CPP Nueva Ecija Provincial Committee
CPP Central Luzon Regional Committee
Communist Party of the Philippines
July 07, 2024
Si Ka Noel Bediona, Sr at Ka Noel Bediona, Jr ay mag-amang sumibol at lumago sa buhay-at-pakikibakang pagrerebolusyon. Sobrang naging malapit sila sa isa’t isa lalo nitong mga huling kagyat na nakalipas na taon na magkasama.
Si Ka Noel Bediona, Sr at Ka Noel Bediona, Jr ay mag-amang sumibol at lumago sa buhay-at-pakikibakang pagrerebolusyon. Sobrang naging malapit sila sa isa’t isa lalo nitong mga huling kagyat na nakalipas na taon na magkasama.
Ipinanganak sa isang baryo sa tabing dagat sa bayan ng Magalona, Negros Occidental noong ika-25 ng Oktubre 1972. Katulad ng karaniwan na komunidad ng mga mangingisda ay kailangan niyang lumahok sa produksyon kahit sa murang edad pa lamang. Nagpasyang hindi mag-aral matapos ang ikalawang baitang sa elementarya. Marami siyang mapanghamon na mga kwento tulad ng pagsasama sa kanya sa pangingisda sa laot. Ini-iitsa siya sa dagat ng kanyang kuya saka hinayaang matutong lumangoy hanggang makakapit sa bangka. Natuto din siyang mangisda sa iba’t ibang paraan tulad ng paggamit ng pagkakadkad ng iba’t ibang klase ng lambat. Naging bangkero din at bihasa sa pagtitimon.
Sa mga pagkakataong merong trabaho sa mga palaisdaan ay lumulusong din. Lalo na kung mahina ang huli sa laot kung maliwanag ang buwan o kaya’y masama ang panahon. Si Ka Noel ay isang mamamalakaya at manggagawang-bukid sa palaisdaan. Kabilang ang pamilya nila sa Uring Magsasaka na walang lupa.
Mahusay na nagampanan ni Ka Noel ang tungkulin ng pagiging Tserman ng Sangguniang Kabataan sa kanilang lugar. Naging katuwang ng Kapitan nila sa maraming mga proyekto’t aktibidad lagpas-lagpas sa mga gawaing pangkabataan. Hindi lamang magawang matanggihan ang kanilang Kapitan kaya napasok siya sa SK.
Namamangha siya kung may mga dumarating na kababaryo na galing Maynila. Maraming naririnig na kwento. Magagara ang kasuotan tulad ng Levi’s 501. Unti-unti ay naiisip niyang dayuhin at makipagsapalaran sa Maynila. Nag-ipon siya ng pera para sa naipirmi na niyang balakin na ito.
Mag-isa na bumyahe papuntang pantalan at sumakay ng barko. Nang makarating sa Pier ay puno ng pananabik na bumaba upang makaapak na rin sa Maynila. Pagkababa ng “damyo” ay binusog ang mga mata sa mga tanawing bumungad. Nang pawala na ang mga nagbabaang pasahero ay saka lamang niya napagtanto kung saan nga pala siya tutuloy. Mabuti na lamang merong nakakilala sa kanya na bumaba din sa barko. Nilapitan siya, “Noel, anong ginagawa mo rito? Bakit nakatayo ka lang diyan sa gilid ng damyo?” Nahihiya man ay inamin na rin niyang wala siyang alam na pupuntahan. Nagmagandang loob ang kakilala na ialok na sumama na muna siya sa kanila.
Sa tinuluyan ay sinuklian niya ng samu’t saring gawain: paghuhugas ng pinggan; paglilinis ng bahay; namamalengke; nagluluto; at, kung minsan, ay naglalaba. Siya ang naiiwan sa bahay. Makakain lang at may tutulugan ay sapat na.
