Friday, November 20, 2015

CPP/NDF/KM: Ibayong labanan ang imperyalistang pakana sa APEC

NDF/KM ropaganda statement posted to the CPP Website (Nov 18): Ibayong labanan ang imperyalistang pakana sa APEC


Logo.ndfp
NDFP National Democratic Front of the Philippines
 
Pahayag ng Kabataang Makabayan
Nobyembre 18, 2015

Ma. Laya Guerrero, Tagapagsalita ng Kabataang Makabayan

Mainit na pagbati at pagpupugay ang ipinapaabot ng Kabataang Makabayan (KM) sa mga kabataan at mga mamamayang kabilang sa mga organisasyong masa mula sa mga sektor ng maggagawa, magsasaka, mga maralita ng lungsod, kababaihan, Lumad at mga katutubo mula sa iba’t ibang panig ng bansa, mga propesyonal, at mga progresibong organisasyon mula sa mga kalapit-rehiyon na naglunsad ng Lakbayan laban sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC)!

Sa gitna ng mga pagbabawal at panunupil ng estado, dumadagundong ang mga protesta ng mamamayang Pilipino upang ipahayag ang pagtutol sa APEC at sa mga patakarang neoliberal na tiyak pang patitindihin sa pagpupulong na pinangungunahan ng papet ng imperyalistang US na rehimeng Aquino. Sa iba’t ibang protesta sa mga sentrong bayan sa buong bansa umaalingawngaw ang islogang “JUNK APEC!”, “PH Not for Sale!”, “Imperyalismo IBAGSAK!” at iba pa, at mga makukulay na plakard at pagpapahayag ng paglaban ng mamamayan sa neoliberal na patakarang itinutulak ng APEC.

Ang pulong sa ngayon ng Asia Pacific Economic Cooperation Economic Leaders Meeting (APEC ELM) mula Nobyembre 18-19, 2015 ay dinaluhan ng puno-ng estado ng 21 bansang kaanib sa APEC kabilang na ng punong-lider ng mga imperyalistang bansang US, China, Japan, Russia at Canada. Sinalubong ng malakas na protesta ng mamamayan ang pulong ng APEC sa gitna ng panunupil at pagdeklara na NO-RALLY Zone ang mga kalye at mga “freedom park” malapit sa pinaglulunsaran ng APEC ELM.

Kinukondena ng KM ang labis-labis na paggastos ng rehimeng US-Aquino na umabot sa mahigit siyam na bilyong piso bilang punong-abala sa APEC ELM . Samantala, pwersahang tinanggal at itinago ang mga mahihirap nating kababayang naninirahan at maliliit na manininda sa mga kalye ng Manila. Idineklara ring NO-FLY ZONE ang mga paliparan sa Manila at walang-pasok ang mga eskuwelahan, opisina at pagawaan sa mga araw ng APEC ELM upang itago sa mga “espesyal” na bisita ng rehimeng US-Aquino ang delubyo mula sa airport, magmula sa scam ng tanim-bala hanggang sa maalamat na trapiko sa Metro Manila; ang araw-araw na di-ligtas-at- magulong sistema sa luma ngunit napakamahal na MRT at LRT, at kalunos-lunos na kalagayan ng pampublikong transportasyon.

Kasabay ng Lock-Down Policy sa kalakhang Manila ay ang pakitang-gilas ng rehimeng US-Aquino sa mga kapitalista at mga punong lider ng mga imperyalistang bansa upang itago ang mga ‘bahid’ ng labis-labis na kahirapan ng mamamayang Pilipino at mga protestang bayan na sumasalungat sa mga pagbibida ni Aquino ng diumanong mirakulong pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas na dulot ng neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon tulad ng ibinabandila ng APEC.

Nararapat lamang na kondenahin ang APEC bilang instrumento ng mga imperyalistang bansa sa panguna ng US sa pagtutulak ng patakaran ng imperyalistang globalisasyon, sa pamamagitan ng pagtutulak at pagpapasunod sa mga bansang neokolonyal tulad ng Pilipinas na ipatupad ang mga neoliberal na polisiya ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon.

Sa liberalisasyon inaalis ang mga sagka sa mabilis na paglabas-masok ng mga produkto, serbisyo at kapital tulad ng taripa na lalong nagpabagsak halimbawa, ng lokal na agrikultura ng bansa at naglalagay sa panganib ng lokal na kawalang-kasiguruhan sa pagkain. Dahil sa mga patakarang pribatisasayon at deregulasyon, pinalala ang kalagayan ng mamamayang Pilipino na pinagkakaitan ng gobyernong Aquino ng sapat na subsidyo para sa libreng pampublikong mga serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay at transportasyon, samantalang tumutubo ng bilyon-bilyon ang mga kapitalistang nakakopo ng mga dambuhalang proyektong pinupondohan ng gobyerno sa ilalim ng Public Private Partnership.

