Monday, March 18, 2019

CPP/NPA-Mindoro: Ang katotohanan sa likod ng pekeng engkwentro sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Marso 2

NPA-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 18, 2019): Ang katotohanan sa likod ng pekeng engkwentro sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Marso 2

Madaay Gasic
NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command)
New People's Army
March 18, 2019

Mariing kinukundena ng Lucio de Guzman Command – NPA-Mindoro (LdGC) ang 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army at PNP-MIMAROPA sa ginawa nitong pagpaslang kay Rustom Sibulan, isang magsasaka mula sa Bongabong, Oriental Mindoro, at pananakot at pandarahas sa pamilya ni Sibulan na naganap nitong unang linggo ng Marso matapos ang sunud-sunod na opensiba ng Pulang hukbo sa isla noong Pebrero.

Pinasisinungalingan din ng LdGC ang sinasabing ‘engkwentro’ ng AFP-PNP laban sa NPA noong Marso 2 sa Brgy. Waygan, Mansalay, Oriental Mindoro. Ang totoo, isa itong malaking palabas ng mersenaryong hukbo para isalba ang kanilang pangalan mula sa sunud-sunod na kaswalting tinamo mula sa mga atake ng NPA at itago ang kanilang pagpatay kay Sibulan.

Ang mga hakbanging ito ng 203rd Infantry Brigade at ng PNP-MIMAROPA ay nagpapakita ng kanilang desperasyon na supilin ang NPA at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ng Mindoro. Manipestasyon ito ng kabangisan at pasismong dulot ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte at ng de facto Martial Law na ipinapatupad nito sa buong bansa at sa isla ng Mindoro. Sinusunod nito ang tagubilin ng tiranikong si Rodrigo Duterte sa mga mersenaryong sundalo na ubusin ang mga NPA pati na ang kanilang mga kapamilya at kaibigan upang tuluyan nang mapadapa ang rebolusyonaryong kilusan.

Tinarget ng AFP-PNP si Sibulan dahil kilala ito sa baryo bilang dating miyembro ng NPA. Higit isang dekada na ang lumipas mula nang umalis siya sa Pulang hukbo at nagpasyang mamuhay bilang isang sibilyan.

Pinagplanuhan ng AFP-PNP ang malagim na pagpatay kay Sibulan. Ayon sa mga saksi, hapon ng Marso 1 ay nagbiyahe si Sibulan at ang kanyang apo sakay ng motorsiklo papunta sa isang kamag-anak sa Bansud. Habang nasa biyahe, napansin na ni Sibulan na sinusundan sila ng isang nakasibilyang lalaki na armado ng riple.

Pinara ng mga armado ngunit nakasibilyang pwersa ng 203rd Infantry Brigade at PNP-MIMAROPA ang motor nina Sibulan sa bahagi ng Brgy. Proper Tiguisan sa Bansud. Agad na pinababa si Sibulan, tinutukan ng baril, pinadapa, at pinosasan ang mga kamay. Pagkasaklob ng sako sa kanyang ulo, kinulata pa si Sibulan ng baril sa likod saka isinakay sa isang nakaabang na van.

Tinutukan din ng baril ang apo ni Sibulan na kasama niya sa biyahe at binantaan na papatayin kung hindi kagyat na aalis.

Kinabukasan, Marso 2, ibinalitang napatay si Sibulan sa pekeng engkwentro sa Brgy. Waygan, Mansalay. Natagalan pa bago nakuha ng pamilya ni Sibulan ang kanyang bangkay dahil sa pagtanggi ng PNP na i-release agad ang katawan ng biktima.

May apat na tama ng bala ang katawan ni Sibulan — dalawa sa dibdib, isa sa likod, at isa sa paa. Puno rin ng pasa ang kanyang katawan at namamaga ang kanyang nguso na palatandaan na dumaan siya sa tortyur.

Malinaw na paglapastangan sa karapatan ng sibilyan at ng mga nagdesisyon nang hindi lumahok sa armadong tunggalian ang pagpatay ng AFP-PNP kay Sibulan. Lansakan ding paglapastangan sa dignidad ng tao ang paggamit sa bangkay ng kanilang biktima sa pekeng engkwentro at pag-antala sa pagkuha ng mga kapamilya ni Sibulan sa kanyang katawan.

Hindi pa nasapatan sa ginawa kay Sibulan, dinukot ng AFP-PNP ang pamangkin niyang si Onad noong Marso 5.

Tulad ng ginawa sa kanyang tiyuhin, pinara si Onad at ang kasama niyang pinsan ng mga elemento ng pinagsanib na AFP at PNP-MIMAROPA sa daan pauwi mula sa bayan ng Bansud. Pilit siyang isinakay sa parehong van na ginamit sa pagdukot kay Sibulan, hinampas ng baril sa ulo, at saka tinangay. Matapos ang anim na oras ng pisikal at mental na tortyur ay pinakawalan si Onad.

Nakatakas ang pinsan ni Onad na tangka rin sanang dukutin ng AFP-PNP.

Gamit ang personal na cellphone ni Onad, binantaan ng AFP-PNP ang mga kamag-anak niya na tutumbasan nila ng pagpatay sa mga miyembro ng pamilyang Sibulan ang bawat mamamatay na sundalo at pulis sa mga labanan sa pagitan ng mga sundalo at ng NPA.

Nakasusuklam ang panghaharas ng AFP-PNP sa pamilya Sibulan at pagpapalabas ng pekeng labanan upang maghasik ng teror sa isla ng Mindoro. Tunay na uhaw sa dugo at mapaghiganti ang tropa ng AFP-PNP sa Mindoro, na tuwing nagtatamo ng pagkatalo sa kamay ng NPA ay ibinabaling ang galit sa mga di-armadong sibilyan.

Kailangang mulat na labanan ng mamamayan ang mga pekeng balita at propaganda ng mersenaryong hukbo at ilantad ang walang habas na pag-atake ng AFP-PNP sa mga sibilyan.

Higit sa lahat, marapat na parusahan at durugin ang rehimen at ang reaksyunaryong sandatahang lakas para bigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga biktima sa mga hindi mabilang na krimen nito laban sa mamamayan kabilang na ang nangyari kay Sibulan at sa kanyang pamilya.

Tinatawagan naming ang lahat ng mga mamamayang Pilipino na humawak ng armas, sumampa sa NPA.

https://www.philippinerevolution.info/statement/ang-katotohanan-sa-likod-ng-pekeng-engkwentro-sa-mansalay-oriental-mindoro-noong-marso-2/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.