Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command)
New People's Army
July 05, 2024
Pinakamataas na pagdakila ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Josepino Corpuz Command BHB-GL kay Pepito “Ka Dylan/Ka Vergel” Bautista: Bayani ng Uring Magsasaka, Magiting na Pulang Mandirigma!
Lipos nang pagmamahal sa kapwa niya maralitang magsasaka, mahigpit na tinanganan ni Ka Dylan ang kanyang armas at paninindigan hanggang huling hininga. Tinitingala ng mga kasama at masa saan man siya magpunta, hindi dahil sa taas ng kanyang pinag-aralan o kung anupamang maipagmamayabang, kundi dahil sa kabila ng kanyang pagiging senior citizen sa edad na 64 ay nananatili siyang matikas na hukbo ng masa at walang takot sa hirap, sakripisyo at kamatayan.
Pinakamataas na pagdakila ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Josepino Corpuz Command BHB-GL kay Pepito “Ka Dylan/Ka Vergel” Bautista: Bayani ng Uring Magsasaka, Magiting na Pulang Mandirigma!
Lipos nang pagmamahal sa kapwa niya maralitang magsasaka, mahigpit na tinanganan ni Ka Dylan ang kanyang armas at paninindigan hanggang huling hininga. Tinitingala ng mga kasama at masa saan man siya magpunta, hindi dahil sa taas ng kanyang pinag-aralan o kung anupamang maipagmamayabang, kundi dahil sa kabila ng kanyang pagiging senior citizen sa edad na 64 ay nananatili siyang matikas na hukbo ng masa at walang takot sa hirap, sakripisyo at kamatayan.
Kung tutuusin, maaari na sana siyang magretiro sa hukbo at gumampan ng ibang gawaing Pampartido sa lokalidad. Subalit singtikas ng kanyang tindig na pinatibay ng ilang dekadang pakikibaka ang kanyang kapasyahang ialay ang natitirang lakas at panahon sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.
Mula sa pamilya ng maralitang magsasaka si Ka Dylan. Wala silang sariling lupang sinasaka kaya’t bata pa lamang ay batak na sa trabaho. Halos lahat ng trabahong paglulupa ay pinasok ni Ka Dylan. Labing isang taong gulang siya nang magpasyang huminto sa pag-aaral dahil sa kagustuhang makatulong sa magulang. Sa ganitong murang edad siya nag-umpisang manilo gamit ang lubid na gawa sa abaka. Ipinapalit niya ng bigas sa kapitbahay ang anumang hayop na kanyang nahuhuli. Dose anyos siya nang mag-umpisang sumama sa pagtatanim ng palay at mano-manong paggigiik ng palay gamit ang mga paa. Lahat ng trabaho sa bukid ay pinasok niya mula pag-aararo, suyod, tabas at pag-aalaga ng hayop, at pagwawalis tambo. Hanggang sa pasukin niya ang buwis-buhay na paghihila ng kahoy sa mga logging company, pagyayantok, at pagpapahinante. Sa murang edad ay dama na niya ang lupit ng pagsasamantala sa kanyang lakas-paggawa.
1975, panahon ng Batas Militar nang magkaroon ng malaking operasyon sa kanilang baryo at inobliga silang mag-bakwit sa sentrong kabayanan kung saan malayo sa kanilang kabuhayan. “Noon talaga namin naranasan na ‘di kumain sa isang araw, mahirap humanap ng trabaho, wala maski kamote dahil tabing haywey.” Sa panahong ito rin siya unti-unting mamumulat at mararanasan ang terorismo ng estado at ng mga abusadong sundalo. Dahil dito, maoobliga silang lumipat mula Barangay Punglo, Aurora papuntang probinsya ng Nueva Ecija kung saan sya nakapangasawa at nagkapamilya.
Taong 1985 nang muli siyang dumayo ng trabaho sa Aurora dahil sa matinding gawat sa Nueva Ecija. Panahon rin ito ng kalakasan ng armadong pakikibaka sa probinsya kung saan halos lahat ng kamag-anak at kababaryo ni Ka Dylan ay kaugnayan ng mga kasama. Buo ang kanyang loob na nagpasyang maging pultaym na mandirigma ng BHB.
