Thursday, July 11, 2024

CPP/NPA-Central Luzon ROC: Pinakamataas na pagpupugay kay Angelika "Ka Molly/Nati" Villalon: Doktor ng Masa at Tunay na Hukbo ng Sambayanan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 7, 2024): Pinakamataas na pagpupugay kay Angelika "Ka Molly/Nati" Villalon: Doktor ng Masa at Tunay na Hukbo ng Sambayanan! (Highest tribute to Angelika "Ka Molly/Nati" Villalon: Doctor of the Masses and True People's Army!)
 


Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command)
New People's Army

July 07, 2024

Para sa mga anak, magulang, kapatid at kaibigan ni Ka Nati:

Pinakamataas na pulang pagpupugay ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Josepino Corpuz Command-GL kay Angelika “Ka Nati” Villalon, mapagkalingang Doktor ng Masa at babaeng mandirigma ng BHB. Mahigpit na yakap at taos-pusong pakikiramay ang ipinaabot ng mga kasama sa lahat ng mahal sa buhay na naulila ni Ka Nati. Gaya ninyo’y labis labis ang aming paghihinagpis sa pagkabuwal ng mahal nating kasama. Subalit alam nating lahat na nasaan man siya ngayon, wala siyang ni katiting na pagsisi sa pinili niyang buhay-hukbo, na masalimuot man ay napakamakabuluhan. Dapat nating siyang ikarangal dahil mas pinili niyang ialay ang kanyang buhay sa kapakanan ng milyong-milyong mahihirap kaysa maging kasangkapan sa pagsasamantala ng naghaharing-uri.



Maiksing pagbabahagi ng buhay-rebolusyonaryo ni Ka Nati:

Mayaman ang rebolusyonaryong tradisyon ng pamilya ni Ka Nati. Kaya naman hindi kataka-takang maaga syang namulat, naorganisa at napakilos sa hanay ng mga taong-simbahan. Nagtapos ng kursong BS in Physical Therapy. Pero sa halip na magtrabaho para sa sariling ganansya, pinili niyang ialay ang kanyang talino’t kakayahan sa panggagamot sa malawak na masang katutubo’t magsasaka na malaon nang pinagkaitan ng estado ng libre at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Minahal siya ng mga masa’t kasama bilang Ka Molly, Ka Nati, Ka Ola sa kabundukan at kapatagan ng Tarlac-Zambales at Ka Jade/Ka PJ naman sa mga larangang gerilya ng Silangang Gitnang Luzon. Hinding hindi malilimutan ng mga katutubong Ayta at malawak na magsasaka ang kanilang mapagkalingang hukbo at doktora. Sa tuwing dumadating ang yunit sa mga baryo, siya at mga kasamang medik ang laging bukambibig ng mga masa. Nabubuhayan ng pag-asa ang mga masa dahil alam nilang pagagalingin ng mga kasama ang anumang karamdaman nila. Mula sa mga simpleng ubo, sipon, lagnat hanggang sa mga sakit na gaya ng tuberculosis, leptospirosis at pag-oopera ng mga cyst, mga pinsalang dulot ng aksidente at maging pagtutuli sa mga bata. Hindi matatawaran ang ambag ni Ka Nati sa pangunguna sa pagpapasigla ng gawaing medikal ng yunit. Matiyaga siyang mag-aral at magbahagi ng anumang kaalamang medikal sa mga kasama at masa. Mula sa paglulunsad ng mga talakayan kaugnay sa karaniwang sakit, batayang kasanayan sa pangangalaga sa pasyente, hanggang sa mga praktikal na pagsasanay gaya ng paggamit ng akupangtura at paggawa ng mga herbal na gamot. Ang kanyang pagmamahal sa gawaing medikal at walang kapantay na pagmamalasakit sa buhay at kalusugan ng mga masa’t kasama ang siyang tunay na nagpapagaling sa anumang karamdaman. Tinitiyak niya palaging masubaybayan ang kalagayan ng pasyente. Kahit na pagod sa mahabang mobayl, sinisikap nyang i-tsek kahit hatinggabi ang pasyente, ipagpapakulo ng tubig at ipaglalaba. Napakamapagbigay at maalalahanin niyang kasama. Sa mga panahong krisis sa pagkain ang yunit, lagi syang handang isakripisyo ang isyu niyang pagkain o anumang meron siyang pang emergency pagkain para sa pasyente. Bilib nga ang mga kasama sa kanya dahil halos di sya kumakain. Madalas pag krisis, tutong na lang ang pinapaisyu nyang kanin at ipinamimigay na niya sa unang tao at nag-aagtas ng daan dahil alam niyang mas kailangan nila ng dagdag na enerhiya.

