CPP Nueva Ecija Provincial Committee
CPP Central Luzon Regional Committee
Communist Party of the Philippines
July 07, 2024
Ang kasaysayan ni Kasamang Hilario “Larry” G. Guiuo ay punong-puno ng inspirasyon at mga aral. Nakilala siya sa iba’t-ibang lugar na destino ng tungkulin bilang si Ka Pinong, Berting, BE, Tonyo, Ric, Ab-bing, Abner, Jr, Jun at Arce.
Ang kasaysayan ni Kasamang Hilario “Larry” G. Guiuo ay punong-puno ng inspirasyon at mga aral. Nakilala siya sa iba’t-ibang lugar na destino ng tungkulin bilang si Ka Pinong, Berting, BE, Tonyo, Ric, Ab-bing, Abner, Jr, Jun at Arce.
Sa murang edad ng pagiging kabataan ay seryosong niyakap ang buo-buo at walang pag-iimbot na rebolusyonaryong paglilingkod sa Sambayanan. Namulat at kumilos sa hanay ng mananampalataya, kabataan at uring magsasaka. Natuto sa gawaing alyansa sa taong simbahan at makabayang pulitiko. Ulirang halimbawa ng masang aktibista, lider at rebolusyonaryong kabataan.
Hindi pa man maaaring sumapi sa Partido sa edad 17 taong gulang ay nagpasyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan na handang mag-alay ng buhay para sa masa at rebolusyon. Tinalikuran ang mapanukso na petiburgis na mga oportunidad ng karangyaan sa tulad niyang may talino kapalit ng mahirap at puno ng sakripisyo’t panganib na walang sawang paglilingkod.
Ang determinasyon ay ipinakita ng literal na pagtangan niya ng aniya’y “no turning back” at “burning bridges behind your back”. Sinunog ang lahat ng kanyang mga litrato bago tahimik at walang paalam na nilisan ang mga natutulog pa na mga mahal na kapatid at magulang. Halos isang dekada bago umugnay sa pamilya noong nagpapagaling ng sugat na tinamo sa kagubatan nang matirang mag-isa sa isang engkwentro sa kaaway. Halos isang linggo siyang nag-iisang naglalakad dala-dala ang mahigit limang riple ng mga nalagas na kasamahan. Tinanganan dito ang “sumalig at magtiwala sa masa”. Sadyang nagpakita at nagpakilalang hukbong bayan sa hindi kilala na unang nakasalubong na masa na nagpakain sa kanya at tinulungan pa siya sa pagdadala ng mga armas. Sinamahan siya ng mag-amang masa at itinuro ang daan sa kanya para makadugtong patungo sa ibang mga kasama.
Ang nasimulang karanasan at kaalaman sa paghahanda ng Larangang Gerilya sa Guimba ay nakumpleto sa erya ng Maria-San Luis. Mula sa pagbubuo ng baseng masa ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid ay tumungo sa pagbubuo nila ng Yunit ng Hukbo at paglulunsad ng kauna-unahang taktikal na opensiba sa erya na pinamunuan niya. Laman ng mga gawain ang pagsusulong ng minimum na programa ng rebolusyong agraryo na ibayong nagpapalakas sa baseng masa, hukbo at pakikidigmang gerilya.
Ang mga kwento ng mga masang tatay at nanay na naging malapit sa kanya ay tanda ng kanyang malalim na pag-ugat sa masa. Masiglang nakikipamuhay, lumalahok sa produksyon, nagpupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos para sa rebolusyonaryong digmang bayan.
Higit na naging matatag at matalas na rebolusyonaryong proletaryong organisador at mandirigma sa naranasang pagkatuto sa kumpletong karanasan ng pagrerebolusyon. Tunay na naging guro niya ang masa sa pagsasalin ng teorya sa praktika para tuklasin ang mga wastong aplikasyon ayon sa bawat partikular na kalagayan.
Ang napanday sa buhay-at-kamatayang pagrerebolusyon ay umani ng pagkilala sa kakayahan sa pamumuno. Nahirang na sa Komite ng Partido sa supra-probinsya ng Nueva Ecija-Aurora sa edad na halos lagpas dalawampung taon pa lamang.