Hindi man siya personal na nakapagpaalam sa kanyang mahal na asawa at 3 anak, sinikap niya itong paliwanagan sa pamamagitan ng pana-panahong pagsusulat at pagpapahugot sa pamilya sa loob ng yunit. Buong-buo niyang ipinagkatiwala sa Partido ang pag-alalay, pagsubaybay, at pagtuwang sa anumang praktikal na suliranin ng kanyang pamilya. Kaya naman hindi naging mabigat na usapin sa kanya ang pagpapanday ng isang rebolusyonaryong pamilya.
Masigla siyang gumampan ng gawain kaya’t sa loob lamang ng ilang buwan sa hukbo ay agad siyang gumampan ng tungkulin bilang istap sa kabuhayan at giyang pampulitika. Matapang siyang lumahok sa mga taktikal na opensibang inilunsad sa kabila ng kabaguhan.
Panahon ng haluan ng tama at mali, sinubok ang paninindigan ni Ka Dylan ng mga internal na tunggalian at ilang kahinaan sa gawaing pangkonsolidasyon ng hukbo. Sa panahong ito, magpapasya siyang bumaba muna sa hukbo. 1998 nang mahawakan siya ng pulis at piliting mapasurrender. Dinala siya sa kampo at ginawang utusan. Dito niya higit na mararanasan ang pang-aabuso, pambubugbog, at ilang beses na pagtatangka sa kanyang buhay. Sinikap niyang makawala sa gayong sitwasyon at nanirahan kung saan-saan para kailanma’y hindi na mahawakan ng kaaway. Taong 2003, muli niyang madadaop ang mga kasama sa probinsya ng Aurora hanggang muli niyang mabuo ang kapasyahang sumampa noong taong 2006.
Sa kanyang muling pagbalik, naging huwaran siya ng katatagan at kapirmisan sa armadong pakikibaka sa lahat ng mga kasama. Kabilang siya sa magigiting na hukbo na nanindigan sa gitna ng pinakamalupit na all-out war ng estado sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 1 at 2. Hindi siya nawalan ng loob kahit sa panahon ng sunud-sunod na depensibang labanan na dinanas ng mga yunit ng hukbo sa Aurora. Kahit noong panahon na magkasabay na namatay ang kanilang Commanding Officer (CO) at Vice (CO), na nasundan pa ng pagkamatay ng 4 na kadre ng Partido sa loob ng ilang linggo lamang. Hindi siya natinag at isa siya sa mga sinaligan ng mga kasamang nagdadalawang-loob dahil sa aktibo niyang pagpoproganda sa kawastuhan ng armadong pakikibaka.
Walang kupas ang kanyang tikas na pinanday ng aktibong paglahok sa produksyon mula pagkabata. Sa edad na 46 noong siya’y bumalik sa hukbo, dinadaig nya ang mga kabataan sa buhatan at pak-apan ng mga suplay at gamit militar, maging sa kanyang mga huling sandali. Kilala rin siyang karatista (Martial Arts) na inilalaban sa inter-bayan noong sibilyan kaya’t madalas siyang kabiliban at kagiliwan ng mga nakababatang kasama kapag nagbabahagi ng kaalaman sa self-defense.
Dahil labis na mapagbiro, madalas siyang mapuna ng mga kasama sa pyudal na pakikitungo sa mga kasama at masa. Hindi malilimutan ng mga kasama ang nakakaaliw niyang pagkukwento ng anumang pelikulang kanyang napanuod. Daig niya ang mga kabataan sa talas ng kanyang memorya sa pelikula at mga masa. Kabisadong-kabisado niya ang bawat eksena, linya at pangalan ng mga artistang gumanap kahit gaano kaluma ang pelikula. Biro nga lagi ng mga kasama, “Si Ka Dylan na lang ang panuorin natin, tiyak with action pa.”
