Thursday, October 12, 2017

CPP/NDF-Bicol: Labanan ang Sumisidhing Banta ng Batas Militar ng Rehimeng US-Duterte! Ipagtanggol ang Karapatang Tao at Kalayaang Sibil ng Mamamayan!

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 10): Labanan ang Sumisidhing Banta ng Batas Militar ng Rehimeng US-Duterte! Ipagtanggol ang Karapatang Tao at Kalayaang Sibil ng Mamamayan!

Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)

10 October 2017

Kaisa ng masang Bikolnon ang NDF-Bikol sa pagkundena at paniningil sa sunud-sunod na hakbangin ng rehimeng US-Duterte upang ibuslo ang sambayanan sa bitag ng Batas Militar. Lalong nagiging mapangahas si Duterte at kanyang mga alagad sa paglikha ng samu’t saring pamamaraan upang ikundisyon ang taumbayan sa posibilidad ng Batas Militar. Lantaran nang sinusubukan ng mga alipures ni Duterte sa lokal na gubyerno at kasundaluhan ang pagpapatupad ng mga ordinansa at aktibidad na hayagang lumalabag sa karapatan at kalayaan ng mamamayan.

Sa Kabikulan, naalarma ang mamamayan sa paglitaw ng Executive Order No. 26-2017 ni Noel Rosal, alkalde ng bayan ng Legazpi. Kung naipatupad ang mapanupil na ordinansang ito, mabibigyang-laya ang mga upisyales ng lokal na gubyernong panghimasukan ang mga pribadong aktibidad ng kanilang nasasakupan. Oobligahin ang mga mananatili sa naturang bayan nang higit sa 24 oras na pumirma at itala ang dahilan ng kanilang pagpunta. Malinaw na layunin ng nabanggit na ordinansa ang sanayin ang mamamayan na pinanghihimasukan ang kanilang mga kalayaang sibil at sukatin ang reaksyon ng madla sa hayagang pasismo ng estado.

Kasabay nito, sunud-sunod din ang ilinunsad na mga pulong-propaganda ng 9th IDPA sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa rehiyon. Laman ng kanilang mga ipinamahaging polyeto ang simplistiko at ilohikal na argumentong laging dumudulo ang paggigiit ng mga demokratikong interes sa komunismo. Nitong nakaraan, napabalita rin ang pagmamanman na isinagawa ng mga elemento ng militar sa labas ng Ateneo de Naga University (ADNU). Napag-alaman din ang paglalagay ng AFP sa kanilang ‘watchlist’ ng mga publikasyong pangkampus ng Camarines Sur Polytechnic College-Nabua (The Spark), ADNU (The Pillars), Mariners Polytechnic College Foundation (Seafarer’s Gazette) at Central Bicol State University of Agriculture (The Stateans). Sa esensya, sinusupil ng kasundaluhan ang makatwirang pagkilos ng mga sektor para sa kanilang mga karaingan at binabantaan ang mga bahagi ng lehitimong organisasyon na sila ay itinuturing na target ng karahasan ng estado. Sinasalamin nito ang kalabnawan ng pagkaintindi ng AFP-PNP-CAFGU sa kilusang masa at ang kanilang baluktot na paniniwalang walang ipinag-iba ang mga kombatant na direktang kalahok sa armadong pakikibaka sa mga sibilyang isinasapraktika lamang ang kanilang mga karapatang sibil na magpahayag at mag-organisa.

Patuloy din ang pagpapalobo ng institusyon ng AFP-PNP-CAFGU sa pekeng ugong ng terorismo at insurhensya sa rehiyon. Makailang ulit nang ilinagay sa red alert status ang buong rehiyon dahil sa mga gawa-gawang insidente ng banta ng pagpapasabog, pagsalakay at panggugulo ng NPA sa iba’t ibang aktibidad tulad ng naudlot na ASEAN Summit sa Legazpi at sa nagdaang Penafrancia Festival sa Naga. Sa totoo, sa sukdulang pagkabahag ng buntot ng mersenaryong hukbo sa patuloy na paglakas ng CPP-NPA-NDFP, nagpapalaganap na lamang ito ng mga pekeng balita upang takutin ang mamamayan at sirain ang prestihiyo ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang pambabansag ng gubyernong US-Duterte sa kilusang masa bilang hakbanging destabilisasyon at ang pagkakandarapang maihanda ang entablado para sa Batas Militar ay sumasalamin sa matindi nilang takot sa nagkakaisang pwersa ng mamamayan. Alam ni Duterte na umabot na ang karahasan at brutalidad ng estado sa puntong walang sinumang nasa katinuan ang kaya pang sikmurain ang tripleng gerang kanyang ilinulunsad. Nanginginig ang kanyang tuhod sa pagmamadaling makonsolida ang kapangyarihan at buwagin ang mabilis na paglawak at paglakas ng kilusang sisingil at magpapanagot sa mga krimen ng kanyang gubyerno.

Katigan man ng imperyalistang US ang pagbabalatkayo ng kontra-mamamayang gera ni Duterte bilang pagtatanggol sa interes ng bansa, mulat ang mamamayan na walang antas ng pagdadahilan ang magbibigay-matwid sa ganitong sidhi ng walang katuturang karahasan. Ilang ulit mang pudpurin ng mga tagapagsalita ng gubyerno ang mga palusot na ‘nanlaban kaya pinatay’ at ‘para sa tunay na pagbabago’, malinaw sa mamamayan na hindi kailanman dudulo sa kabutihan ng bayan at pangmatagalang pagbabagong panlipunan ang pagmasaker sa libu-libong sibilyan at pagwasak sa milyun-milyong buhay.

Hungkag ang maaanghang na salita at banta ni Duterte sa harap ng nagkakaisang lakas ng mamamayan. Patuloy na dadagsa sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga alyansa at kilusang masang laban sa tiranikong paghahari ni Duterte. Lalong mag-iibayo ang armadong pakikibaka ng sambayanan. Sa susunod na mga araw, dadagundong sa kapuluan ang pagsasalimbayan ng mga protestang bayan sa kalunsuran at mga taktikal na opensiba sa kanayunan. Sa huli, mapagpasyang itatakwil ng sambayanan ang kriminal na rehimeng US-Duterte at puspusang makikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20171010-labanan-ang-sumisidhing-banta-ng-batas-militar-ng-rehimeng-us-duterte-ipagtanggol-ang-karap

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.