Praktikal mag-isip, mapamaraan at napakamalikhain ni Ka Nati. Marami siyang pinausong disenyo at tinahing bag, duyan, stretcher, belt, detachable pockets na angkop na angkop sa pang-araw-araw na buhay-hukbo. Higit pa sa pagkukumpuni, kaya niyang lumikha ng mga nakakamangha at makabuluhang bagay mula sa halos wala o sa mga binasura nang kagamitan. Palagi rin siyang handang tumulong sa sinumang kasamang nangangailangan ng payo o kahit mga kagamitan. Takbuhan sya palagi lalo na ng mga kasamang kababaihan. Madali rin niyang makapalagayan ng loob lahat ng mga kasama, mapa-matanda, mas bata o ka edad nya, kapwa man peti-burges o katutubo. Pilya, mapagbiro at napaka-inosente sa maraming bagay sa kanayunan. Marami siyang inosenteng tanong na nagpapahalakhak sa mga kasama sa gitna ng mahirap na mobayl.

Gaya ng maraming kasama na nagmula sa uring peti-burges, hindi naging banayad ang pagpapanday ng kaniyang paninindigan. Maraming beses din na dumaan sya sa krisis ng paninindigan. May mga panahong hindi niya mabitiwan ang burges na konsepto ng pamilya at ninais na lamang na makasama ang kanyang mahal na asawa at dalawang supling. Pero sa tuwing sinusubukan niyang talikuran ang armadong pakikibaka, hindi niya magawang burahin sa kanyang puso’t isipan ang bawat daop nya sa mga masang naghihikahos na syang dahilan kung bakit siya tumangan ng armas. Kaya naman, tangayin man sya ng alon palayo, muli’t muli bumabalik pa rin siya sa agos ng armadong pakikibaka. Muling sinubok ang kanyang katatagan nang dukutin at brutal na paslangin ng AFP ang kanyang mahal na asawa na si Fernando “Ka Islaw” Poblacio Jr noong Disyembre 2020. Dala ng labis na kalungkutan, hiniling niya na pansamantalang lisanin ang yunit riple at magpahinga. Pero matapos ang ilang buwang pagninilay-nilay, nagpasya syang muling maging pultaym na mandirigma na mas buo ang loob at may ibayong katatagan. Ang mismong patraydor na pagdukot at pagpaslang kay Ka Islaw ang siyang patunay ng kawastuhan ng armadong pakikibaka at nagpaalab sa kapasyahan niyang bumalik. Inspirasyon niya ang kanyang mahal na asawa, mga masa at iba pang kasamang martir sa pagbalik at higit pang pagpapakahusay sa iba’t ibang linya ng gawain.

Wala siyang hindi kayang gampanang responsibilidad dahil sa kanyang abilidad. Mapa-pinunong medikal, kabuhayan, pampulitikang giya, at maging pinunong militar. Gumagampan siyang Pangalawang Iskwad Lider (PIL) bago mapaslang. Matapang syang humarap sa kaaway. May tining sa pakikipaglaban at mabilis ngunit kalmadong mag-isip at kumilos sa mga presyuradong sitwasyon. Lagi niyang inuunang tiyakin na makaatras nang ligtas ang mga kasama, bago ang sarili. Aktibo siyang nangunguna sa pagpapatupad at pagpapaalala ng regulasyong militar sa araw-araw.

Sa kanyang pagkabuwal, nawalan ang malawak na masa ng isang mapagmahal na doktor at magiting na hukbo. Gayunman, nakatitiyak tayo na ang kanyang mga iniwang alala ay magiging inspirasyon ng sanlaksang kabataan upang gaya niya’y magpasyang tumangan ng armas.

Muli, pinakamataas na pagpupugay kay Angelika “Ka Nati” Villalon at sa siyam pang martir ng Pantabangan! Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan. Ang kabayanihan nila’y walang kamatayan. Pulang Saludo sa mga Bayani ng Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pagpupugay-kay-angelika-ka-molly-nati-villalon-doktor-ng-masa-at-tunay-na-hukbo-ng-sambayanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.