NPA-Ilocos Cordillera propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Nov 24): Matagumpay na bigwas laban sa Teroristang AFP at Rehimeng US-Duterte inilunsad ng NPA Ilocos-Cordillera!!!
NPA-IIocos Cordillera (Chadli Molintas Command)
24 November 2017
Nobyembre 12 alas dos ng hapon, inambus ng mga Pulang mandirigma ng Antonio Licawen Front Operational Command ang mga nag-ooperasyong tropa ng 81st IB at 24th IB sa barangay Alangtin, Tubo, Abra. Tatlo ang patay at hindi matukoy na bilang ng ang nasugatan. Sa kanilang casualty, 2 sugatan lamang ang inamin sa midya ni Capt. Jefferson Somera, ang hepe ng 5th ID Public Affairs Office na nakilalang sina PFC Michael Soriano at PFC Richard Parania.
Kinabukasan, Nobyembre 13, hindi pinalapag ng isa pang yunit ng ALFOC ang helicopter na maghahatid sana ng suplay ng mga nag-ooperasyong sundalo nang kanilang birahin ito sa kabundukang bahagi ng barangay Amtuagan, Tubo. Lumipad palayo ang helicopter.
Sa Boliney, Abra naman, noong Nobyembre 17, hinaras ng Agustin Begnalen Command ang mga nag-ooperasyong tropa ng 24th IB sa barangay Danac East kung saan 2 patay at maraming sugatan sa kaaway.
Bago pa nito, binigo ng Leonardo Pacsi Command ang pakay ng AFP na sukulin at durugin ito matapos matapang na hinarap ng yunit ng NPA ang tumutugis sa kanilang mga tropa ng 54th IB sa labananang namagitan sa kanila sa barangay Dalican, Bontoc, Mt. Prov noong Oktubre 29. Walang kaswalti sa magkabilang panig. Ang 54th IB sa panahong ito ay patuloy pa ring nagsasagawa ng operasyong pagtugis sa NPA matapos itong nagbanta na pagbabayarin ang NPA sa isinagawa nitong pamamarusa sa kapitalistang amo nitong Hedcor Hydropower Corp. Sa Otucan Norte, Bauko, MP noong Oktubre 10.
Simula Nobyembre 6 hanggang sa kasalukuyan, sa direksyon ng 7th IDPA, muling nasagawa ang 703rd Bde Phil Army ng malakihan at masaklaw na operasyong kombat. Pinakikilos nito ang buo-buong batalyon ng pinagsanib na puersa ng 81st IB at 24th IB, dalawang Division Recon Company at Special Forces ng Phil Army na gumagalugad sa mga kabundukan at komunidad ng Tubo, Boliney, Daguioman, Bucloc at Sallapadan sa Abra; sa Sagada, Besao at Bontoc sa MP, Tubo at Boliney sa Abra at Quirino sa Ilocos Sur. Maliban dito, patuloy din ang operasyong kombat ng 54th IB sa Ifugao at Mt. Province. Bigo sila sa planong pag-atake at pagdurog sa hukbong bayan, bagkus ay sila ang nabigwasan.
Sa tinamo nilang panibagong kaswalti, demoralisasyon at kahihiyan sa napakalaking operasyong ito, pinagbabalingan nila ngayon ang mga sibilyan sa mga komunidad na malapit sa mga pinangyarihan ng bira sa kanila. Maliban sa pagbabanta, nagsasagawa na naman ang militar ng pambobomba sa mga kabundukan at kabukiran ng Cordillera upang sindakin ang mamamayan at sirain ang kanilang kabuhayan. Noong Nobyembre 8 ng umaga, nagpasabog sila ng mortar sa kabundukang bahagi ng Sallapadan at kinahapunan nito ay sa bahagi naman ng Ableg, Daguioman sa Abra. Noong Nobyembre 10 at Nobyembre 23, pinagbobomba nila ang ang kabundukan ng Danac East sa Boliney. At noong Nobyembre 21, binomba din ng mortar ang kabundukan ng Beew at Saligid sa Alangtin sa Tubo at ang Tabbak na bukirin ng Amtuagan sa Tubo.
Maliban sa pambobomba, ilang gabing ipinaikot-ikot ng mga nag-ooperasyong AFP ang kanilang mga surveillance aircraft upang magmanman at maghanap ng mga kampo ng NPA na nagdulot din ng pangamba sa mga mamamayan.
Ang panibagong bugso ng matinding operasyong militar ng AFP sa Cordillera at Ilocos na nagsimula noong Nobyembre 6 at nagpapatuloy hanggang ngayon ay may bahagi ng plano ng AFP na durugin ang NPA at ang rebolusyonaryong kilusan hanggang sa pagtatapos ng 2018. Kamakailan ay idineklara ng gobyerno ni Duterte na terorista na ang turing sa CPP-NPA-NDFP at ang mga organisasyong masa na tinagurian nilang mga legal na prente nito. Pagkatapos ng pagdurog sa mga “terorista” sa Marawi, isusunod naman niya umano ang CPP-NPA-NDF at mga “legal na prente” nito. Kaakibat nito’y tuluyan ng isinara ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa NDFP dahil umano sa mga sunod-sunod na pagbira nito sa mga puersa ng AFP, PNP at mga kapitalistang kumpanya. Kung kayat todo-gyera ang ipinapakat nito.
Ang mga sunod-sunod na taktikal na opensiba ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng Chadli Molintas Command ay tugon sa panawagan ng CPP na biguin ang planong ito ng AFP at ang rehimeng Duterte at walang ibang pandurog nito kundi ang pagpapatindi pa ng pakikidigmang gerilya.
Nananawagan ang Chadli Molintas Command sa mamamayan ng Cordillera at Ilocos na labanan ang pagturing sa mga lehitimong organisasyon ng masa bilang terorista at lalo pang paigtingin ang pakikibaka para sa karapatan sa ansestral na lupain at kayamanan, laban sa pambansang pang-aapi at laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala ng mga kapitalistang kumpanya at mga panginoong maylupa at warlord sa rehiyon.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.