Matapos ang mahigit isang taon ay inirekomenda na siya sa isang nagdi-deliver ng mga softdrinks at beer. Sa simula ay kargador at pahinante. Nang lumaon ay sumusubok na sa pag-atras-abante ng truck hanggang sa natutong magmaneho. Nang matuto ay kumuha ng driver’s license saka nagmaneho sa relasyong “boundary” na pampasaherong jeep. Byaheng Roces ang kanyang unang ruta.
Dito sa yugtong ito, makikilala ang kamag-anak ni Jocelyn na inireretiro ang huli sa kanya. Dahil binata at walang pamilya ay maluwag siya sa pinansya lalo pa relatibong malakas siya kumita. ‘Ika ng Kasama, “Noon naman, basta masipag ka lang, kikita ka rin lalo na kung sasamahan mo pa ng diskarte.” Aabot na sumasama si Jocelyn sa pamamasada hanggang naging malapit na rin ang mga kalooban sa isa’t-isa. Ikinasal sila sa Quezon City Hall noong ika-30 ng Hunyo 2009.
Noong namamasada siya sa rutang Project 6 ay nakakikita at nakaririnig siya ng mga rali at mga talumpati. Bagama’t may kahirapang makapagbasa ay nanghihingi siya ng polyeto at matiyagang binabasa at inuunawa. Nakikipagtalakayan siya sa mga kapwa driver batay sa inaabot ng kanyang pag-unawa. Kung may pagkakataon ay nagkukusa siyang dumalo sa rally hanggang sa nagboboluntaryo siyang mamahagi ng polyetos. Sa ganitong masiglang pagkukusa ay napansin siya at inugnayan at inorganisa ng mga aktibista at organisador sa hanay ng mga makabayang tsuper.
Na-“wanted” siya ng isang Colonel noong mayroong gaganapin na eleksyon ng isang PJODA sa Aurora Blvd sa Cubao. Mabuti na lamang ay nakatakbo siya nang madikitan siya ng mga pasista. Sina Colonel ay nakapanig sa kalabang slate ng progresibong mga kandidato ng progresibong pederasyon ng samahang tsuper para sa naturang PJODA. Si Ka Noel ay tumutulong noon sa kampanyang eleksyon bilang FT ng nasabing pederasyon.
Makakikitaan ng matatag na determinasyon si Ka Noel. Mula nang maugnayan ay hindi naglaon agad nagpasyang kumilos ng buong panahon. Sa opisina ng pederasyon nanirahan ang kanyang pamilya. Pinalalahok niya ang kanyang asawa sa mga progresibong gawain ng kilusan ng kababaihan habang inaalagaan ang mga maliliit pang mga anak. Nang isama siya sa isang gawain sa Pampanga ay nagpasyang kumilos na sa Gitnang Luson bilang kasama sa grupo ng istap ng sentro ng rehiyon. Inilipat niya sa Pampanga ang kanyang dalawang anak at asawa. Kasama dito si Ka Noel, Jr na noo’y labing-isang taong gulang pa lamang.
Pumasok sa Yunit ng Hukbo sa Tarlac-Zambales bandang Setyembre 2017 na nakitaan agad ng payak, masigla, matatag at kapursigihang matuto ng mga kaalaman at kasanayan sa Digmaang Bayan. Isa siya sa pinakaseryoso makinig, sumunod at magsagawa ng mga pagsasanay militar sa inilunsad na Batayang Pagsasanay sa Pulitiko-Militar.
Matapos ng ilang buwang nasa yunit ng BHB, siya ay inilabas para hindi malayo sa mga kasamahan sa grupong istap ng sentro ng rehiyon. Isinanib siya sa isang Tim ng Hukbo na naggagawaing masa sa saklaw ng Komiteng Larangang Gerilya sa Patag (LGP) sa Pampanga. Ang mga natutunan sa urban at sa Yunit ay matiyaga niyang inilapat para sa higit na pagkatuto sa paraan ng pagdaranas. Ang malaking kalakasan ni Ka Felix ay ang laging kahandaan na sumubok sa pagsuong at ubos-kayang pagtugon kahit sa mga unang karanasang gampanin. Mapangahas na natuto sa gawaing instruksyon at iba pang tungkulin sa gawaing masa. Hindi naging balakid ang pagkiling niya sa gawaing militar.
