NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 22): Hinggil sa Pagpapalawig ng Batas Militar
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
22 July 2017
Mariing kinukundena ng NDF-Bikol at mamamayang Bikolnon ang pagpapalawig ng Martial Law hanggang sa katapusan ng Disyembre ngayong taon. Kinukundena ng taumbayan ang 261 senador at kongresistang kasabwat ng rehimeng Duterte at kasundaluhan sa pagpapasa ng panukalang patagalin pa ang Batas Militar sa Mindanao.
Saksi ang mamamayan sa lantarang pagsisinungaling at pamamaluktot na ginawa nina Lorenzana, Esperon, Ano at iba pang galamay nila sa lehislatibo upang bigyang matwid ang pagpapalawig sa Martial Law. Ayon sa kanila, walang dahilan upang katakutan ng mamamayan ang pananatili ng Batas Militar dahil napatunayan naman sa inisyal na dalawang buwang epektibo ito na walang paglabag sa karapatang-taong naganap. Anila, kung mayroon mang maging paglabag sa mga karapatang sibil sa hinaharap, kaagad na parurusahan ang salarin. Ang tanging layunin umano ng pagpapataw nito ay ang wakasan at pigilan ang paglaganap ng terorismo sa Marawi tungo sa ibang bahagi ng bansa. Ipinagpilitan din nilang iba ang Batas Militar ni Duterte sa kasalukuyan sa Batas Militar sa panahon ni Marcos.
Sa katunayan, isang malaking palabas lamang ang naganap na bogus na sesyon upang bihisan ng legalidad ang paghahasik ng lagim ng Batas Militar. Nagpahusayan lamang ang mga nag-aastang magigiting na heneral at mambabatas sa paghahabi ng kani-kanilang kasinungalingan at palusot upang bigyang katwiran ang patuloy na pananalasa ng todo-gera sa Mindanao.
UNANG KASINUNGALINGAN: MAY BATAYAN ANG PAGPAPALAWIG NG BATAS MILITAR SA BUONG MINDANAO
Hindi mapagtugma nina Lorenzana ang kanilang mga pahayag sa pagsasabing kinakailangan pa rin ng Batas Militar samantala iginigiit din nilang may resulta ang kanilang mga opensiba laban umano sa Maute. Ayon na rin sa kanilang pahayag ay hindi na lalagpas sa 60 ang pwersa ng Maute sa Marawi at wala silang nakikitang kongkretong banta sa seguridad sa iba pang bahagi ng Mindanao. Anila, aapat na barangay na lamang naman ang hawak ng Maute at patuloy na lumiliit ang bahagi ng Marawi na nagagalawan ng mga ito.Ano kung gayon ang dahilan ng AFP at ni Duterte na magpanukala ng dagdag pang panahon para sa Martial Law kung totoong patuloy nang humihina ang grupong Maute at halos kontrolado na nila ang buong lugar?
Sa haba ng kanilang pinagdugtung-dugtong na kwento kahit sila ay natatalisod na sa sarili nilang mga salita. Ang totoo, walang batayan at labag sa konstitusyon ang nais nilang mangyaring pagpapalawig pa ng Batas Militar. Bahagi lamang ito ng kanilang disenyong maghasik ng takot at atakehin ang mamamayan. Bago pa man pumutok ang panggugulo ng grupong Maute, lampas 60% na ng buong pwersa ng kasundaluhan ang binuhos sa Mindanao upang pigilan at durugin ang lumalakas na pwersa ng rebolusyonaryong kilusan at ang lumalawak na pakikibakang Moro. Anumang dahilan ang ihilera ng mga mersenaryo, malinaw na ang ultimong layunin ng Batas Militar ay maglunsad ng gera laban sa lehitimong paglaban ng mamamayan.
IKALAWANG KASINUNGALINGAN: WALANG PAGLABAG SA KARAPATANG TAONG NAGANAP SA ILALIM NG BATAS MILITAR Puro kasinungalingan ang pinagsasabi nina Lorenzana, Ano at Esperon na walang naitalang kaso ng paglabag sa karapatang tao na naganap sa loob ng dalawang buwan na may Martial Law sa Mindanao.
