Saturday, July 11, 2015

CPP/NDF-KM: Pinakamataas na Pagpupugay kay Ka Parago, Dakilang Anak ng Bayan at Rebolusyonaryong Kumander

NDF-KM propaganda statement posted to the CPP Website (Jul 4): Pinakamataas na Pagpupugay kay Ka Parago, Dakilang Anak ng Bayan at Rebolusyonaryong Kumander

Logo.ndfp
NDFP National Democratic Front of the Philippines
 
Hulyo 4, 2015
Parangal ng Kabataang Makabayan kay Ka Leoncio Pitao
Ma. Laya Guerrero, Tagapagsalita Kabataang Makabayan

Isang maalab na pakikiisa sa pamilya ni Ka Leoncio Pitao at Ka Vanessa Limpag, mga kaibigan at kasama ang ipinapaabot ng Kabataang Makabayan (KM) sa kanilang pagdadalamhati sa pagkamatay ng ating magiting na mga kasama.

Kasabay ng pagpupugay ng mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa, mga rebolusyonaryong pwersa, mga magsasaka, Lumad at mamamayan ng Timog Mindanao, kasama ang kasapian ng Kabataang Makabayan sa paghanay at pagsaludo kay Kumander Parago at Ka Kyle, ang kanyang medik na kasamang namartir sa reyd ng pasistang militar noong Hunyo 28, 2015 sa Distrito Paquibato, Davao City.

Ang buhay at kamatayan ni Ka Parago ay puno ng matapang na paninindigan para sa rebolusyon, masikhay at walang pag-aalinlangang pakikibaka at pakikipaglaban para sa masang magsasaka at mamamayang api sa Mindanao at buong bansa.

Sa kanyang kabataan, dinanas niya ang kahirapan ng kanyang magsasakang pamilya sa Agusan at ng pagmalupitan ng militar ang kanyang ama, sa edad na 22 taon ay nagpasya siyang sumapi sa BHB. Tulad ng kabataan ni Ka Parago, ang sistemang malapuyudal at malakolonyal ay patuloy na nagtutulak sa maraming mahirap na kabataan at mamamayan upang lumaban para sa tunay na pagtatamasa ng karapatan, ng kalayaan at demokrasya.

Si Ka Parago, “Tatay”, Ka Ago at Kumander Parago ay salamin ng pagkakilanlan sa kanya ng masang magsasaka, mga Lumad bilang kanilang mahigpit na kasama sa paglaban sa mga mapang-aping mga dayuhan at dambuhalang kumpanyang mangamkam-ng-lupa at pamiminsala sa kanilang kabuhayan at kapaligiran.

Si Kasamang Parago ay naalala bilang isa sa rebolusyonaryong marubdob na nagpatupad sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ng Partido sa hanay ng hukbo sa Timog Mindanao. Sa mga kasama, mga pulang mandirigma ng BHB siya ay Kumander na buong-sikap na nag-giya sa pakikidigmang gerilya at pag-unlad ng mga yunit gerilya sa Timog Mindanao, maringal na Komandante ng First Pulang Bagani Company at Pulang Bagani Battalion na namuno sa maraming matatagumpay na taktikal na opensibang nagbigay dagok sa pasistang AFP mula dekada ’80, ’90 kabilang na ang ilang maningning na taktikal na opensiba sa Davao Penal Colony ng 2007 at pagkadakip kay Gen. Obillo at Capt. Montealto ng 1999 at makataong pagturing sa kanila bilang mga bihag-ng-digma.

Sumusulong ang armadong rebolusyon sa Timog Mindanao kahit pa sa pinakamatinding militarisasyon ng rehimeng US-Aquino sa ilalim ng Oplan Bayanihan at walang-katulad na karahasang nararanasan ng masang magsasaka sa kamay ng mga pasistang militar. Gumamit ang AFP ng mabaho, duwag at traydor na pakana ng pagsamantala, pagpatay anak ni Ka Parago at pananakot sa kanyang pamilya upang siya ay panghinain. Ngayon, nanaginip ang pasistang AFP at estadong bulok sa pag-aakalang sa walang-habas na pagpaslang ka Ka Parago ay mapapahina ang pwersa ng rebolusyon sa Timog Mindanao. Ngayon pa lamang, ang mga nagsabuhay ng dakilang halimbawa ni Kasamang Parago sa hanay ng ating hukbo ay patuloy na bumubigwas ng matutunog na paglaban at taktikal na opensiba laban sa pasistang AFP. Ang mga rebolusyonaryong base, mga organisasyong masa ng magsasaka at Lumad ay buong tatag na sumasalag sa mga atake ng militarisasyon sa Timog Mindanao.

Humahango ang maraming kabataang rebolusyonaryo kay Kasamang Parago ng hindi-masasaid na inspirasyon, aral at determinasyon para yakapin at lagpasan ang lahat ng kahirapan alang-alang sa pagsisilbi sa masa at demokratikong rebolusyong bayan. Ka Parago, ikaw ay aming ehemplo ng rebolusyonaryong katatagang singtigas ng bakal, ng diwang mapanlabang singlago ng kagubatan.

Ang kabundukan ay parating mapula at nag-aanyaya pailaya, sa daan-daan, libu-libo pang tulad ni Ka Parago at Ka Kyle na sa kanilang kabataan ay matapang na sumalungat sa agos ng pagkatakot at pagkakimi. Ang pagiging mulat sa at pagdanas ng malupit na pagsasamantalang kinakaharap ng nakakaraming mamamayan ang nagtutulak sa mas marami pang kabataan at masang api na tahakin ang parehong landas ng rebolusyonaryong paglaban.

Mabuhay ang rebolusyonaryong diwa ni Ka Kyle at Ka Leoncio Pitao!
Mabuhay ang lumalabang mamamayan ng Mindanao!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Kabataang Pilipino, maglingkod sa bayang api, sumapi sa NPA!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20150704_pinakamataas-na-pagpupugay-kay-ka-parago-dakilang-anak-ng-bayan-at-rebolusyonaryong-kumander

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.