Thursday, July 11, 2024

CPP/NPA-Central Luzon ROC: Pinakamataas na Pulang Pagpupugay Kay Noel "Ka Angel/Ka Mysan" Bedonia, Jr.! Kabataang Artista, Pulang Mandirigma, Bayani ng Sambayanan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 6, 2024): Pinakamataas na Pulang Pagpupugay Kay Noel "Ka Angel/Ka Mysan" Bedonia, Jr.! Kabataang Artista, Pulang Mandirigma, Bayani ng Sambayanan! (Highest Red Tribute To Noel "Ka Angel/Ka Mysan" Bedonia, Jr.! Young Artist, Red Warrior, People's Hero!)
 

Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command)
New People's Army

July 06, 2024

Pinakamataas na pagdakila ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Josepino Corpuz Command BHB-GL kay Noel “Ka Angel/Ka Mysan” Bedonia, Jr.! Kabataang Artista, Pulang Mandirigma, Bayani ng Sambayanan!



Si Ka Mysan, 18 anyos, ang pinakabata sa sampung magigiting na pulang mandirigma na brutal na pinaslang ng 84th IB sa depensibang labanan sa Barangay Malbang, Pantabangan, NE noong Hunyo 26, 2024. Wala na siyang kakayanang lumaban nang makuha at paglaruan pa ng mga berdugong militar. Subalit sa kabila nito, hindi siya sumuko. Mas pinili niyang mamatay nang may ipinaglalaban kaysa mabuhay na sunod-sunuran sa berdugong militar.

Mabibilang noon si Ka Mysan sa tipikal na mga kabataan na kinaaadikan ang computer games lalo na ang Mobile Legends. Kabilang siya sa maraming kabataan na pilit binubulag ng kolonyal at bulok na kultura upang ilayo sa landas ng rebolusyon. Subalit, ang realidad mismo ng kahirapan at tindi ng krisis ang unti-unting magmumulat sa kanya at maghahatid sa landas ng armadong pakikibaka.

Matagal na kumikilos bilang mass leader ng mga tsuper ang kanyang ama na si Noel “Ka Tagumpay” Bedonia, Sr., kasama niyang namartir sa Pantabangan. Ang sapilitang pagpapatupad ng Jeepney Modernization Act ay lalong magsasadlak sa kanila ng ibayong kahirapan, salik para tuluyan nang tumigil sa pag-aaral si Ka Mysan. Sa kabilang banda, ang mga kontra-mamamayang patakaran ding ito ang magtutulak sa kanyang ama na buong-panahong kumilos sa larangang gerilya sa Gitnang Luzon. Nawalan man ng pagkakataon na makatapos sa burges na paaralan si Ka Mysan, naging daan naman ito para mapag-aralan niya ang lipunan at rebolusyong Pilipino. Isinama siya ng kanyang ama sa kanayunan at doo’y unti-unti niyang naranasan ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa kapatagan ng Gitnang Luzon. Higit na lalalim ang kanyang pag-unawa sa rebolusyon nang pumasok silang mag-ama sa isang yunit ng BHB sa Silangang Gitnang Luzon. Hanggang kalaunan, gaya ng kanyang ama ay magpapasya na rin siyang maging pultaym na mandirigma.

Isa sa pinakamalaking ambag niya ay ang kanyang mga debuho at likhang-sining sa Pulang Silangan, rebolusyonaryong pahayagan ng mamamayan sa Silangang Gitnang Luzon. Sa loob ng hukbo, higit niyang napaunlad ang husay sa pagdodrowing sa pamamagitan ng paglahok sa mga workshop at impormal na pagbabahaginan ng mga kasama ng kasanayan. Kung dati, mga karakter sa animé ang hilig niyang iguhit, mas naging makabuluhan ang kanyang talento nang maisalarawan niya ang buhay at pakikibaka ng mga masang magsasaka sa kanayunan.