Mapagmahal at maalalahaning ama. Kaya naman noong biglaang mag-asawa ang panganay na babae ay labis na naapektuhan. Napanatag naman ang sarili matapos harapang makausap ang napangasawa ng anak at mga magulang nito. Ang batang si Ka Jr at ang kanyang ina ang naiiwang magkasama sa Pampanga. Sa mga panahong may usaping pampamilya ay matatag na hinaharap lagi ni Ka Felix sa balangkas ng rebolusyon.
Inilipat din siya sa erya ng Tarlac para tumulong sa rekoberi. Nangyayari na naiiwan siyang mag-isa subalit mapangahas na nagpapatuloy sukdulang natutulog sa kubo ng masa sa gitna ng bukid kahit walang kasama. Hindi nagtagal ay muli siyang ipinasok sa Yunit sa Tarlac-Zambales kung saan masiglang lumalahok sa gawaing masa at mga gawaing militar ng Hukbo. Nakitaan siya ng pagiging mapamaraan sa paghahanap ng makakain sa gubat. Basta’t makitang kinakain ng ibon ay kanyang tinitikman. Isa sa tumampok sa Yunit ang pagluluto niya ng “flourescent” na mula sa ubod ng puno ng saging. Inilabas muli siya para sa gawain nila ng istap at muling sumanib sa Pampanga.
Bago ng kasagsagan ng pandemya ay inilipat ng tirahan ang kanyang mag-ina sa katapat na baryo sa kabila ng ilog. Sa tulong ng mga pwersa’t kasama ay naitayo ang payak na kubo sa komunidad ng baseng masa. Dito na nasimulang naiimbita at napapalahok sa mga talakayan at pag-aaral ang mahiyain at tahimik na Ka Jr.
Sa panahon ng lockdown ay masiglang kalahok ang kasama sa samut-saring mga gawain sa LGP. Hindi naging hadlang ang lockdown para makapaglunsad ng mga pag-aaral pampartido lalo na’t nakapirmi lang sa mga bahay ang masa. Maluwag nilang nagagamit ang mga ruta sa bukid kahit sa mga pagkakataong may presensya ng PNP. Kung obligadong magkalsada ay nakadadaan sila sa checkpoints sa tulong ng mga pwersa’t kasama, alayado at kaibigan. Nailunsad din nila ang isang pagsasanay para sa Milisyang Bayan. “Ganito dapat. Hindi nagpapahadlang ang rebolusyon sa reaksyon”, masiglang panghahamon pa niya.
Muli pinapasok si Ka Felix sa Yunit ng Hukbo pero sa Sierra Madre na. Kasama siya sa nakaranas ng matitinding hamon na kinaharap ng Yunit kapwa sa panloob na mga usapin at sa panggugulo ng kaaway. Matindi niyang pinupuna ang kawalan ng aktibong depensa sa pagharap sa malalaki at matagal na operasyon ng kaaway. Sa kabila ng mga hamon ay nananatili ang kanyang matatag na paninindigan sa rebolusyon.
Muli siyang isinanib ng ilang buwan sa Pampanga para sa gawaing istap. Bandang Marso 2021 nang isinama siya sa pagpasok sa Yunit ng Hukbo sa Nueva Vizcaya. Unang pagkakataon na makarating doon kaya naatasan na matulog sa hiwalay na bahay para magpamilyarisa sa erya. Madaling araw ay sumama sa truck sa pamimili ng gulay kaya’t hindi na nalaman ang pamamaslang ng berdugong kaaway sa kasamahang nakabase sa ibang kubo bandang alas-6 ng umaga. Hapon na ng makabalik na si Ka Felix mula sa pamilyarisasyon at tumungo sa may pinangyarihan ng pamamaslang sa layuning mag-ulat sa kasama. Nagulantang sandali ng malaman ang nangyari pero maagap din na nagpasyang akyatin ang bundok sa harap ng pinangyarihan. Mag-isang naglakad sa gubat sa kabundukan, kumukubli kung may inaakalang kaaway. Iniibsan ang gutom sa mga nakukuhang dahon at iba pang makakain sa gubat.
