Saturday, July 19, 2014

CPP/NDF: Ibasura ang hungkag na CARP/ER at isulong ang rebolusyong agraryo

NDF propaganda statement posted to the CPP Website (Jul 19): Ibasura ang hungkag na CARP/ER at isulong ang rebolusyong agraryo

Logo.ndfp
Patnubay De Guia
Spokesperson
NDFP Southern Tagalog Chapter
 
Walang ginawang mabuti ang CARP at CARPER sa buhay ng magbubukid. Pinanatili at pinalala lamang nito ang kawalan ng lupa sa hanay ng masang magsasaka. Sa Timog Katagalugan, tinatayang mayroong 1,391,000 magsasaka at 973,700 dito ang walang sariling lupa. Ibig sabihin nito, nananatiling pito sa bawat sampung magsasaka ang walang sariling lupang binubungkal. Laganap ang mga kaso ng pangangamkam ng lupa sa rehiyon. Ginagamit ng mga panginoong maylupa ang butas sa mga probisyon sa CARP/ER upang linlangin ang masang magsasaka at kamkamin ang mga produktibong lupain. Sa rehiyon, tinatayang may 394, 884 ektaryang lupain ang nasasangkot sa iba’t ibang kaso ng pangangamkam ng lupa sa siyam (9) na lalawigan. Sumasaklaw ito sa 76 na bayan at 168 na barangay.

Pagmamay-ari ng 67 panginoong maylupa at 49 real estate at development corporation na karamiha’y pag-aari din ng malalaking panginoong maylupa at burgesya-kumprador.

Malawakan ang kanselasyon ng Certificate of Land Transfer (CLT) at Certificate of Land Ownership and Acquisition (CLOA). Mistulang iniaabot ng reaksyunaryong gubyerno ang mga CLOA at CLT sa kanang kamay para pagkatapos bawiin naman ng kaliwang kamay. Noong Mayo 2004 kinansela ang mahigit sa 2,000 CLOA/EP na umaabot sa 380,000 ektaryang lupang sakahan. Kalakhan ng mga sertipikong kinansela ay matatagpuan sa Timog Katagalugan na sumasaklaw sa 20,000 ektaryang lupain. Mismong Department of Agrarian Reform (DAR) ay walang maibigay na malinaw at kongkretong dahilan sa malawakang kanselasyon ng mga CLOA. Isang malaki at sistematikong panlilinlang ang isinasagawa ng reaksyunaryong gubyerno gamit ang CARP/ER upang mapaalis sa lupang sinasaka ang masang magsasaka at puspusang isulong ang liberalisasyon sa agrikultura.
Laganap din ang pagpapalit-gamit ng mga produktibong lupang agrikultural tungong industriyal at komersyal. Mula sa inisyal na tala ay tinatayang 172,967 ektaryang lupang agrikultural at publiko ang nakumbert na at balak ikumbert bilang residensyal, industriyal, komersyal at pang-turismo.

Nangunguna sa mga kaso ng pangangamkam ng lupa at lugar pangisdaan ang mga kilalang mayayamang pamilya kabilang sina Ayala-Zobel, Don Pedro Roxas, mga Yulo, Locsin, Enrile at Puyat na sila ring may kontrol sa mga estratehikong industriya sa bansa tulad ng pinansya, enerhiya, tubig at minahan.

Integral sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura ang tunay na repormang agraryo. Ito ang hindi kailanman maibibigay ng huwad na CARP/ER, isang programang naglilingkod sa interes ng panginoong maylupa, malalaking debeloper at negosyante. Hindi nagawang tapusin ng CARP/ER ang multo ng monopolyo sa lupa sa kanayunan sapagkat wala ito sa mismong katangian ng huwad na programa. Bagkus, nakabalangkas ang CARP/ER upang panatilihin at patatagin ang pyudal at malapyudal na relasyon sa agrikultura.

Hubad na hubad ang pagiging anti-mamamayan at makapanginoong maylupa ng rehimeng BS Aquino sa pagpapatupad ng huwad na CARP/ER na mas lalo lamang nagbaon sa mga magbubukid sa kahirapan at kawalan ng lupa. Sapat na batayan ang kawalan ng lupa ng mayorya ng mamamayan upang patalsikin ang haciendero, reaksyunaryong at inutil na rehimeng BS Aquino. Ang uring magbubukid na nagpapakain at bumubuhay sa sambayanan ay mismong nagugutom, dinadahas at binubusabos ang dignidad sa ilang siglong kawalan ng sariling lupang binubungkal.

Sinusuportahan at itinataguyod ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) ang dantaong kahilingan ng masang magsasaka para sa lupa. Sa saklaw ng mga larangang gerilya ng NPA, masiglang isinusulong ng organisadong hanay ng masang magsasaka ang minimum na layunin ng rebolusyong agraryo at sinisimulan na ang selektibong kumpiskasyon ng lupaing panginoong maylupa sa mga lokalidad na may sapat nang lakas ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka at New People’s Army. Sa mga lugar na ito, mariing itinatakwil at tinututulan ng masang magsasaka ang inilalakong CARPER ng mga ispesyal na ahente ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng Akbayan.

Sa maraming bahagi ng TK, libu-libong pamilyang magbubukid ang nagtatamasa ng biyaya ng rebolusyong agraryo mula sa minimum na programa na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng presyo ng produkto at pagpawi sa usura, hanggang sa maksimum na programa na libreng pamamahagi ng lupa sa magsasakang walang sariling lupang sinasaka. Mahigpit na niyayakap ng masang magsasaka ang bunga ng rebolusyong agraryo bilang matamis na simbolo ng tagumpay ng kanilang pakikibaka. Susi ang pag-igting ng armadong pakikibaka at paglakas hukbong bayan sa epektibong pagpapatupad ng rebolusyong agraryo na tunay na nagdadala ng demokratikong interes ng masang magsasaka. Ang demokratikong rebolusyong bayan lamang ang may tunay at busilak na programang naghahangad ng hustisyang panlipunan para sa masang magsasaka at naglalayong tapusin ang lahat ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140719_ibasura-ang-hungkag-na-carp-er-at-isulong-ang-rebolusyong-agraryo

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.