Friday, November 20, 2015

CPP/NDF/NPA: Ayala Land at Selecta Farms, magkasabay na nireyd ng NPA-Rizal labing-apat (14): na armas, nakumpiska

NDF/NPA propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 20): Ayala Land at Selecta Farms, magkasabay na nireyd ng NPA-Rizal labing-apat (14): na armas, nakumpiska
Logo.ndfp
NDFP National Democratic Front of the Philippines
 
Macario “Ka. Karyo” Liwanag
Tagapagsalita
NAAC-NPA-RIZAL
Nobyembre 20, 2015

Magkasabay na nireyd ng NPA-Rizal ang Ayala Land at Selecta Farm sa Barangay Macabud, Rodriguez. Rizal kahapon, Nobyembre 19, 2015. ng ganap na ika-5:05 ng hapon hanggang ika-7:05 ng gabi. Dalawang oras na hinalughog ng isang platun ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) ang opisina at detatsment ng mga armadong goons ng 2 kumpanya. Ang nasabing mga kumpanya ay kagyat na kadikit ng Syudad ng Caloocan City at Quezon City. Sa reyd na ito ay nakumpiska ng NPA-Rizal ang labing-apat (14) armas (siyam (9) na riple at 5 pistola), mga bala at iba pang kagamitang militar tulad ng Icom radio, bulletproof vest, combat shoes at military pack.

Ang nasabing kumpanya ay sangkot sa malawak na pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at pwersahang pinapalayas, tinatakot ang mga magsasaka sa lugar upang mapaalis sa lupang kinakamkam ng nasabing mga kumpanya. Sa pamamagitan ng pandarahas at panlilinlang ay nakamkam ng Selecta Farm ang 45 ektaryang lupain habang ang Ayala Land ay nakamkam ang 76 ektaryang lupain. Nagpapatuloy ito sa pagpapalawak ng lupain sa kapariwaraan ng mga magsasaka at mamamayan sa nasabing lugar gamit ang mga bayaran at armadong goons.

Ang mahigit na 131 ektaryang lupain ay nakontrol ng 2 kumpanya at nagawan ng iba-ibang maniobra upang hindi masaklaw ng programa sa reporma sa lupa. Sa kabila ng kahilingan ng mga magsasaka na ipamahagi sa kanila ang lupa sa ilalim ng programa para sa reporma sa lupa ay nagbingi-bingihan ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agrarian Reporms (DAR) at maging ang lokal na sa bayan ng Rodriguez at sa lalawigan ng Rizal. Mas masahol pa ang ginawang maniobra ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez, Rizal ng ideklara nito na ang agrikultural na lupain ng buong Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal ay klasipikado para sa industriyal at komersyal na gamit, gayong ang barangay na ito ay nanatiling napaka-atrasado at napaka-agrikultural na lupain. Nanatili itong walang kuryente, walang malinaw na sistema ng pamamahagi ng tubig sa mamamayan at bako-bako ang mga kalsada sa kabila ng kalapitan nito sa Metro Manila. Ang pagbabago ng klasipikasyon ng lupa ay para bigyang katwiran ang pag-iwas ng mga malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador sa reporma sa lupa at paatilihin ang pangangamkam at control sa malalawak na lupain ng nasabing barangay kapalit ng salaping ibinibigay sa kanila.

Ang Selecta Farms (na ngayon ay Arce Dairy Products) ay pag-aari ng pamilya ni Don Mauro Arce, kasosyo ng pamilya ni Jose Concepcion sa mga negosyo nito. Ang Selecta farmas ang pangunahing pinagkukuhanan ng gatas ng kalabaw na isinusuplay sa mga empresa ng Selecta na gumagamit ng gatas ng kalabaw sa kanilang produktong pagkain. Ang Ayala Land ay pagmamay-ari ng pamilyang Ayala na kilala bilang isang multi-bilyunaryong ankan at malaking burgesya kumprador na patuloy na nangangamkam ng lupa para sa pagpapalawak ng kanilang negosyo.

Dahil walang maasahan ang mamamayan ng Barangay Macabud at mamamayan ng Montalban, Rizal sa mga ahensya ng pamahalaan ay inilapit nila sa demokratikong gobyernong bayan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP ang kanilang kahilingan na mabigyang katarungan ang kanilang kaapihan sa kamay ng pamilyang Ayala at Arce. Sa ganito ay naobligang kumilos ang Bagong Hukbong Bayan upang tugunan ang kahilingan ng mamamayan.

Ang reyd na ito ay pagbibigay katarungan sa kaapihan ng mamamayan pinagsasamantalahan ng pamilya Ayala at Arce. Ang Bagong Hukbong Bayan bilang tunay na hukbo ng bayan ay patuloy na gagampanan ang kanyang dakilang misyon na ipagtanggol ang mamamayang Pilipino sa pananalakay at pang-aapi ng mga malalaking pangnoong maylupa, burgesya kumprador at mga dayuhang mandarambong. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, makakaasa ang mamamayan na ang Bagong Hukbong Bayan ay patuloy na paglilingkuran ang sambayanan at kakapit-bisig na buong bayan ay bibigyang katarungan ang mga kaapihan ng mamamayan hanggang sa ganap na paglaya sa pagsasamatala ng iilan.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!

 MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!

 MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20151120_ayala-land-at-selecta-farms-magkasabay-na-nireyd-ng-npa-rizal-labing-apat-14-na-armas-nakumpiska

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.