Dulot ng kabaguhan sa lugar ay hindi inaaasahang makababalik din lang siya sa kanyang pinanggalingan matapos ang tatlong gabi sa gubat. Nagpasyang dumikit sa bahay ng masa nang madaling araw matapos madulas at gumulong patungo sa isang sapa kaya hindi na kinayang makabangon ang pagod ng katawan. Bago magliwanag ay umahon papunta sa masa.
Mainit siyang tinanggap ng masa sa kabila ng pagkakabigla. Pinakuluan ng pampaligo, binihisan, pinakain at binigyan ng unan at kumot saka pinagpahinga. Nagtulong-tulong ang masa para sa ligtas niyang paglabas sa erya hanggang nakarating siya sa binagsakang alyado sa Daang Maharlika. Mula Marso hanggang Setyembre ay hinahanap at sinusugsog siya ng maraming nag-aalalang mga kasama na ang hawak na impormasyon lamang ay “naggayak ng damit at lumarga na”. Sinuman sa mga kasama ay walang linya ng komunikasyon sa kanya.
Matapos ang maraming panunugsog ay pinagpasyahan na ipaabot na sa pamilya ang pagkakawala ni Ka Felix upang hayag na ang paghahanap. Kakausapin na sana ang asawa noong Septyembre ng siya ay biglang lumitaw sa mga kasama sa Pampanga. Agad siyang sinalo at ipinuwesto sa lugar na magiging ligtas para sa kanya lalo pa nakuha ng kaaway ang litrato niya. Relatibong “expansion” ang kategorya ng erya dahil lagpas dalawang dekada nang hindi nababalikan. Subalit mataas ang tiwala sa kakayahan ng kasama na mairekober ang sarili habang nagsusulong ng kakayanin niyang Gawaing Masa.
Namuhay siya rito habang naggagawaing masa. Nagtayo ng tirahan saka inilipat ang pamilya upang higit na mapataas ang pag-iwas sa panunugsog ng kaaway. Naging paborito siyang tawagin sa pamumutol ng kawayan dahil sa angking kasanayan. Nagawan niya ng kubo ang isang pamilya nang walang bayad. Ganun din ang isang maliit ng tindahan na yari sa kawayang pinutol niya. Tinatanggihan niya dito ang mga inaabot na bayad sabay nagpapaliwanag na bahagi ng Gawaing Masa ng Hukbo ang paglahok sa produksyon. Pinapwesto siya sa isang lupang taniman niya ng gulay at dalawang pitak ng taniman ng palay ng isang alyadong naabot ng kanyang Gawaing Masa. Umaani siya ng palay at gulay habang ibinubukas niya sa ibang masang mangagawang bukid na manguha sa gulayan niya para pangkain. Naggawa ng mga pang-umang kaya nakahuhuli ng pang-ulam na isda at kung marami ang nahuhuli ay ipinamamahagi sa iba. Tanim nang tanim ng mga puno ng saging, kamote, kamoteng kahoy at bungang-kahoy na malalago na ngayon sa iniwang erya. ‘Eka nga ng Ka Felix, “…naririto lang ang mga pangangailangan para mabuhay sa araw-araw…” Alinsunod sa prinsipyo ng suportang pamilya ng Partido ay tumatanggap ng pagawaing pagpipiyon si Ka Felix para maipampuno sa panustos ng pamilya.
Bilang rebolusyonaryong ama ay aktibo at determinado niyang minumulat at inilalahok si JR sa produksyon at gawaing masa. Aktibo niyang tinutunggali ang burgis-pyudal na impluwensya sa anak na laganap sa bulok ng lipunan lalo pa ngayong panahon ng internet, cellphone at mobile legend. Minabuti niyang pauwiin ang mahal na asawa sa Maynila para maalalayan ang nag-asawang anak na babae at makapaghanda sa pagbalik sa hukbo. Taong Nobyembre 2023 nang magkasama silang mag-ama na sumanib sa Yunit sa Sierra Madre. Kahit may inalalang luslos ay pirmis ang direksyon ni Ka Felix na manatili sa rebolusyonaryong pagkilos sa Yunit ng BHB. Ang matibay niyang paninindigan: Rebolusyon at walang ibang opsyon!