Araw-araw laman sa balita ang sapilitang paglikas ng mga taga-Maranao at iba pang Mindanawon dahil sa tuluy-tuloy na pambobomba sa ere ng kasundaluhan. Hindi nawawala sa telebisyon, pahayagan at radyo ang sunud-sunod na balita ng mga komunidad, eskwelahan, ospital, simbahan at iba pang establisimyentong napulbos ng walang patumanggang pagpapasabog ng militar. Lagpas kalahating milyon na ang mga residenteng nagsisiksikan sa mga evacuation centers at wala nang babalikang kabuhayan at mga ari-arian. Ni wala pa sa kalahati ng 523,430 kabuuang bilang ng mga nagsilikas ang 201,785 na populasyon ng Marawi. Ibig sabihin, maging ang mamamayang nasa ibang bahagi ng Mindanao ay biktima ng mapangwasak na mga operasyong militar. Animnapu’t walo na ang iligal na inaresto, daan-daan ang nakaranas ng panghaharas at libo na ang iligal na idenitine. Umabot na 578 ang bilang ng mga sibilyan at kahit nga mismong mga sundalo ang napaslang ng indiscriminate firing o walang habas na pamamaril ng kasundaluhan.
IKALAWANG KASINUNGALINGAN: MAPARURUSAHAN ANG SINUMANG LUMABAG SA KARAPATANG-TAO
Kahiya-hiya ang pahayag nina Lorenzana at Ano na parurusahan ang sinuman sa kanilang pwersa na mapatutunayang lumabag sa karapatang sibil ng mamamayan. Ang totoo, sila mismo ay mga patunay na walang katarungan at pananagutang maaasahan ang masa mula sa kasundaluhan. Sa kabila ng patung-patong nilang krimen laban sa mamamayan tulad ng pagdakip at pagkawala ni Jonas Burgos na pinamunuan ni Ano, nananatili silang malaya at ngayon ay humahawak pa ng mga susing pusisyon sa gubyerno.
Sa kalagayang binubuo ang kasundaluhan at gubyerno ng mga kriminal, paano paniniwalaan ng mamamayang mananagot at maparurusahan ang sinumang lalabag sa karapatang-tao?
IKATLONG KASINUNGALINGAN: IBA ANG BATAS MILITAR NI DUTERTE SA BATAS MILITAR NI MARCOS
Nahihibang ang kampo ni Duterte at AFP para isiping mapaniniwala nila ang mamamayan na magkaiba ang pasismo at terorismong dala ng Batas Militar noon sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mga binaluktot na pahayag ng kanilang mga upisyales at kasapakat sa Kongreso at Senado. Inaakala nilang kayang lunurin ng kanilang mga kinabisadong testimonya ang mapait na karanasan ng mga Maranawon at Mindanawon sa ilalim ng Batas Militar ng rehimeng Duterte.
Ngunit, malinaw sa mamamayan na walang ipinag-iba ang Batas Militar noon at ang Batas Militar ngayon. Sa parehas na pagkakataon, nakararanas ng sukdulang karahasan at panyuyurak sa karapatan ang mamamayan. Habang sinasalaula ng mga upisyales ng gubyerno at kasundaluhan ang katotohanan sa loob ng sesyon, nasa labas ang libu-libong mamamayan at bakwit upang irehistro ang kanilang tunay na kalagayan.
Naaprubahan man at sinuportahan ng mga taksil na mambabatas ang Batas Militar, hindi magmamaliw ang mga protestang bayan upang ipakita sa sambayanan ang tunay na larawan ng Mindanao sa kamay ng anti-mamamayang todo-gera ni Duterte.
SIGAW NG MAMAMAYAN: LABANAN ANG BATAS MILITAR
Nagngangalit ang mamamayan sa sukdulang pagmamaniobra ng ng kasundaluhan at harapang pagtataksil ng mga mambabatas sa kanilang mandatong ipagtanggol at unahin ang kapakanan ng sambayanan sa lahat ng oras. Naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Bikolnon sa pagtatakwil ng Batas Militar na patuloy na wawasak sa ilang libo pang komunidad, sisira sa kabuhayan ng milyun-milyong residente at babawi sa buhay at kinabukasan ng ilang milyong mamamayan. Gagap ng mamamayang Bikolano ang labang ito ay hindi lamang laban ng mga Maranawon at Mindanawon. Kasama ng buong Mindanao ang Kabikulan sa pagtatakwil ng Batas Militar at kontra-mamamayang gera ng rehimeng Duterte-AFP.
Patunay ang pagpopostura ng mga reaksyunaryong mambabatas ngayong araw na walang aasahan ang mamamayang Pilipino sa isang estadong kapakanan lamang ng naghaharing-uri ang isinusulong. Tanging sa pagpapatatag ng demokratikong gubyernong bayang pinapamunuan ng inaapi’t pinagsasamantalahan tunay na matatamasa ang kapayapaang inaasam ng sambayanang Pilipino. Kakambal ng tunay na pagbabago ang pag-aalsa at pag-aarmas ng mamamayan upang durugin ang isang nabubulok na sistema.
ISULONG ANG DIGMANG BAYAN!
LUMAHOK SA DIGMA NG PAGPAPALAYA!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.