Saturday, March 11, 2017

CPP/NPA-Quezon: Kontra-rebolusyunaryo at Mapanghati ang Local Peace Talks na Ikinakampanya ng SOLCOM

New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 10): Kontra-rebolusyunaryo at Mapanghati ang Local Peace Talks na Ikinakampanya ng SOLCOM

Ka Cleo del Mundo, Spokesperson
NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command)

10 March 2017

Walang papatol sa localized peace talks sa alinmang bahagi ng organisasyon ng CPP-NPA-NDFP.

Matibay ang pagkakaisa ng CPP-NPA-NDFP mula sa pambansang sentro nito hanggang sa mga larangan at teatro ng digma. Hindi namin kailangan ng hiwa-hiwalay o lokalisadong negosasyon. Sapat ang konsultasyon na ginagawa ng buong rebolusyunaryong kilusan para matiyak na dala-dala ng mga NDFP consultant at negosyador ang agenda ng mamamayan sa peace talks.

Matatandaang noong panahon ni Cory Aquino ay napatunayang ang layunin ng localized peace talks ay para malantad ang mga local NPA units at mga opisyal nito. Iyan na rin ang magpapaliwanag sa sinabi ni Gen. Eduardo Año — the military may hold “localized peace talks” to give NPA fighters a chance to “go back to the mainstream.” At ngayon nga ay siya ring itinatahol ng mga tuta ni Año sa Southern Luzon Command.

Ang “going back to the mainstream” ay pagpapasuko. Mapanlinlang ito at matagal nang naperpek ng AFP ang ganyang pakana. Katunayan, gatasang-baka nila ang ganyang modus. May malaking pondo na nakapailalim sa programang Comprehensive Local Integration Program (CLIP) na nakabalangkas sa Oplan Bayanihan, na Oplan Kapayapaan na ngayon.

Sa mga napaulat ay P101.67 milyon ang pondo bilang “ayuda” sa 1,573 “dating rebelde” sa nakaraang dalawang taon.

Ayon mismo sa DILG, layunin ng CLIP ang “reintegrasyon” ng mga dating Pulang mandirigma para maabot ang “permanenteng pagtatapos” ng armadong pakikipaglaban ng NPA. Nagkakahugis ito sa “maramihang pagsurender” ng kadalasa’y mga sibilyan sa mga komunidad na pinalalabas na dating kasapi ng BHB.

Sa maraming kaso sa buong bansa, ginagamit ng mga lokal na upisyal militar ang pondo nito bilang palabigasan, lalupa’t madali lamang mag-imbento ng mga pekeng surenderi mula sa malalayong baryo at bayan. Kung mayroon mang totoong sumurender, hindi rin ibinibigay ng buo ang pinansyal na ayuda kundi ibinubulsa ng mga upisyal na nasa kapangyarihang mag- desisyon kung aaprubahan ang bawat kaso.

Dito sa Quezon, may nakarating sa aming balita nitong Enero na may insidenteng inutang at hindi na binayaran ng isang sundalo ang perang natanggap ng diumano ay mag-asawang rebel returnee.

Ayon sa salaysay ng biktima, buwan ng Setyembre noong 2016 ay kinumbinse silang mag-asawa ng isang sundalo sa kanilang baryo na magreport sa kampo ng 85th IBPA sa Villa Principe sa Gumaca at sabihing sila ay mga NPA o kaya ay suporter. Taga-Macalelon sila.

Pagkagaling nila sa kampo, kinabukasan ay pinapunta naman sila sa tanggapan ng Gubernador sa Kapitolyo at pumirma sa papel na hindi nila naiintindihan ang nilalaman. Marami pa silang kasabay na pumirma.

Pinangakuan ang mag-asawang biktima na makakatanggap ng pera at hiningian sila ng P30,000 ng sundalong nagpapunta sa kanila sa kampo. Hindi na nakatanggi ang mga biktima dahil ang sabi ay utang naman ito at kung hindi rin naman daw sa sundalo ay hindi sila magkakapera.

Kung matatandaan, Setyembre 2016 ang deklarasyon ng Kapitolyo-Solcom-PPO na “conflict manageable at ready for further development” na ang probinsya.

Nagkakamali rin ng pagtingin ang Liga ng mga Punongbayan na magiging epektibo ang localized peace talks. Kung talagang nais nilang maging bahagi ng pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay ibigay nila ang nararapat na serbisyong pampubliko sa mamamayan.

Hinahamon ng rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan ang mga lokal na opisyal ng reaksyunaryong gubyerno na suportahan ang pagpapatuloy ng nabimbing usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Para ipakita ito ay maaring maglabas ang mga Sanggunian mula antas lalawigan hanggang barangay ng mga resolusyon na nagpapahayag ng pagsuporta sa pagpapatuloy ng peace talks at ipasa ito sa OPPAP ng Malacañang.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170310-kontra-rebolusyunaryo-at-mapanghati-ang-local-peace-talks-na-ikinakampanya-ng-solcom

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.