Monday, December 2, 2019

Tagalog News: Mahigit 200 kabataan aktibong nakilahok sa 1st Agusan del Norte YLS

From the Philippine Information Agency (Dec 2, 2019): Tagalog News: Mahigit 200 kabataan aktibong nakilahok sa 1st Agusan del Norte YLS (By Jennifer P. Gaitano)


LUNGSOD NG BUTUAN, Disyembre 2 (PIA) - Sa harap ng pagpapatupad ng Executive Order 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa, puspusan ang pagtugon ng ibat-ibang ahensiya sa mga pangangailangan ng mamamayan sa mga komunidad partikular na sa mga kabataan sa Caraga region.

Ang mas pinaigting na pagsagawa ng Youth Leadership Summit ang isa sa mga tinututukan ngayon ng Philippine Army upang mas mahasa ang kanilang galing bilang youth leaders at makatulong din sa kani-kanilang bayan.

Isa si Jerwen Escalania sa mga aktibong nagbahagi ng kaniyang natutunan sa loob ng tatlong araw na 1st Youth Leadership Summit sa nasabing probinsya.

Lubos ang kanyang pasasalamat sa mga ahensiya ng gobyerno, kasama ng 23rd Infantry Battalion, Philippine Army dahil sa patuloy nitong pagbigay-tugon sa kanilang pangangailangan.

“Marami po talaga akong natutunan sa summit na ito. Umaasa rin ako na kung ano man yung natutunan namin, maisagawa rin namin sa aming mga komunidad,” sabi ni Escalania.

“Sa summit na ito, mariing ipinaalala sa amin ang pagkakaroon ng magandang asal at may respeto sa magulang. Tinuruan din kami kung papaano mas maging kapakipakinabang sa aming mga komunidad,” pahayag naman ni Roniel Yongco.

Ayon kay Roberto Laurente, president ng Propelling Our Inherited Nation Through Our Youth (POINTY), layon din nilang makatulong ang mga kabataan sa kampanya laban fake news. marami na aniya ang nabibiktima ng maling impormasyon na kumakalat sa social media.



“Mahalaga sa mga kabataan na maging alerto lalu na sa mga nakikita at nababasa nila sa social media dahil karamihan nito ay fake news. Ayaw nating silang malinlang at magamit ng mga makakaliwang grupo,” sabi ni Laurente.

Nangako naman si Ma. Leaneth Penarejo, isa sa mga partisipante na magiging aktibo sa pagbahagi ng tama at magagandang balita sa pamamagitan ng social media.

Bilang panauhing pandangal, hinimok ni 2Lt. Gianmatteo Vittorio Guidicelli, reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kabataan na maging responsable at tumulong sa mga hakbang ng gobyerno tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.

“Makiisa po tayo sa gobyerno at sa ating AFP sa pagpapanatili nang maayos at mapayapang pamumuhay,” sabi ni Guidicelli.

Samantala, binigyang-diin naman ni LTC Francisco Molina Jr., ang malaking papel ng mga magulang sa bawat tahanan na magabayang mabuti ang kanilang mga anak upang malayo ito sa bisyo at pangrerecruit ng New People’s Army (NPA). (JPG/PIA-Caraga)

https://pia.gov.ph/news/articles/1031047

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.