakay ng mga elemento ng 4th ID, 2nd Mechanized Infantry Brigade at mga pulis ang tinutuluyan ni Naul. Inaresto siya batay sa gawa-gawang kasong kidnapping, iligal na detensyon at panununog.

Samantala, noong Pebrero 27, walong katutubong T’boli ang idinetine at pilit na pinaaaming kasapi ng BHB ng mga elemento ng 27th IB sa Lake Sebu, South Cotabato. Iniulat din ng Bayan-Socsksargen ang nagpapatuloy na presensyang militar sa mga komunidad ng Blaan at T’boli na nagresulta sa pandarahas sa mga katutubong Lumad at pagsalakay sa kanilang mga tahanan. Malaon nang target ng San Miguel Corporation ang lugar para sa proyektong pagmimina ng karbon.

Samantala, nag-ulat ang Community Technical College of Southeastern Mindanao, isang paaralang Lumad sa Maco, Davao de Oro, na ipinatawag ng mga upisyal ng barangay at militar ang mga magulang ng kanilang estudyante at pilit na pinaaalis ang kanilang mga anak sa paaralan.

Sa Cagayan Valley, inokupa ng 17th IB ang mga komunidad ng Sitio Lagom, Barangay Lipatan mula pa noong Pebrero. Naglagay ang militar ng mga tsekpoynt sa mayor na mga daanan ng komunidad, nagtakda ng curfew at inobliga ang mga residente na humingi ng permiso sa militar sa kanilang mga lakad. Sa ulat ng mga residente, hindi sila basta makapunta sa kanilang mga sakahan o sa palengke. Isang magsasaka ang tinutukan ng baril habang kumukuha ng palay na ipakikiskis. Maging ang mga buntis at matatanda na kukuha ng pensyon ay hinaharang ng mga sundalo.

Reklamo ng mga residente, dapat sana ay naghahanda na sila para sa anihan subalit pinipigilan sila ng mga militar. Pinulong sila ng AFP upang takutin at akusahang mga tagasuporta ng BHB. Iniinteroga, minamanmanan, hinahanapan ng baril at pilit silang pinasusurender bilang mga kasapi ng BHB. Nagkampo rin ang 17th IB sa mga kabahayan, kapilya at paaralang elementarya. Sa panahong ito, iligal na inaresto si Fransing Solancho at isa pang matandang hirap nang makakita at maglakad.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/03/21/bhb-tumutugon-sa-covid-19-kahit-walang-tigil-putukan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.