Nasa ubod ng mga patakarang neoliberal na atakihin ang sahod ng mga manggagawa at lalo pa itong pababain upang higit na gumanansya ang malalaking burgesyang komprador at mga dayuhang kapitalista, lalo na sa gitna ng krisis na nararanasan ngayon ng pandaigdigang sistemang kapatalista. Lalong binabansot ng mga patakarang neoliberal ang dati nang ngang atrasadong industriya at agrikultura ng bansa sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na sistema.

Pinalala ng neoliberalismo ang mga batayang suliranin ng monopolyo sa lupa at pangangamkam ng lupa sa nakakaraming magsasaka at katutubo. Itinatali nito ang ekonomiya sa murang eksport ng mga produktong may mababang-dagdag-halaga na labis na nakasalig sa mahal na import at lalong nagpapalala sa kawalan ng hanapbuhay sa bansa, pag-asa ng gobyerno para sa labor-export-policy at agresibong pagtulak pa ng rehimeng US-Aquino na paramihin ang Pilipinong napipilitang magtrabaho sa ibang bansa dahil sa kawalan ng trabaho.

Tulad ng mga nagdaang ng mga multi-lateral na kasunduan na itinutulak ng IMF-WB, WTO, ang APEC ay instrumento upang padulasin ang mga patakaran upang higit na gumanansya ang malalaking imperyalistang bansa at pagsamantalahan ang mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpiga sa murang-lakas paggawa ng mamamayan at hilaw na materyales sa produksyon.

Palamuti lamang sa mga negosyon ng APEC ang diumano pagtalakay sa climate change at proteksyon sa natural na kapaligiran. Bilang sagad-sagaring neoliberal na papet ng US, ibinubuyangyang ng rehimeng US-Aquino ang likas na yaman ng bansa at mga lupain ng mga magsasaka at katutubo, na nagdudulot ng malawakang pangangamkam ng lupa at militarisasyon sa mga komunidad ng magsasaka, Lumad at iba pang katutubo upang bigyaan daan ng gobyerno ang mapaminsala at mapandambong na mga proyektong pagmimina ng malalaking kumpanyang dayuhan, mga transnasyunal na agro-korporasyon at diumano mga proyektong pang-kaunlaran.

Ibinabandila din na agenda sa pulong ng APEC ang diumano mga oportunidad para sa pag-unlad ng ekonomya sa lubos na pagkawing ng mga maliliit at katamtamang-laking mga negosyo sa pandaigdigang “malayang kalakalan”. Ngunit sa likod nito ay naghahabi ng mas marami pang patakaran ang APEC at iba pang multilateral na ahensya upang higit na isanib ang maliliit at katamtamang-laking negosyo upang pigaan ng mas murang lakas-paggawa, murang hilaw at bahagyang-naprosesong produkto mula sa Pilipinas at maliliit na bansa para sa paggamit at higit na kumita ang malalaking kumpanyang transnasyunal at mga imperyalistang bansa sa ilalim ng global value chain. Ang resulta nito ay mas lalong pagpapababa ng sahod ng mga manggagawa, pagpapasahol ng kontraktwalisasyon at kalagayan sa hanapbuhay, at pagkabansot pa lalo ng industriya ng Pilipinas na itatali sa kapakinabangan ng pandaigdigang pamilihan at hindi sa pag-asenso ng ating lokal na ekonomya.

Pinalala ng rehimeng US-Aquino ang atake sa karapatan sa edukasyon ng kabataang Pilipino tulad patuloy na pagtaas ng matrikula at mga bayarin sa eskuwela, papaliit na subsidyo ng estado sa edukasyon, pribatisasyon ng mga serbisyong pangmag-aaral sa mga pampublikong paaralan, at pagsahol ng kalagayan ng mga guro at manggagawa sa akademya. Pinakamamalalang ipinatupad din ang neoliberal na padron sa edukasyon sa pagpatupad ng rehimeng US-Aquino sa programang K to 12. Dapat patuloy na ipanawagan ang paghinto sa maka-dayuhang K to 12 na nagsisilbi sa idinidiktang kurikulum ng pandaigdigang pamilihan at hindi para sa tunay na pag-unlad at pangangailangan ng pag-unlad ng Pilipinas. Dapat patuloy na ipaglaban ang pagbabasura sa neoliberal na programang K to 12 na naglalayong ihulma ang edukasyon sa paglikha ng mga kabataang Pilipino na magsisilbing murang lakas-paggawa para sa paghuhuthot ng tubo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal.

