Nailagay sa kwestiyon ang kaseryosohan ng Gobyernong Duterte sa Peace Talks at Ceasefire dahil sa pagpapabaya nito sa 400 bilanggong pulitikal na hindi pa ipinapalaya, taliwas sa naunang pangako nito sa pagbukas ng usapang pangkapayapaan. Umabot pa sa pagkamatay ni Kasamang Bernabe Ocasla sa loob ng piitan, ang kauna-unahang bilanggong pulitikal na namatay sa ilalim ng Gobyernong Duterte.

Namatay si Kasamang Ocasla dahil sa ikatlong atake sa puso na humantong sa kanyang comatose. Si Kasamang Bernabe Ocasla ay 9 na taong nagdusa sa piitan.

Ayon kay Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog, “Ganito rin ang ikinamatay ni kasamang Eduardo “ka Eddik” Serrano na inatake sa puso habang nakakulong  sa Bicutan.”

Matatandaang sing-aga pa nang pagsisismula ng usapang pangkapayapaan, hiningi ng NDFP sa GPH na palayain ang lahat ng political detainees na may mga sakit o dinaramdam, mga may edad  at mga kababaihang ina na matagal nang nakalulong sa ibat ibang piitan sa buong bansa.

“Subalit pawang pangako ng lamang ang tugon ng gubyernong Duterte sa kahilingang mapalaya ang lahat ng mga bilanggong pulitikal,” ani Ka Diego.

Dagdag ni Ka Diego, nagkakailan pa ang listahan ng mga bilanggong pulitikal na may taglay na sakit at karamdaman ang patuloy paring  nagdurusa sa mga kulungan. Nangangailangan silang mapalaya sa pagkapiit sa pinakamaagang panahon.

Nananatiling 19 na consultant ng NDFP pa lamang ang pinalaya at ang karamihan sa mga bilanggong pulitikal ay nanatiling nakakulong at nagdurusa sa mga gawa-gawang mga kaso ng mga nakaraang reaksyunaryong rehimen.

“Na kay GRP President Rodrigo Duterte ang bigat ng responsibilidad sa ikatatagumpay ng usapang pangkapayapaan at pagpapatuloy ng tigil-putukan,” paliwanag ni Ka Diego. “Hangga’t ganito ang pakikitungo ni Duterte sa mga kahilingan ng NDFP, nanganganib ang pagpapatuloy ng peacetalks at ceasefire.

https://www.cpp.ph/peace-talks-nanganganib-sa-kapabayaan-ng-gobyernong-duterte/