Wednesday, September 9, 2020

CPP/NPA-Bicol: Magiting na hinaharap ng Pulang hukbo ang matitinding atake ng JTFB

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 9, 2020): Magiting na hinaharap ng Pulang hukbo ang matitinding atake ng JTFB

RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
NPA-BICOL
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 09, 2020



Nakikipagtagisan si BGen. Henry A. Robinson sa iba pang mga kumander ng AFP sa paramihan ng mapapaslang na rebolusyonaryo. Kapalit nito ang pangako ng milyun-milyong kinurakot na gantimpala ng teroristang rehimeng US-Duterte. Sa kumpas ng JTFB, hinahabol nila ang pinakamaraming sagupaan sukdulang i-bala na ang kanilang mga kawal sa mga labanang tiyak naman ang kabiguan. Nito ngang Hulyo 30, inatake ng pinagkumbinang pwersa ng 22nd IBPA, 31st IBA, 903rd Infantry Bgd. at mga yunit ng PNP ang BHB sa Daganas, Bulan, Sorsogon. Nasawi rito sina PFC Greyan Andus at Police Cpl. Arnel Divinagracia.

Sang-ayon sa direksyon ng JTFB na makapaghabol ng puntos laban sa Pulang Hukbo, walang-awat ang pagpapakitang-gilas ng mga batalyon ng 9th IDPA kabilang na ang bagong-sanay na 22nd IBPA at bagong-pakat na 49th IBPA sa kanilang punong-upisyal. Sa Sorsogon at Albay kung saan ipinakat ang dalawa, patuloy na nadaragdagan ang mga baryong dinudumog ng mapanlinlang na Retooled Community Support Program (RCSP) na may kakambal na malalakihang operasyong militar. Gayunpaman, suntok pa rin sa hangin ang kalakhan ng kanilang mga aksyon laban sa BHB. Sa halip na mapadapa, ibayong itinutulak ng walang pakundangang krisis at pasismo ang laksa-laksang mamamayang tumangan ng armas, isulong ang armadong paglaban at pabagsakin ang reaksyunaryong estado.

Sa lahat ng panig ng rehiyon, matatag na magkatuwang ang masang anakpawis at BHB sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Sunud-sunod na nabibigwasan ng Pulang hukbo ang mersenaryong pwersa ng estado sa kabila ng pagdaragdag ng tauhang militar para sa operasyon ng JTFB. Sa Sorsogon, tatlong matatagumpay na aksyong militar ang ilinunsad ng Celso Minguez Command (CMC-BHB Sorsogon) nitong Hulyo 14-16 kung saan isa ang napaslang at dalawa ang sugatan sa hanay ng AFP-PNP-CAFGU. Hindi rin nakahahadlang ang matinding operasyong militar sa Masbate at Camarines Sur sa paggawad ng rebolusyonaryong hustisya, laluna sa mga kumpanyang nagtatayo ng mga imprastrukturang lubhang nakaaapekto sa buhay at kabuhayan ng masa.

Nananatiling malakas ang Pulang Hukbo dahil nasa panig nila ang katarungan. Sinusuportahan at kinikilala sila ng mamamayan bilang mga mandirigmang may prinsipyo, tagapagtanggol ng masa at katuwang sa pagsusulong ng interes ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang sukatan ng tagumpay ay ang bentahe sa pulitika para sa pagtatanggol at pagsusulong ng interes ng uring anakpawis. Wala mang pangako ng gantimpala o medalya, patuloy na iniaalay ng mga Pulang mandirigma ang kanilang panahon at buhay nang walang pag-iimbot upang mapanday ang higit na mabuting kinabukasan para sa mga susunod pang henerasyon.

Nananawagan ang RJC-Bikol sa mga kawal ng 9th IDPA na tumindig sa panig ng tiyak na tagumpay – ang panig ng masa. Ang pumanig at magsilbi sa isang institusyong pinagagana lamang ng pulbura at limpak-limpak na salapi ay katumbas ng pagtatakwil sa mamamayang ilang siglo nang bumabalikwas. Hindi kagitingan, kundi pagpapauto at pangangayupapa, ang mahulog sa lohika at baluktot na pananaw ng AFP-PNP-CAFGU sa kapayapaan at katarungan.

Asahang ibayong pagtitibayin ng RJC-BHB Bikol ang pagtangan sa opensibang postura, disiplinang bakal at pagpapataas ng syensya ng digma upang mabigwasan ang kaaway at mahusay na maipagtanggol ang masa. Sa gabay ng Partido, panata ng BHB na ibayong organisahin at palakasin ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan upang labanan ang pasismo hanggang sa tuluyang agawin ang pampulitikang kapangyarihan upang maitayo ang isang lipunang na malaya. Puspusan nilang susuportahan ang masa mula pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pagtatanggol ng kanilang mga karapatan hanggang sa ganap na pagtatayo ng isang estadong tunay na kumakatawan sa kanilang interes. Lagi’t lagi, magkatuwang na makikibaka ang masang Bikolano at ang kanilang Pulang Hukbo hanggang sa ganap na tagumpay.

https://cpp.ph/statements/magiting-na-hinaharap-ng-pulang-hukbo-ang-matitinding-atake-ng-jtfb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.