Naputol ang mayamang karanasan sa kabundukan ng Sierra Madre nang maaresto ng kaaway noong 1989. Pinamunuan naman niya dito ang mga bilanggong pulitikal sa pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan. Mayor na tagumpay nila na silang lahat ay magsama-sama sa selda kasama ang dalawang akusadong partisano ng National Capital Region. Nang lumaya ay panandaliang itinalagang Pangrehiyong Opisyal sa Paniktik. Inihapag niya sa Partido ang kagustuhan na sa loob ng Yunit ng Hukbo sa bundok at gubat ang kanyang mas ninanais na deployment.
Ang serye ng mga sumunod na tungkulin ay pawang pangunguna ng pagrerekober ng probinsya na lagi siyang kasama at nasa loob ng hukbong bayan. Naitalagang kalihim ng Supra Komite ng Pangasinan-Zambales. Kasunod ay itinalaga sa probinsya ng Tarlac. Sa panahon ng pagpapatupad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ay namuno sa Bataan-Zambales sa pagbawi ng mga erya na pinamumugaran ng mga rebisyunistang-taksil na MLPP/RHB. Muling mapagpasyang nakairal ang Partido at BHB sa lahat ng ito. Masayang tinanggap ang muling pagtatalaga sa kanya sa probinsya ng Aurora. Nakabalik muli siya sa kabundukang ng Sierra Madre matapos ang halos dalawang dekada.
Nang ipatupad ang programa ng Partido alinsunod sa teorya ng “sub-regional military area” ay hinirang siyang kalihim sa SRMA-Hilagang Silangan Gitnang Luzon. Saklaw nito ang Hilagang Nueva Ecija, Aurora, Timog Nueva Vizcaya at Silangang Pangasinan. Pangalawang Kalihim rin siya ng KT-KR.
Muling naputol ang pagrerebolusyon sa kabundukang Sierra Madre at Caraballo nang maaresto noong 2014. Nang lumaya ay itinalaga sa Tarlac-Zambales mula 2017 sa kasagsagan ng paglulunsad ng Ikatlong Kilusang Pagwawasto. Taong 2021 ay pinangunahan ang pagsusuma ng pagpapatupad ng ikatlong kilusang pagwawasto ng Partido sa rehiyon sa loob ng 2016-2021. Matalas na tinukoy at pinuna ang malulubhang empirisismo, konserbatismo at burukratismo. Iginuhit ang mapagpasyang paghakbang para sa muling pagpapasigla at pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa Gitnang Luzon. Kalihim ng Komiteng Rehiyon at Komiteng Tagapagpaganap ng Kominteng Rehiyon si Ka Arce.
Ang naratibong Ka Larry ay tunay na mayaman sa mga rebolusyonaryong inspirasyon at aral. Tampok dito ang mahusay na aktitud at kondukta niya sa mapagkasamang pakikitungo na humahanap lagi ng pagbubuo ng pagkakaisa. Karaniwan na paraan niya ang mahinahon at matiyagang paglilinaw, pakikipag-aralan, pagpapaunawa at pangungumbinsi sa halip na idadaan sa pag-aatas.
Mahigpit sa regulasyong militar at disiplinang bakal. Subalit lagi’t lagi na dinidiinan sa teorya at praktika niya ang pagiging pulitiko-militar ng Bagong Hukbong Bayan na absolutong nasa pamumuno ng Partido sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Bilang mandirigma ng bayan ay tuwiran ang karanasan niya sa batayang TO, aktibong depensa, operasyong sparrow, pagtudla at iba pa. Kasabay nito ang tuwirang pagsangkot sa paggagawaing masa. Ang tuwirang paglubog at paglahok sa mga gawain o ang “paglulupa” ang mabisa niyang paraan ng pamumuno, pagsubaybay, paggabay at pamamahala. Hindi niya maiwan ang Hukbo at mga gawain sa rehiyon kaya’t pinili niyang huwag dumalo bilang opisyal na delegado sa Ikalawang Kongreso ng Partido noong 2016.
