NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 2): Isang Taong Panunungkulan ni GRP President Rodrigo Duterte
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
3 July 2017
Maraming mga pangakong nabigong tupdin si GRP President Rodrigo Duterte sa isang taon niyang panunungkulan. Bigo ang pangakong kapayapaan ni Duterte sa mamamayang Pilipino lalo’t nakaamba ngayon ang tuluyang pagkakansela ng usapang pangkapayapaan. Habang bigo ring maipatupad ang mga proyekto at repormang pang-ekonomiya para sa sambayanan. Sa loob ng isang taong panunungkulan, hindi man lamang kinanti kahit kaunti ng rehimeng Duterte ang paghahari ng Imperyalismong US, Pyudalismo at Burukratang Kapitalismo na nagpapanatili sa pagiging malapyudal at malakolonyal ng lipunang Pilipino. Kabaliktaran sa pagiging “kaliwa at soyalistang” presidente, lumalakas ngayon ang kanang tunguhin ng rehimeng Duterte.
Nabahura ang usapang pangkapayapaan dahil sa banta ni Duterte na ipahuhuli ang mga NDFP Consultant, taliwas sa ipinangako nitong palalayain ang higit sa 400 detinidong pulitikal. Ang pagpapalaya sa mga natitira pang detinidong pulitikal ay pagpapakita sana ng kanyang kaseryosohang kamtin ang kapayapaan sa bansa. At ngayon, sa nagaganap sa usapan, nais lamang ng GRP na humantong ang rebolusyonaryong kilusan sa kapitulasyon kaysa bigyang-diin ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms at Comprehensive Agremeent on Political and Constitutional Reforms na siyang magbabalangkas ng mga komprehensibong repormang sosyo-ekonomiko, pampulitika at konstitusyonal para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Lumalakas ang maka-kanan na pagkabig ni Duterte bunsod ng pangingibabaw ng mga sagadsaring tuta ng imperyalista at militarista tulad nina Lorenzana, Esperon, Año, at mga tagapamandila ng patakarang neoliberal sa ekonomiya na sina Dominguez, Pernia, at Diokno. Bunsod nito, tiyak maisasantabi ang kapakanan ng malawak na sambayanan.
Bigo rin si Duterte na tupdin ang kanyang mga anti-US na retorika kung saan nananatili pa rin ang kontrol at presensya ng US sa bansa. Ang totoo, hawak ngayon ng Imperyalismong US sa leeg si Duterte sa pamamagitan ng mga numerong unong utusang aso ng US na sina Lorenzana, Esperon at Año. Sa maniobra at kutsabahan ng mga ito, naitulak ng US si Duterte na ipatupad ang Martial Law sa Mindanao matapos palabasin ang Maute Group bilang bahagi ng ISIS, isang teroristang grupong itinayo, sinusuportahan at pinopondohan ng walang iba kundi ng imperyalismong US mismo. Pananagutan ni Duterte ang pagsuko sa pambansang soberanya ng pahintulutan nitong manghimasok ang armadong pwersa ng US sa pagwasak sa Marawi.
Patuloy lamang na mahihiwalay si Duterte bunga ng mga inilunsad nitong gera sa tuwing nanganganib maagaw ang kanyang kapangyarihan. Daang libong karaniwang mamamayang Pilipino ang biktima ng oplan tokhang, oplan double barrel reloaded, oplan kapayapaan at all-out war laluna sa kanayunan, at nitong huli, ng deklarasyon ng batas militar sa Mindanao. Dinanas ng mamamayang Pilipino, laluna ng mamamayang Moro, sa kamay ng berdugong AFP at PNP, sa tulong ng armadong pwersa ng US ang samu’t saring paglabag sa karapatang tao at karahasan habang malawak ang dislokasyon at pagkawasak ng mga kabuhayan at ari-arian dulot ng pasismo ng rehimeng Duterte. Dapat nang itigil ni Duterte ang kahibangang ito at ituon ang pansin sa pagtupad ng kanyang mga pangako.
Sa Timog Katagalugan, lantarang ipinahayag ng tagapagsalita ng AFP na si Restituto Padilla ang pagtataas sa red alert status ng AFP at PNP laban sa NPA. Patunay na target din ng Martial Law ang rebolusyonaryong kilusan at ang banta ng pagpapatupad nito sa buong bansa.
Sa gitna ng nagpapatuloy na labanan, bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa rehimeng Duterte. Ngunit hangga’t nagpapatuloy ang gera at ang Martial Law laban sa mamamayan, patuloy itong lalabanan ng CPP-NPA-NDF at ng malawak na sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapaigiting ng digmang bayan sa buong bansa.
Labanan ang paglakas ng kanang tunguhin ng rehimeng Duterte! Paigtingin ang digmang bayan laban sa pasistang atake ng estado!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.