Malambing at maalalahanin si Ka Dylan sa mga kasama. Itinuturing na niyang sariling anak ang mga nakababatang hukbo, na naging paraan na rin niya para kahit paano’y maibsan ang kanyang pagka-iliw sa sariling pamilya. Masipag at maagap na tumugon sa mga iskedyul. Sa kabila ng palagi niyang sumasakit na bukong-bukong, hindi mo siya kakikitaan ng pagmumukmok sa pwesto. Laging listo ang kanyang mga mata at itak sa makakalap na ubod ng pugahan (fish tail palm) at anumang makakain sa bundok. “Pugahan Hunter” nga ang bansag sa kanya ng mga kasama. Kahit pagod sa mahabang mobayl, boluntir siya palaging mangalap ng mauulam. Basta wala ring malalang karamdaman, laging nakatakyad ang kanyang itak at umasa kang hindi mawawalan ng gatong sa kusina. Hilig din niya ang manuod ng pelikula at maglaro ng chess. Tumatatak din sa mga masa ang kanyang maramdaming pagkanta ng mga kantang-rebolusyonaryo na tumatalakay sa buhay ng tulad niyang magsasaka.
Walang katumbas na parangal ang mahigit dalawang dekadang paglilingkod ni Ka Dylan bilang isang magiting na hukbo ng sambayanang inaapi. Ang prestihiyong iyon ay pilit na sinisira ng pasistang militar mula noon hanggang sa kanyang kamatayan.
Matagal nang pinoproyekto ng militar at kapulisan si Ka Dylan at ang kanyang pamilya para pasukuin. Kung anu-anong pang-iintriga at kasinungalingan ang pilit na isinalaksak sa utak ng kanyang asawa’t mga anak. Dala ng takot at panunuhol, nagawang mapasunod ng militar ang kanyang isang anak na lalake na i-set-up at piliting mapasurrender si Ka Dylan.
Marso 2022 nang ipahugot ni Ka Dylan ang kanyang pamilya para personal na makausap at mayakap man lang ang kanyang mga anak na ilang taon na niyang ‘di nakikita. Ang kinapanabikan niyang mga sandaling iyon ay sinira ng kaaway nang pakatan ng mga armado at intel ang lugar na kanilang pinagkitaan. Mahigpit siyang niyakap ng kanyang anak na lalake noon para isurrender sa kaaway. Ang yakap ng kanyang mga anak na matagal niyang kinapanabikan ay mabilis niyang pinakawalan alang-alang sa kapakanan ng mga kasama at milyong-milyong masang sumasalig sa hukbong bayan. Sa tulong ng mga masa, ligtas na nakaalis ang isang tim ng mga kasama sa planong paghuli.
Noong panahon na iyon, labis siyang nasaktan at umiyak dahil inalisan siya ng pagkakataon ng kaaway na mayakap at makasama man lang ang kanyang pamilya kahit saglit. Pero matatag at prinsipyadong tao si Ka Dylan. Hinding hindi niya ipagpapalit ang kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan sa anumang alok na karangyaan o pansariling ganansya ng berdugong militar. Madalas niyang sabihin sa mga kasama at kanyang mga anak, “Ang Partido at Hukbo lamang ang tunay na magmamalasakit sa gaya nating mahihirap, ang iba ay pagbabalat-kayo lamang.” Hanggang sa kanyang mga huling sandali, wala siyang ibang hiling kundi makita at makausap ang kanyang pinakamamahal na si Mamang at mga anak para ipaliwanag ang kawastuhan ng rebolusyon at kung bakit hindi dapat magpabulag sa kasinungalingan ng kaaway.
Si Ka Dylan ay isang huwarang Komunista at mandirigma. Batid niyang sa kanyang edad, hindi na niya masasaksihan at personal na matatamasa ang tagumpay ng rebolusyon. Pero walang alinlangan niyang inialay ang buong sariling lakas, talino, kakayanan, at panahon sa pagsusulong ng digmang bayan alang-alang sa kinabukasan ng susunod pang henerasyon. Para sa kanya, isang karangalan ang mamatay para sa bayan at interes ng kapwa niya mahihirap kaysa ang habambuhay na alipin ng uring mapagsamantala.
Pulang Saludo Kay Pepito “Ka Dylan” Bautista at sa siyam pang Martir ng Pantabangan! Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan. Ang kabayanihan nila’y walang kamatayan. Pulang Saludo sa Mga Bayani ng Bayan!
https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pagdakila-ang-iginagawad-ng-partido-komunista-ng-pilipinas-at-josepino-corpuz-command-bhb-gl-kay-pepito-ka-dylan-ka-vergel-bautista-bayani-ng-uring-magsasaka-magiting-na-pulang-m/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.