Si JR o Ka Angel ay nagsimulang nakasanib sa Yunit bilang “exposuree” hanggang sa tinanggap bilang ganap na rebolusyonaryong mandirigma ng Hukbong Bayan pagsapit ng ika-18 ng kaarawan. Nakilala si Ka Jr bilang si Ka Angel na magiliw at masayahing batang pulang mandirigma. Naging malapit agad sa ka-buddy na kasamang hukbo na nasa edad singkwenta. Liban sa iilang pagkakataong umiigkas ang burgis-pyudal na katangian sa proseso ng pagpapanibagong-hubog sa murang edad at buhay sa hukbo ay maagap at mahigpit na tinatanganan ni Ka Angel ang mga paggabay sa pagpapanday bilang rebolusyonaryong proletaryo. Masigla siyang lumalahok sa gawaing masa at produksyon, mga rebolusyonaryong pag-aaral at gawaing kultural, mga arawang gawain sa pagtataguyod sa hukbo tulad ng pagluluto, pagtataliba at iba. Hindi na rin naman bago ito sa kanya dahil mas maaga pa ay naituturo at naipararanas na rin ng kanyang mahal na rebolusyonaryong ama. Sinuong niya agad ang mahirap at puno ng sakripisyo na buhay-at-kamatayang pagrerebolusyon sa harap ng tuloy-tuloy na operasyong kombat ng kaaway na sinundan ng matinding combat-intel mula Enero bago nitong may isang buwan nang Focused Military Operation (FMO). Matatag at hindi natinag ang paninindigan ni Ka Jr kahit pa ang iilan na dekada na sa hukbo ay nagpahayag ng maideploy sa ibang gawain.
Ulirang halimbawa ng isang rebolusyonaryong ama si Ka Felix! Ang kanyang matatag na pagpirmis sa pananalig sa Rebolusyon at pagtatakwil sa oportunismo ng ligalismo, populismo, ekonomismo at repormismo ay nararapat na tularan at makatotohanang isapraktika. Ito ang dakilang pamana niya sa atin.
Ulirang rebolusyonaryong anak ng bayan si Ka Angel. Sa murang edad ay lumahok at naglaan ng sarili para sa rebolusyon. Iniaalay ng walang pag-iimbot ang maagang kasibulan ng kanyang buhay para sa rebolusyon at sambayanan. Isa itong naghuhumiyaw na hamon ngayon sa lahat ng mga tunay na anak ng bayan sa pagtugon sa panawagan ng tuwirang paglahok sa armadong pagrerebolusyon sa kanayunan.
Gawaran natin ng mataas na pagsaludo ang kapwa magigiting na dakilang halimbawa at ambag ng rebolusyonaryong ama at anak na hinubog sa pagiging ulirang rebolusyonaryong mag-ama. Itanghal natin sila sa mataas na bantayog ng mga martir at bayani ng rebolusyon kasama ang walong iba pa ng Pantabangan 10!
“Hindi sila mamamatay. Hindi sila malilimot. Sa puso ng sambayanan itatayo ang (kanilang) bantayog. Sigaw ninyo’y maririnig, sa lahat ng dako’t sulok….” Hindi natin pahihintulutan na sila ay pumanaw sa diwa natin. Mananatili silang buhay sa ating hanay sa araw-araw na pagpapatuloy ng dakilang pamana nila sa atin. HINDING-HINDI NATIN SILA BIBIGUIN!
Pulang saludo sa mga martir at bayani na Pantabangan 10!
Mabuhay ang CPP(MLM)/NPA/NDFP!
Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pagpupugay-sa-mag-amang-ka-felix-at-ka-angel/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.