Magiliw at masayahin na kasama si Ka Mysan. Ilang araw pa lang siya sa yunit noon pero parang ilang taon na namin siyang kasama. May pagka-mahiyain kung minsan, pero diretso at walang pinipiling salita kapag namuna. Katangian na nakatulong sa maraming kasama na ituwid ang mga maling kondukta at maging mabuting halimbawa. Pilyo, pala ngiti at mapagbiro. Madalas din siyang mapaalalahanan sa pyudal na pakikitungo sa mga kasama. Sa loob ng hukbo, unti-unti niyang naiwawaksi ang tendensya ng uring-pinagmulan at magagaspang na ugaling kinalakhan sa kalunsuran gaya ng pabalagbag na pananalita at pagmumura. Dito niya napagtanto kung gaano kabulok ang kulturang namamayani sa labas ng hukbo. Sa pamamagitan ng masiglang punahan, higit niyang napagtibay ang pagtangan sa tres-otso na disiplina ng BHB. Dito rin nila higit na napagtibay ang mapagkasama nilang ugnayan mag-ama. Hindi sila nagkukunsintihan sa mga maling kondukta at pananaw kundi walang alinlangan niyang pinupuna ang kanyang ama kung nakakagawa ito ng kahinaan.

Pinakabata at isa sa pinakamatitikas na mandirigma ng BHB-SGL. Mabigat man ang isyu niyang baril na ultimax, nagagawa pa rin niyang mag-pulpak ng mga suplay. Lagi siyang huling nauubusan ng suplay dahil pinapauna niyang gumaan ang pak ng mga kasamang tingin niya relatibong hirap kumpara sa kanya. Organisado at masinop sa kanyang mga gamit, kung minsan ay daig pa ang kababaihan sa plantsadong pagkakatupi ng kanyang mga damit. Likas din na mapamaraan si Ka Mysan. Kaya mabilis lang din siyang nakaangkop sa mahirap at praktikal na buhay ng hukbo. Madalas din siyang magboluntir sa mga misyong hakot suplay at pangkombat. Sa serye ng ilang depensibang labanan, nagpakita siya ng tining sa pakikipaglaban at mahusay na pagtupad sa mga atas. Listo mag-isip at kumilos. Sa kabila ng kabaguhan, hindi siya naging alalahanin ng mga kasama sa mga gipit at presyuradong sitwasyon. Kabilang siya sa istap ng kabuhayan at medikal kung saan sinikap niyang mag-ambag ng kakayanan sa abot ng makakaya. Kahit ginagamay pa lang niya ang gawaing medikal, kakikitaan siya ng pagka-uhaw sa kaalaman at pagmamalasakit sa mga kasama. Laging nasa belt bag niya ang vitamins na araw-araw ay pinaiinom sa mga kasama. Aktibo rin siyang naging kabahagi sa gawaing pangkultura ng yunit. Mula sa dating mga kantang pangkanto, minahal at inaral niyang kantahin ang mga awiting rebolusyonaryo bilang sandata sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.

Maiksi ngunit napakabuluhan ng buhay-hukbo ni Ka Mysan. Nabuwal man si Ka Mysan, pero kailanma’y hinding-hindi mabubura ang kanyang mga naiambag sa muling pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa Silangang Gitnang Luzon. Ang kanyang buhay, alala, mga ambag na debuho ay panghabambuhay na magsisilbing tagapag-mulat at tagapagpakilos sa milyun-milyong kabataan na tulad niya’y magpapasyang bumalikwas at humawak ng armas.

Pulang Saludo Kay Noel “Ka Angel/Ka Mysan” Bedonia, Jr.! Kabataang Artista, Pulang Mandirigma, Bayani ng Sambayanan!

Hustisya sa 10 Martir ng Pantabangan!

Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan! Ang kabayanihan nila’y walang kamatayan. Pulang Saludo sa mga Bayani ng Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pulang-pagpupugay-kay-noel-ka-angel-ka-mysan-bedonia-jr-kabataang-artista-pulang-mandirigma-bayani-ng-sambayanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.