Thursday, July 11, 2024

CPP/NPA-Central Luzon ROC: Isang mahusay na Kumander at Kadre Pulitiko-Militar//Itanghal ang pinakamataas na pagdakila at pagpupugay kay Harold “Ka India/Luzon” Meñosa!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 11, 2024): Isang mahusay na Kumander at Kadre Pulitiko-Militar//Itanghal ang pinakamataas na pagdakila at pagpupugay kay Harold “Ka India/Luzon” Meñosa! (A great Politico-Military Commander and Cadre//Present the highest honor and tribute to Harold “Ka India/Luzon” Meñosa!)
 


Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command)
New People's Army

July 11, 2024

Iginagawad natin ang pinakamataas na pagdakila at pagpupugay sa katatagan, katapangan, kahusayan at kagitingan na ipinamalas ng Pulang Kumander ng Bagong Hukbong Bayan na si Harold “Ka India/Luzon” Meñosa.



Kasing tatag at liksi ng kaniyang pisikal na pangangatawan ang kaniyang ipinamalas na dalawang dekadang pagtatalaga ng sarili, tiwala at katapatan sa Hukbo, Partido at masang kaniyang pinaglingkuran sa kabundukan at laylayan ng Sierra Madre, Caraballo sa East Pangasinan hanggang Nueva Vizcaya-Quirino.

Isa si Ka Luzon sa sampung magigiting na Hukbo at kadre ng Partido na walang pag-aalinlangang sinagupa ang mga pasistang militar hanggang maglaan ng pinakamataas na pagsasakripisyo ng pag-aalay ng buhay. Kasama siya sa Pantabangan 10, ang madugong engkwentro na naganap sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija nuong ika-26 ng Hunyo. Gamit ng tuta na AFP/PNP ang armas at teknolohiya ng Estados Unidos at ng mga sundalong Kano na may kampo sa loob ng kalapit na Fort Magsaysay, labas-masok sa APECO at sa mag-iisang buwan nang nakadaong na barko sa Baler.

Isinilang sa bayan ng San Luis, Aurora si Ka Luzon sa pamilya ng maralitang magsasaka na hitik sa rebolusyonaryong pamana. Sa panahon ng kanyang murang edad ay nakakasalamuha na ang mga Hukbong naka-erya sa kanilang lugar, lalu na at dalawa sa kaniyang nakatatandang kamag-anak ay kumikilos at pinaslang pa nga ng kaaway. Maagang namulat sa marahas na tunggalian ng mga uri, sa naranasang pagsasamantala at pang-aapi sa kanila ng mga naghaharing uri at pasistang estado. Bagay na sa murang edad ay mapapanday ang kahandaang mag-alay ng buhay sa marahas na rebolusyonaryong pakikipagtunggali sa mga kaaway ng sambayanan.

Aktibo siya sa binuong grupo ng mga kabataan sa kanilang baryo na kabilang sa gawain ay suportang-kombat sa pagpinsala sa kaaway. Isa sa matampok na pinangunahan nila ay ang pagsira sa trak ng pasistang militar. Unang pumasok sa yunit ng BHB si Ka Luzon noong July 2001, bitbit ang kanyang masigasig na kapasyahang tahakin ang mas mataas pang porma ng pakikibaka bilang Pulang Mandirigma. Ngunit dahil labimpitong taong gulang (edad 17) pa lamang noon, pansamantalang ipinagpaliban ang pagtanggap sa kanyang pagpapahayag. August 2001, pagtuntong nya ng labinwalong taong gulang (edad 18) ay pormal nang tinanggap ang kanyang walang pagdadalawang isip na pasyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Taong 2002 ay maitatalaga siya sa Panrehiyong Yunit Seguridad (RYS) kung saan Medic ang una niyang naging tungkulin. Agad din siyang nakaranas ng mga pag-aaral pampartido at mga pagsasanay militar.