Tiyak na ginagamit din sa ngayon ang pulong ng APEC sa pangunguna ng punong-lider ng imperyalistang US na si Barack Obama upang isulong sa mga pormal at impormal na talakayan ang kampanya para suportahan ang maka-imperyalistang Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA) na kumakailan ay sinang-ayunan na ng kongreso ng US. Ang labindalawang bansang kasama sa TPPA sa pangunguna ng US, kasama ang mga abanteng kapitalistang bansa tulad Japan, Canada, Australia, New Zealand at mas maliit na bansa tulad ng Chile, Malaysia, Mexico, Peru, Brunei at Vietnam ay magpupulong din sa APEC sa Manila at mag-enganyo ng hindi pa kasaling mga bansa tulad ng Pilipinas sa TPPA. Walang patid pa ding itinutulak ng US at mga imperyalistang bansa ang rekisito ng pagpapalit ng Konstitusyon ng Pilipinas upang makasali sa TPPA at alisin ang natitirang sagka sa sandaaang porsyentong pagmamay-ari ng dayuhan ng lupa, negosyo at kapital sa Pilipinas na kasalukuyan pang hindi ipinahihintulot ng Konstitusyon ng bansa. Ang TPPA ay kasunduan na naglalaman ng ilan sa mga pinakamasasahol na neoliberal na patakaran katulad ng investor-state-arbitration-mechanism o pagpapahintulot sa mga kumpanyang kasuhan ang gobyerno ng mga atrasadong bansa sa pagpapatupad ng mga bansang ito ng mga batas na nagsasagka sa malayang pagnenegosyo at pagkamal ng mas malaking tubo ng mga malalaking kapitalista at multinasyunal na korporasyon. Kasama din sa TPPA ang pagbibigay-laya sa mga ispekulador at mga oligarkiya sa pinansya sa pagpapatupad ng patakaran ng todong liberalisasyon sa pinansya ng mga bansa.

Sa taklob ng paglaban diumano sa terorismo, ang teroristang atake sa Paris at usapin sa seguridad ay tiyak na gagamitin ng US sa okasyong ito, upang pagtibayin pa ang US Pivot to Asia at mas makakuha ang imperyalistang US ng dominanteng posisyon sa girian sa West Philippine Sea ng Pilipinas at Tsina, maitulak ang pagbabaseng muli at ganap na pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at papatinding interbensyong-militar ng US sa Pilipinas upang tiyakin ang pang-ekonomiyang interes ng US sa bansa at buong rehiyong Asya Pasipiko.

Sa gitna ng lahat ng ito, hindi tumitigil ang mamamayang lumalaban para sa tunay na alternatibong maka-mamamayang ekonomya, nagsisilbi sa pangangailangan ng bansa at tunay na umaasa sa sariling sistemang pang-ekonomya. Isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan ang tunay na repormang agraryong at pambansang industriyalisasyon at para sa pagtatamasa ng mamamayan ng mga serbisyong panlipunan, demokratikong karapatan at pambansang kasarinlan.

Kaya habang itinutulak ng mga imperyalista at mga kasapakat na lokal na mga naghaharing-uri ang mga patakarang lalong nagpapahirap sa nakararaming masa, tumitibay ang aral ng kasaysayan na ang tanging lakas ay nasa sama-samang pagkilos ng mamamayan upang ilantad at labanan ang mga neoliberal na patakaran ng mga imperyalista at mga papet nitong rehimen sa bansa. Itinuturo ng kasaysayan na ang tanging daan para sa ganap na pambansang paglaya at pag-unlad ay sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, at na hindi ito kailanman magaganap sa kasalukuyan at susunod na mga rehimeng pinaghaharian ng mga mapagsamantalang uri sa dikta ng imperyalismong US. Ibagsak ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Aquino!

Ibagsak ang bulok na sistema ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!

 Mabuhay ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino! Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

 Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa mas mataas na antas hanggang tagumpay!

 Kabatang Makabayan, maglingkod sa bayan! Sumapi sa New People’s Army!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20151118_ibayong-labanan-ang-imperyalistang-pakana-sa-apec

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.