Thursday, July 11, 2024

CPP/NPA-Central Luzon ROC: Renan "Ka Mel" Mendoza: Anak ng Luisita, Martir ng Uring Magsasaka, Bayani ng Sambayanan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 5, 2024): Renan "Ka Mel" Mendoza: Anak ng Luisita, Martir ng Uring Magsasaka, Bayani ng Sambayanan (Renan "Ka Mel" Mendoza: Son of Luisita, Martyr of the Peasant Class, Hero of the People)



Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command)
New People's Army

July 05, 2024

Pinagpupugayan ng malawak na sakahan ng Hacienda Luisita sa Tarlac ang mabuting anak nito na si Renan “Ka Mel” Mendoza sa kanyang pagkamartir sa isang depensibang labanan noong ika-26 ng Hunyo sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija. Saksi ang mga tubuhan ng hacienda sa buhay at kamatayang pag-aambag ni Renan upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa rehiyon ng Gitnang Luson.



Mula sa mga pamilyang Mendoza at Donato na uring magsasaka sa Barangay Cutcut sa Hacienda Luisita, bata pa lamang ay nasaksikan na ni Renan ang mga pakikibaka at paglaban ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Hindi na bago sa kanya ang makakita ng mukha ng pagsasamantala ang pang-aapi sa masang anakpawis, dahil sila mismo ay biktima ng mala-pyudal at pyudal na sistemang umiiral sa loob ng Asyenda. Dahil dito, mabilis lang na namulat at napakilos si Ka Mel.

Mula sa mga kapamilyang aktibong miyembro ng organisasyong masa ng mga magsasaka, nahikayat din si Ka Mel na buong-panahong kumilos sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) noong 2016. Noong una, natalaga siya sa staff work ng opisina. Pero kalaunan, lumawak ang kanyang karanasan at natuto rin sa pag-oorganisa ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Hindi man nakapagtapos ng high school, hindi naging hadlang ang kakapusan niya sa edukasyon upang tulungan ang mga magsasaka sa kanilang mga legal na laban sa lupa.

Ngunit kagaya ng kanilang karanasan sa loob ng Hacienda Luisita, batid ni Ka Mel na ang mga legal na laban ay hindi tuluyang magpapalaya sa lupa mula sa kontrol ng mga panginoong maylupa at dayuhang imperyalista. Batid ni Ka Mel na ang ganap na paglaya ng lupa ay sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon lamang maabot, at sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan.

Taong 2018, malalaman ni Ka Mel na sumurrender at nagpagamit sa militar ang kanyang ama na dating kumilos bilang Secretary-General ng AMGL. Galit na galit siya nang malaman ito. Pero buong tapang pa rin siyang nanindigan at patuloy na kumilos sa kabila ng pag-surrender ng kanyang tatay. Imbes panghinaan ng loob, naitulak siya ng ganitong sitwasyon upang mabuo ang kapasyahang maging sundalo ng mahihirap. Sumampa siya noong February 2019 sa yunit ng NPA-Nelson Mesina Command.

“Babaguhin ko ang legasiya ng tatay ko!,” buong pagmamalaki niyang sinabi.

Sa loob ng hukbo, gumampan siya bilang S5 o Medic ng platoon. Si Ka Mel ay isa sa mga disiplinado, malalakas, matitikas, at matipunong Pulang mandirigma ng BHB. Bilang pagsasanay sa kanya upang maging politiko-militar, madalas siyang maging bahagi ng pinakamaseselang misyon at pana-panahon din siyang isinasama sa kapulungan ng grupong pampulitika, istap sa kabuhayan, at itinatalagang fire team leader. Mataas ang kanyang pagpapahalaga sa gawaing iniaatang sa kanya. Maagap siyang tumutugon sa mga atas kahit na masakripisyo ang pag-aasikaso sa sarili. Kahit na may mga sariling limitasyon, lagi siyang handang tumulong sa ibang mga kasamang nahihirapan sa kanilang responsibilidad.

Madali niyang naangkupan ang puno ng hirap at sakripisyong pamumuhay ng isang sundalo ng mahihirap. Pinangungunahan niya ang pagbo-boluntir sa mga misyon na humihingi ng dagdag na sakripisyo. Hangang-hanga rin ang mga kasama sa lakas niyang magbuhat. Mapagmalasakit siya lalo na sa ibang mga kasamang nahihirapan nang pisikal sa mga lakaran. Si Ka Mel ay isang mapagmahal na anak at kapatid, laging nakatatak sa kanyang kalendaryo ang pagsapit ng kaarawan ng mga mahal na kapatid at ina.

Kritikal si Ka Mel sa kanyang sarili at sa iba. Maagap at hindi nangingiming magpa-abot agad ng paalala o puna na may kalakip na maayos na pagpapaliwanag kung mayroon man siyang naoobserbahang mga kahinaan, paglabag sa disiplina, o pagluwag sa seguridad. Mapagkumbabang umaako ng mga kahinaan at pagkukulang si Ka Mel lalo na sa panahong umiigkas ang kanyang mga tendensiya. Mabilis niyang nilalapitan ang kasamang nakatunggali kapag humupa na ang kanyang emosyon at buong pagpapakumbaba niyang inaako ang kanyang nagawang kahinaan.

Tumatangis ang mga tubuhan ng Hacienda Luisita sa kanyang pagkawala. Subalit ang mga luhang iyon ang tiyak na didilig sa lupang malaon nang kinamkam at magluluwal ng ibayong katatagan at katapangan sa mamamayan ng Asyenda gaya ng ipinakita ni Ka Mel na naging isang mabuting anak ng bayan hanggang kanyang huling hininga. Iwinagayway ni Ka Mel ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa kabila ng panggigipit ng reaksyunaryong estado at berdugong militar sa kanyang pamilya. Ang kanyang pagkabuwal ay hamon sa buong mamamayan ng Luisita na ipagpatuloy ang laban at pakikibaka hanggang makamit ang ganap na tagumpay.

Pinakamataas na pagkilala at pagpupugay kay Ka Mel, Anak ng Luisita, Martir ng Uring Magsasaka, Bayani ng Sambayanan!

Pulang saludo sa Pantabangan 10! Mabuhay ang hukbong bayan! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/renan-ka-mel-mendoza-anak-ng-luisita-martir-ng-uring-magsasaka-bayani-ng-sambayanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.