Siya ay nakakitaan agad ng potensyal bilang kadre ng Partido at ng Hukbo. Kapwa pulitiko-militar ang ginagampanang tungkulin. Makalipas ang isang taon pa lamang ay tumayong Iswad Lider at nahirang sa KT ng Sangay ng Platun. Naririyan na habang Pangalawang Platun Lider ay gumagampan ding Pulitikal Instruktor dito. Aktibong nasabak agad sa mga magkakasunod na taktikal na opensiba at ilang depensibang labanan. Mahigpit niyang tangan ang bakal na disiplina ng Hukbo at aktibong namuna sa mga maling estilo ng pamumuno laluna sa mapanghamon na mga pagkakataon nang internal na suliranin at kalagayan. Isinasabuhay lagi ang sinumpaan sa Partido na, “… buong katapatang pupunahin ang mga kamalian at kahinaan ko at ng aking mga kasama upang mapabuti ang paggawa at estilo ng paggawa…”, at nanindigan na manatili sa gabay ng pamumuno ng Partido at Hukbo upang mabuo ang pagkakaisa at lakas. Isa siya sa matatag na nagpuna, nagwasto at nanindigan sa kabila ng pagbitiw sa tungkulin ng mga nasa unang hanay na mga kadre. Bilang isa sa mga batang kasapi ng Partido ay maaga siyang nasubok at nagpamalas ng husay at tining nang umako ng mabigat na tungkulin ng konsolidasyon at pagpapalakas ng Partido at Hukbo.

Matampok sa kanyang paggampan ang masinop na pagtupad sa gawain, pagpapahalaga sa kolektibong pamumuno, sistemang komite, kahalagahan ng komand at kontrol, bakal na disiplina sa Hukbo at kapangahasan pero maingat at matalinong nagpaplano upang maging matagumpay ang anumang aksyong militar. Sa edad niyang dalawampu (20) ay itinalaga siyang Platun Lider ng isang seksyon ng isang yunit ng Hukbo sa coastal ng Aurora na ang misyon ay gawaing masa at nyutralisasyon sa mga pinag-aaralan at malalabong indibidwal na nasa saklaw ng larangang gerilya. Dulot ng kabaguhan at pagiging mapusok ay pinuna sa mga naging labis na pakikitungo sa bihag. Na agad namang inako at mapagkumbabang nagpuna pati ang mga kasama sa yunit na pinamunuan niya.

Taong 2007, muling nasubok at naipamalas ni Ka Luzon ang pagiging kumander na pulitiko-militar ng palargahin naman sila pa-Norte ng Aurora na siya muli ang Platun kumander. Bitbit ang mataas na moral at baong mga aral ay matatag niyang tinalunton ang misyon ng platun para sa pamilyarisasyon sa erya, gawaing masa at kung kaya na pakatan ang kaaway. Nakapanaig sila na makairal sa erya ng tatlong buwan sa kabila ng maigting na kilos ng kaaway. Binuno ni Ka Luzon ang pagpapanday ng sarili sa gawaing pulitiko militar. Saanman sa kabundukan hanggang laylayan at tabing karagatan ng Aurora ay mahahalaga ang mga naging papel niya sa pangunguna sa gawaing masa, pagkabisa sa tereyn, gawaing paniktik, pag-aaral sa kilos ng kaaway at pagbira o pagpapahina sa kanila.

Sa taong 2009-2011, walang pagdadalawang-isip niyang tinanganan ang tungkulin na mula Sierra Madre ay tumawid sa Caraballo. Ang maagang pagkakapanday ng sarili ay naging matatag na pundasyon para sa pagsuong sa patuloy na nag-iibayong mapanghamon na tumataas na antas ng rebolusyonaryong digmang bayan. Sa panahong nagpapatupad na ang kaaway na walang puknat na lakas-kumpanyang operasyon ay mahusay na naimamaniobra ni Ka Luzon ang hukbo sa Caraballo, malaking papel ang ginampanan ng organisado at mulat na pagmamahal at pagtataguyod ng mga masa at mga pwersa sa baryo. Nakabutas ng mga bagong ruta at bumasag sa maling pagtingin na “ayaw ng magpa-organisa ng masa”.

Nagmarka ang kaniyang pangalan sa mga masa at pwersa na “Ka Luzon” hindi lang dahil sa matining at mahusay niyang rekord sa mga misyong militar na puminsala sa dalawang detatsment sa East Pangasinan, pamamarusa sa mga mga masasmang elemento sa baryo at kaaway sa uri at pagpinsala sa mga operasyong militar ng mga kaaway sa Sierra Madre, Caraballo, hanggang Nueva Vizcaya. Kundi dahil din sa palagi’t laging may ngiti at matiyaga niyang paglilinaw na ang pagtatagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ay sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga api’t pinagsasamantalahan, at sa pagdurog sa Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo.



