Tuesday, December 17, 2019

Ikatlong yugto: Tagumpay laban sa mga komunista, terorista sa Palawan

From the Philippine Information Agency (Dec 17, 2019): Ikatlong yugto: Tagumpay laban sa mga komunista, terorista sa Palawan (By Orlan C. Jabagat)


Ang dating miyembro ng NPA na nagbalik-loob na sa pamahalaan habang tinatanggap ang tulong pinansiyal mula kay Palawan Gov. Jose Ch. Alvarez. Ang tulong pinansiyal na ito ay sa pamamagitan ng Social Local Integration Program na ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. (Larawan mula sa Western Command)

Noon pa man ay tinutulungan na ng gobyerno ang mga rebelde na kusang magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng iba't-ibang programa ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Tutulungan ng Palawan Task Force-ELCAC na sumailalim sa repormasyon upang makabalik sa kanilang mga komunidad at magkaroon ng payapa at tahimik na pamumuhay kasama ng kanilang mga mahal sa buhay
ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) na boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan.

Isinasailalim din ang mga ito sa mga pagsasanay sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mahasa ang kanilang angking talento sa iba’t-ibang larangan.


Binibigyan din sila ng mga pagsasanay sa pangkabuhayan mula sa Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensiya at tanggapan ng pamahalaan.

Nariyan din ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na ipinatutupad ng Department of Interior and Local Government kung saan binibigyan ang bawat isa sa mga ito ng tig-P65,000 bilang tulong pinansiyal ng pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay.

Maliban sa E-CLIP mula sa DILG ay may karagdagang tulong din na ibinibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. Ito ay sa pamamagitan ng Social Local Integration Program (SLIP) sa ilalim ng pamamahala ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) kung saan ay nakakatanggap ang mga dating rebelde ng P25,000 bawat isa bilang karagdagang tulong pinansyal ng pamahalaan.

Patuloy din na susubaybayan ng pamahalaan ang mga ito hanggang sa tuluyan na silang makabalik sa kanilang mga komunidad.

Nananawagan ang Palawan Task Force-ELCAC sa iba pang mga nasa 'wanted list' na magbalik-loob na sa pamahalaan upang magkaroon ng payapa at tahimik na buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon.

Isinapubliko na rin ng PTF-ELCAC ang Hotline Number nito na 0917-680-2278 upang hikayatin ang lahat na iparating sa nasabing numero ang mga impormasyon sa lokasyon at kahina-hinalang mga aktibidad ng mga ‘communist terrorist group’ sa lalawigan. Sinisiguro naman ng PTF-ELCAC na mananatiling siktreto ang mga impormasyong ipinararating sa kanila. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)


Sa hotline number na ito ng Palawan Task Force-ELCAC maaaring iparating ang anumang impormasyon kaugnay ng mga kilos at galaw ng mga makakaliwang grupo sa Palawan.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.