Monday, August 6, 2018

CPP/NPA-Batangas: Pasistang tropa ng 1st IBPA, Binigwasan ng NPA – Batangas!

NPA-Batangas propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 3): Pasistang tropa ng 1st IBPA, Binigwasan ng NPA – Batangas!

Apolinario Matienza
NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command)
August 03, 2018
 
 
Ipinagbunyi ng mga mamamayang Batangueño ang magiting na paglaban ng New People’s Army (NPA) – Batangas sa ilalim ng Eduardo Dagli Command sa pasistang tropa ng 1st Infantry Batallion Philippine Army (IBPA). Binigwasan ng isang team ng NPA ang nag-ooperasyong puwersa ng 1st IBPA sa hangganan ng mga sityo ng Tagbakan, Puting-uway at Manyakap sa Brgy. Calubcob 2 sa bayan ng San Juan noong ika-30 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Tumagal ang labanan mula ika-11:43 ng umaga hanggang ika-12:20 ng tanghali. Ligtas namang nakaatras ang yunit ng NPA at walang tinamong pinsala maliban sa isang nasugatan na kaagad namang nalapatan ng paunang lunas sa gitna ng matinding kordon ng kaaway. Hindi naman bababa sa tatlo (3) sundalo ng 1st IBPA ang tiyak na nasawi mula sa naganap na labanan habang madami naman ang nasugatan mula sa tropa ng kaaway.

Upang pagtakpan ang kanilang kahihiyan sa bigong operasyon, kaagad na kinontrol ng pasistang kaaway ang buong erya. Puwersahang pinalikas ang mamamayan at pinagbawalang mag-alam ng kanilang mga hayop sa bundok. Aabot sa humigit kumulang 1000 katao ang dinala sa iskul at tsapel ng Brgy. Calubcob 2. Tatlong araw na kinontrol ang mga tao sa evacuation center kung saan limitado ang kanilang paggalaw at walang maayos at sapat na pagkain.

Habang buong kayabangang sinasabi ni Lt. Col. Jonathan S. Manio, Commanding Officer ng 1st IBPA na walang anumang pinsala sa mersenaryong tropa, hindi mapapasubalian ng ilang ulit na labas-pasok ng ambulansya at sasakyan ng Red Cross na ineeskortan ng 2 trak ng militar ang kanilang pagkukumahog na mailabas ng lihim ang kanilang mga patay at sugatan. Ayon sa mga residente ay tatlong patay ang nakitang inilabas sa baryo. Subalit pinalabas ng mga militar na mga bangkay diumano ito ng NPA.

Mariing pinabubulaanan ng Eduardo Dagli Command – NPA Batangas ang kasinungalingan ng 1st IBPA na may nasawi sa hanay ng mga pulang mandirigma. Kinukundena rin ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas ang panggigipit at pandarahas ng mga militar sa mga sibilyan upang mapagtakpan ang kanilang kahihiyan. Bukod sa sapilitang pagpapalikas, ang mga nagpupumilit na puntahan ang kanilang mga nakasugang hayop ay tinututukan ng baril at hinahalwat ang kanilang mga dala. Masahol pa, 12 katao na pawang lehitimong mga residente sa lugar ang pinangalanan at inihiwalay ng mga ito. Isang sibilyan ang inilayo sa kanyang mga kasamahan at pilit na pinakuha ng labong sa kawayanan kung saan isang diumano’y bag ang nakita at pilit na pinapaako sa kanya. Sinadya itong i-set up ng mga militar sa kadesperaduhan nitong may mapagbalingan sa naganap.

Ang pinakamalalang paglabag ng 1st IBPA ay ginawa ng mga ito kahit sa kanilang hanay. Ilang araw na ipinagkait ng mga militar ang karapatan ng pamilya na makuha at mapaglamayan ang bangkay ng tatlong sundalong napaslang sa labanan. Ito ay malinaw na desecration of remains. Dalawang araw pa ang nakalipas bago alisin sa Sityo Coloconto ang bangkay, tinakpan ng bunot at pinalabas na labi ng nasawing NPA. Kahabag-habag maging ang mga karaniwang kawal ng sundalo na ginagamit pa ang kanilang bangkay upang paglingkurin sa maruming taktikang pampropaganda ng kaaway. Hindi katulad ng mga pulang mandirigma ng NPA na kung may masawi man ay kaagad nitong inaako at itinatanghal bilang mga bayani ng sambayanan at libu-libong mamamayan ang nagbibigay pugay sa kanilang kadakilaan.

Malaon nang isinusuka ng mga mamamayan ang pananatili ng mga kampo militar sa mga sibilyang komunidad sa buong lalawigan. Sa Brgy. Bulsa, makailang ulit ng inirereklamo ng mamamayan ang pananatili ng kampo militar sa baryo dahil sangkot mismo ang mga CAFGU at kasundaluhan sa iba’t ibang krimen na nagaganap dito; tulad ng panloloob sa isang tindahan, kasong panggagahasa at kamakailan lamang isang babaeng kalive-in ng isang CAFGU na lesbiana ang nakitang patay sa loob mismo ng kampo. Ginagawa ding human shield ng mga militar ang mga sibilyan sa mismong pagpuwesto ng kampo sa tabi ng bahayan at sa pamamagitan ng pagpapapasok dito ng mga babae at kapamilya nila, at mga residente mismo sa lugar.

