Thursday, November 7, 2019

“Ka Allan” at 7 NPA guerillas, sumuk

From Palawan Daily News )Nov 7, 2019): “Ka Allan” at 7 NPA guerillas, sumuko



Si "Ka Allan" at ang pitong NPA umano na sumuko. Photo by Mike Escote/Palawan Daily News

Sumuko na ang isa sa pinakamataas na lider ng New People’s Army (NPA) sa Palawan na si Alimar Libuna Toting o mas kilala sa alyas na Ka Allan at gumagamit rin ng mga alyas na Peter/Kier/Marga na siyang commander ng Bienvinido Vallever Command.

Ayon kay Ka Allan, nagdesisyon silang sumuko dahil sa nais na nilang makasama ang kanilang mga pamilya.

“Ang kwan naman namin, yung desisyon na talaga hindi lang naman ako, yung mga kasama ko na magpahinga dahil una ang pinakamabigat-bigat na sakripisyo diyan, yung mapalayo ka sa pamilya. Tayo, lalo na ako, mayroong anak. Hindi basta-basta natin mabisita kaya isa yun sa mga nakapag-nagtulak na magpahinga tsaka yung kapamilya namin mismo, halos araw-araw nagti-text, nagtatawag na kami ay magpahinga,” pagdidiin pa ni Ka Allan.

Sa press conference na ipinatawag ng Palawan Task Force ELCAC (Ending Local Communist Armed Conflict), na pinangunahan nina Palawan Governor Jose Chavez Alvarez bilang PTF ELCAC Chairman at Vice Admiral Rene V. Medina, Western Command Commander, PTF ELCAC Co-chairman kasama sina Atty Teodoro Jose S. Matta, Legal Cluster at Brigadier General Charlton Sean Gaerlan, Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster, sinabi nila na sumuko si Ka Allan sa Task Force Peacock ng Marine Batallion Landing Team 3 na nakabase sa Bgy Tiniguiban, Puerto Princesa City noong November 5, sa bayan ng Sofronio Española.

Kasama ni Ka Allan na sumuko sa mga otoridad ang pito pang miyembro ng NPA na sina Glenmar Libuna Toting alyas Resmi-Mandirigma(squad Member), Jurin Libuna Aldea alyas Wilme, Melody Libuna Toting alyas Honey/Hana na nagsilbing Medical officer, Soren Libuna Aldea alyas Justine, Vicente Sonio Lachica alyas Troy/Andre/Harold/Rejon (squad member) Liason Provincial Operational Command(Bienvinido Vallever Command, Arnold Atres alyas Randy( Peoples Intelligence Network) at Janeth Ortega na siyang Lider ng Ganap na Samahag Masa (Maasin-Calasaguen).

Isinuko rin nila ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang M16 rifles na may dalawang magasin at sampung bala, isang 9mm Tokarev pistol, isang 9mm Norinco Pistol, at isang Spas3 12-gauge shotgun.

Samantala, iginiit naman ni Ka Allan na sa kanilang pagsuko ay umaasa silang makakapamuhay na ng mapayapa at matiwasay lalo na’t seryoso naman ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap sa liblib na lugar. “Sa tingin ko po kayang kaya kasi seryoso naman magbigay ng tulong lalong lalo ang yung provincial government dito sa Palawan at tsaka ang local government seryoso pumapasok talaga doon sa mga liblib na lugar ang mga proyekto para sa mga mahihirap” dagdag pa niya.

Handa rin umano siyang maghintay kung ano ang ibibigay sa kaniya ng pamahalaan kapalit ng kaniyang pagsuko.

Sinabi pa niya na pumasok siya sa NPA noon dahil sa nakuha nito ang kaniyang simpatya noong nagtatrabaho siya sa isang palm oil company.

“Ang una dahilan syempre nasasamantala ang isyu tungkol diyan sa hanap buhay yun ang nasasamantala, na-recruit ako nagtartabaho sa palm oil company tapos nasaamantala ang mga isyu matagal ang sahod, maliit ang sahod tapos napakahirap magtrabaho diyan tagal ng sahod kaya nasasamantala siya kaya kami noon na wala pang hindi pa nakapag isip nahikayat na baka totoo itong sinasabi ng CPP-NPA na mahirap ang buhay at napapabayaan nga ng gobyerno yun ang props na binibitawan para makuha ang simpatiya mismo ng mga tao” salaysay niya.

Sinabi naman ni Gaerlan, na siya ring Commander ng 3rd Marine Brigade, na matagal nang nagsimula ang kanilang pakikipag ugnayan sa mga rebelled para mapasuko ang mga ito.

“Actually ‘yung ating efforts kay Ka Allan ay matagal ng nagsimula mga 1 year ago, ang members ng Joint Intelligence Task Force West, lahat ng intel community ay tinatarget na siya hindi lang sa pag-aresto kundi yung iba lumalapit sa pamilya, nagrereach out tayo sa kaniya and last October medyo hindi natuloy ang kaniyang pagsurender, may mga circumstances na hindi natutuloy, then last October noong mabuo na nga ang ELCAC, nagfull blast tayo. Lahat ng government agency, lahat ng sector sa cluster natin laging nagpapabrodkast na magsurender basta lahat ng cluster ng Palawan Task Force nagtulong- tulong pumupunta tayo sa barangay and then ang government forces natin ng Armed Forces at tsaka ng PNP tuloy-tuloy talaga halos walang pahinga mag-operate doon sa bundok and the recently doon sa mga contacts natin, nagka-break through siya last week and nagkaroon tayo ng chance na ipakita kay ka allan kasi nakausap talaga niya ang tropa natin and the nagkapalagayan ng loob kaya after that pinik-up na naman siya sa Sofronio Espanola,” kuwento pa ni Gaerlan.

Kinumpirma naman ni Governor Alavarez na mayroong tinatawag na reach out program ang pamahalaang panlalawigan para sa mga residenteng nasa bundok at nahihiyang makiisa sa tuwing sila ay maghahatid ng mga social services sa mga barangay.

Kapag tumugon umano ang mga ito ay hindi lang pera at hanapbuhay ang kanilang matitikman dahil lahat ng gastusin pang medikal ay sasagutin na ng Provincial government, sa katunayan nagtayo na siya ng 15 secondary hospitals sa lalawigan.

Maliban dito, bawat taon ay naglalaan ang kaniyang adminsitrasyon ng P150 milyon panghanapbuhay tulad halimbawa ng pagbibigay ng dalawang alagaing kambing sa bawat pamilya.

“Hindi ko tinitipid basta mahihirap,” giit pa ni Alvarez.

Katulad rin umano ng grupo ni Ka Allan, kung ang pamilya nila na hindi kabilang sa nakikibaka sa kabundukan ay hihingi ng tulong sa pamahalaan, kanila itong tutulungan.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty Matta na kung mayroong kasalukuyang kaso ang mga sumukong rebelde ay kailangan nila itong harapin subalit makakatulong umano ang kanilang pagsuko para mapababa ang kanilang asunto.

Samantala, tiniyak naman ni Vice Admiral Medina ang kaligtasan ng mga sumukong rebelde at ng kanilang mga pamilya.

Sa huli ay hinikayat ng ELCAC ang mga hindi pang sumusukong rebelde na bumaba na at magbalik loob sa pamahalaan.

https://palawandailynews.com/provincial-news/ka-allan-at-7-npa-guerillas-sumuko/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.