Mahigpit ang paggigiit sa pagtangan sa teorya at praktika ng Armadong Pakikibaka. ‘Ika niya, “maraming nagkukunwaring progresibo pero ang natatanging nag-iiba sa tunay na pambansa-demokratikong aktibista ay ang pagkilala sa Armadong Pakikibaka…” Dinidiinan niya ng husto ang pagtunggali, pagbaka at pag-igpaw sa malubhang ligalismo, populismo, ekonomismo, repormismo, kooptimismo at kapitulismo bilang mga kontra-rebolusyon na pakikipagsabwatan sa naghaharing uri at reaksyunaryong sistema. Dagdag pa niya, “…huwag naman sana na ang mga nasa hayag ay hayaan na lamang mag-isa ang hukbo nila dulot ng ligalismo at iba pang kanang oportunismo sa politika…”
Sa gawaing masa ng Hukbo at mga kasama ay matampok ang pagtitiyak niya sa integrasyon ng hindi mapaghihiwalay at naglalangkapan na pagbubuo ng baseng masa, rebolusyong agraryo at pagpapalakas ng hukbo at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Kagyat na isinasaayos ang SICA para maibuo ang programa sa rebolusyong agraryo na tinitiyak na nagpapalakas sa baseng masa at hukbo. Sa lahat ng kinilusan niya ay tiniyak na merong nailulunsad na mga rebolusyong agraryo na susi para sa pagpapalaya sa pagsasamantala at pang-aapi sa nakararaming mamamayan tungo sa pagkakamit ng demokratisasyon ng ating lipunan. Madiin ang Ka Larry sa puntong ito.
Merong isang artikulo sa mga nakaraang isyu ng Himagsik na kinapanayam si Ka Tonyo kaugnay sa pagtatayo ng rebolusyonaryong pagpapamilya. Sa kabila ng mga limitasyon, maningning ang kanyang halimbawa dito sa balangkas ng pagrerebolusyon na may pagtunggali sa burgis-pyudal na makasariling pagpapamilya. Maraming mga pagkakataon na nangungulila sa mga anak at asawa subalit kinikilala ang pangunguna ng interes ng rebolusyon at masa kaya’t kinakaya ang hirap at sakripisyong pampamilya.
Marami sa mga kasama ang naituturing siyang ama, kuya, uncle at lolo dahil sa kanyang kahusayan sa pagpapayo sa mga pulitikal man o personal na usapin. Matiyagang ginigiyahan ang pagtatahi at pagririles kung merong kasamang nagkakakrisis o demoralisado. Kahit ang mga nakasama niyang mga bagong kadre ay hinihiling ang pagdulog at pakikipagkausap sa kanya kung namomroblema. Nakatatak sa maraming kasama ang mga pagpapayo ni Ka Larry. Mga pabaon na ginintuang bilin, makabuluhang gabay sa pagrerebolusyon.
Ang makulay na paglalakbay ni Ka Larry sa paglilingkod sa sambayanan, katulad ng maraming kasama, ay buhong na sinisiraan ng puri. Naglulubid ang estado ng legal na kasinungalingan at panlilinlang upang bansagan na terorismo ang rebolusyon at terorista ang mga kasama, aktibista at iba pang mga progresibo. Ang terorista ay armadong entidad na ang pinipinsala ay hindi armado o sibilyan. Wala sa rekord ni Ka Larry at buong kilusan ang maging patakaran at kalakaran na maging target ang sibilyan dahil ang pagrerebolusyon ay para sa karapatan, katarungan, kalayaan at kasaganaan ng masa ng sambayanan. Tiyak na mabibigo ang kasinungalingan ng mga kaaway at mananaig ang katotohanan at katarungan. Panandang bato ang walang pag-iimbot na buhay-at-pakikibaka ni Ka Larry na siya ay magiting, matatag at punong-puno ng proletaryong optimismo ng isang rebolusyonaryo.
Hindi dito nagtatapos ang pagpupugay kay Ka Larry. Sa araw araw na pagpapatuloy natin sa anumang kakayaning pagrerebolusyon ay ang kongkretong paggawad natin ng parangal sa kanyang dakilang pamana.
Nararapat tayong magpasalamat sa buong pamilya at mamamayan ng Guimba sa kanilang pagluluwal ng isang Ka Larry na makasaysayan ang ambag sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyon Bayan. Maraming Salamat sa mga pagmamahal kay Ka Larry. Maraming salamat sa mga kapatid, mga pamangkin, mga kamag-anak, mga kaibigan, batchmates, kababata at sa lahat. Sama sama nating itayo ang bantayog ni Ka Larry sa dahon ng rebolusyonaryong kasaysayan.
Itanghal sa pinakamataas na pagpupugay si Ka Arce! Mabuhay ang pamana ni Ka Hilario “Larry” G. Guiuo!
Mabuhay ang CPP(MLM)/NPA/NDFP!
Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
https://philippinerevolution.nu/statements/kasamang-hilario-guiuo-ulirang-lider-komunista-at-punong-kumander/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.