Sa Brgy. Laiya Aplaya, nalantad na sa mamamayan ang kasuklam-suklam na katangian ng 1st IBPA. Kung noong una ay nagpapanggap pa itong mabait sa pamamagitan ng pag-aalok ng libreng gupit, medical mission at pamimigay ng Gardenia, kinalaunan ay hinubdan na rin nito ang kanyang pasistang mukha. Iwinasiwas nito sa baryo ang Order of Battle, na isang iligal na dokumento ng AFP na naglalaman ng mga pangalan ng diumano’y kaaway ng gubyerno at mga target nila para sa arbitraryong pagdakip at pamamaslang. Pangunahing instrumento ni Federico Campos ang 1st IBPA upang supilin ang pakikibaka ng mamamayan sa kanilang tirikan. Nasa unahan ito ng karahasang sumiklab sa Laiya Aplaya noong Hulyo 23 kung saan dalawang magsunod na araw itong naglunsad ng checkpoint at operasyon sa lugar hanggang sa aktwal na araw ng marahas na demolisyon. Ito rin mismo ang naghakot at nagpakain sa mga security sa loob ng kampo bago sumabak sa marahas na panggigiba kung saan nanunood lamang ang mga kasundaluhan sa kabila ng limang dipa lamang halos ang layo ng nagaganap na pandarahas sa mga tao mula sa kanilang kampo.

Mariin ding kinukundena ng NPA Eduardo Dagli Command ang lokal at panlalawigang pamahalaan na mistulang tengang-kawali sa kabila nang labis na karahasan at traumang inabot ng kanilang mga mamamayan. Sa halip na dinggin ang kahilingan ng mga mamamayan, ipinasa pa ng pamahalaan ni Mandanas sa mga sundalo ng 1st IBPA ang tungkuling protektahan diumano ang mga tao gayong ito nga mismo ang tagapagtaguyod ng demolisyon at pangunahing nandarahas sa mga mamamayan.

Mistulang ginigisa sa kanilang sariling mantika ang mga mamamayan ng San Juan na pinag-aayu-ayuhan lamang ng sabwatan ng lokal at panlalawigang pamahalaan, mga debeloper at militar. Pinagkakaisahan ng tatlong ito ang mamamayan ng San Juan upang sansalain ang kanilang demokratikong pagkilos at mabigyang daan ang mga huwad na proyekto sa naturang bayan.

Gayunpaman, sa kabila ng pinaiiral na Martial Law sa buong lalawigan sa balangkas ng mga PDTs ng rehimeng Duterte, pinagpupugayan ng NPA ang mga mamamayan ng San Juan at ang buong rebolusyonaryong base sa lalawigan na nagpunyagi at lumaban mula sa kanilang sariling lakas at patuloy na nagtatagumpay na maipagtanggol ang kanilang karapatan. Pinatunayan ng mga naganap na atake sa hukbo at mamamayan partikular sa bayan ng San Juan nitong mga nakaraang araw na hindi basta basta yuyukod sa pasismo at paglabag sa karapatang pantao ang mga mamamayan ng Batangas. Patuloy din itong nagtataguyod sa New People’s Army dahil ito lamang ang tanging hukbong nagtataguyod sa tunay na interes at adhikain ng masang api at pinagsasamantalahan.

Umiihip sa lusong ang sabwatan ng lokal na pamahalaan, ni Federico Campos, ng AFP at rehimeng US-Duterte. Sa gitna ng paghahasik ng teror ng militar sa mga baryo ay patuloy na nagtatanggol ang mga mamamayan at patuloy na binubuklod ang kanilang lakas at tinatahak ang armadong pakikibaka bilang siyang tanging solusyon sa inihahambalos na karahasan ng estado.

Pinapatunayan din ng magiting na pagharap ng mga pulang mandirigma sa berdugong AFP, na kailanman ay hindi papayag ang Eduardo Dagli Command sa localized peace talk na inilalako ng rehimeng US-Duterte. Ang magiting na paglaban at pagpupunyagi ng mga mamamayan ng San Juan at buong lalawigan ng Batangas na ipagtanggol ang kanilang karapatan ay nagpapakita naman na hindi malulutas sa makitid na antas ng lokalidad ang malalim na suliranin sa lupa at kabuhayan na nakaukit sa buong sistemang mala-pyudal at mala-kolonyal. Habang patuloy na tumatanggi ang rehimeng US-Duterte na harapin ang tunay na problema ng mamamayan sa buong bayan na siyang pangunahing laman ng nakasalang na adyenda ng CASER (Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms) at NIED sa naudlot na usapang pangkapayaan, lalo lamang nitong itinutulak ang mga mamamayan na taluntunin ang landas ng pagpapabagsak sa kanyang rehimen.

Bukas kamay naman na tinatanggap ng NPA-Batangas ang lahat ng mamamayan na biktima ng mga karahasan ng pasistang rehimen. Hangga’t nagpapatuloy ang militaristang pagharap ng reaksyunaryong gobyerno sa mga suliranin ng mamamayan, laging nakahanda ang mga yunit ng BHB sa ilalim ng pamumuno ng Eduardo Dagli Command na bigwasan ang lahat ng yunit ng pasistang militar sa buong lalawigan.

Digmang Bayan, Sagot sa Martial Law ni Duterte!

https://www.philippinerevolution.info/2018/08/03/pasistang-tropa-ng-1st-ibpa-binigwasan-ng-npa-batangas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.