Sunday, December 22, 2019

CPP/NDF-Bicol: Mamamayan ibayong pandayin ang pagkakaisa! Labanan ang pasismo ng estado!

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 22, 2019): Mamamayan ibayong pandayin ang pagkakaisa! Labanan ang pasismo ng estado!

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
DECEMBER 22, 2019

Buung-buo ang pagsuporta ng NDF-Bikol sa masang Bikolano sa kanilang laban sa militarisasyon at pasismo ng estado. Mabilis na nahuhubdan ang patung-patong na kasinungalingang ipinamamarali ng 9th IDPA at buong Joint Task Force Bicolandia sa rehiyon. Matapos ang magkakasunod na pagkakalantad ng pamamaslang sa mga sibilyang magsasaka sa Catanduanes at ang pekeng pagpaparada sa isang militar bilang nahuling NPA, muli na namang nalantad sa publiko ang katotohanan sa likod ng masahol na pamamaslang kay Kapt. Wolfert Dalanon “alias” Ompong, Barangay Kapitan ng Brgy. San Antonio, Milagros, Masbate noong ika-6 ng Nobyembre sa prubinsya ng Masbate. Pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang katapangan ng maybahay ni Kapt. Dalanon na buong kapangahasang nagpahayag ng katotohanan sa kabila ng nagpapatuloy na presensya ng militar sa kanilang lugar. Kasabay nito ang pagsugod ng masang Masbatenyo sa mainland Bikol upang ipahayag ang mga paglabag sa kanilang karapatang matagal na nilang dinaranas sa kamay ng 2nd IBPA at Provincial Police Mobile Force sa kanilang prubinsya.

Ang pagtindig na ito ng masang Bikolano ay malaking sampal sa 9th IDPA at JTFB. Pinapatunayan nito ang pilit pa rin nilang pinagtatakpang katotohanan – na sila ang tunay na kaaway ng mamamayan. Sinisingil na sila ng nagkakaisang hanay ng masa sa kanilang mga utak-pulbura, tahasan at masasahol na kaso laban sa mga Bikolano. Ang pagtindig ng masang Masbatenyo para sa kanilang karapatan ay paniningil para sa katarungan hindi lamang sa kanilang prubinsya kung hindi para sa buong rehiyon. Ito ay paniningil ng katarungan para sa lahat ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Ito ay panawagan ng katarungan para sa lahat ng biktima ng pekeng pagpapasuko, panunugis, pananakot, pambobomba, pangwawasak ng kabuhayan at pandarahas ng militar at pulis.

Marapat lamang na suportahan ng malawak na hanay ng mamamayang Bikolano ang kanilang kapwa inaapi at pinagsasamantalahan sa anti-pasistang labang ito. Hinihikayat ng NDF-Bikol ang mga kagawad ng midya na higit pang patambulin sa madla ang katotohanan sa likod ng disimpormasyon ng militar at pulis. Tulungan ang masang maiparinig sa publiko ang kanilang mga hinaing. Nananawagan din ang NDF-Bikol sa mga makabayang lokal na yunit ng gubyerno, progresibong organisasyon, taong-simbahan, propesyunal at nasa akademya na ibigay ang lahat ng makakayang suporta at tulong sa lahat ng biktima ng militarisasyon sa rehiyon.

Kasabay ng pag-abante ng kilusang anti-pasista, makaaasa ang masang Bikolano na lagi nilang katuwang ang kanilang Partido sa pagbabalikwas laban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Magpapatuloy ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, ang lahat ng yunit ng Hukbo at mga sangay ng Partido sa paglulunsad ng lahatang-panig na laban sa lahat ng may utang na dugo sa sambayanan. Ang bawat tagumpay sa lahat ng larangang tinatamo ng CPP-NPA-NDF ay iniaalay nito sa masang lubos nitong pinaglilingkuran.

Mamamayan Ibayong Pandayin ang Pagkakaisa! Labanan ang Pasismo ng Estado!

https://cpp.ph/statement/mamamayan-ibayong-pandayin-ang-pagkakaisa-labanan-ang-pasismo-ng-estado/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.