May mga pagkakataong nagiging liberal ang kasama. Naging matampok ito sa kalagitnaan ng kanyang pagtangan sa tungkulin bilang Pangalawang Platun Lider ng binuong bagong yunit gerilya taong 2011. Nahihirapan siya sa mahahaba at magaspang na tunggalian kaya’t ang tendensya ay hindi na aktibong nakapaghahapag ng kanyang punto. Umaabot pa na maging pasibo sa mga pagkakataong sa tingin niya ay magagawa na naman ng mas mahuhusay sa kanya. Higit ang kanyang sigla sa pamumuno at pagsusulong ng mga gawain kung masigla at buhay ang kolektibong pamumuno. Sa ganitong kalagayan siya nakarerekober. Lagi namang nakaagapay sa kanya ang mga kasama at ang nagmamahal niyang asawa na si Ka Lunti na kasama niyang nag-alay ng buhay sa naganap na engkwentro sa Pantabangan, Nueva Ecija.

Napakabrutal at berdugo ng pasistang militar! Hindi nakaligtas sa terorismo at pasismo ng kaaway ang kanyang mga mahal sa buhay sa Bayan ng San Luis, Aurora. Pambabanta, pananakot at surbeylans ang walang-puknat na ginagawa sa kanyang mga magulang para lamang pasukuin siya. Hanggang sa dukutin at hindi na muling ilitaw ang kanyang pinakamamahal na Tatay na si Deodicto Meñosa noong Marso 2019.

Ginamit pa ng Municipal LGU-NTF ELCAC ang kanyang burol sa kanilang bahay sa San Luis, Aurora upang palabasin na sila ang tunay na may malasakit sa pamilyang nagdadalamhati. Mula nang maiburol ng June 29 hanggang sa libing ni Ka Luzon nuong July 4 ay hindi tinantanan ng halos isang iskwad na mga militar ang kanyang pamilya at bantay-sarado ang mga makikilamay, kahit pa pinagtatabuyan na at pinagmumura ng kaniyang pinakamamahal na Nanay. Inabot pa nga na walang gustong makilamay kahit mga kapitbahay.

Sinubok man nito ang kanyang katatagan hanggang sa sangandaan ng kanyang buhay. Sa kaniyang pagbabalik sa pormasyong riple ng Hukbo sa taong ito, hanggang sa kahuli-hulihang buhay ni Ka Luzon ay pinili niya na tahakin muli ang daan ng kabundukan at laylayan ng Sierra Madre, sa Bagong Hukbong Bayan, sa piling ng mga masang kaniyang sinumpaang paglingkuran. Hindi niya maitanggi ang marahas na tunggalian ng mga uri at ang pangangailangan ng dahas para wakasan ito.

Si Ka Luzon na sa murang edad ng kanyang kabataan na nagpasyang baybayin ang Sierra Madre hanggang Caraballo, napanday sa buhay at kamatayang paglilingkod sa masa ng sambayanan at rebolusyon ay dakilang huwaran. Ang kanyang dakila at magiting na pamana ay nararapat nating panatilihing buhay sa bawat isa sa atin sa araw-araw. Itanghal natin siya sa bantayog ng mga bayani ng kasaysayan. Sa walang sawang pagtahak ng landas niyang pinag-ambagan ng kanyang buhay, sa paghahawan ng lipunang malaya, makatarungan at wala ng pang-aapi at pagsasamantala. Buhay na kaniyang inialay para makapag-ambag sa ikatatagumpay ng Digmang Bayan!

Pinakamataas na pagpupugay at pagdakila kay Ka Luzon!

Pulang saludo sa mga martir at bayani na Pantabangan 10!

Mabuhay ang CPP(MLM)/NPA/NDFP!

Mabuhay ang Sambayanan!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/itanghal-ang-pinakamataas-na-pagdakila-at-pagpupugay-kay-harold-ka-india-luzon-menosa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.